Unang Liham

19 3 2
                                    

Siguro ang lahat ng makababasa nito ay magtataka kung bakit kailangan kong gumawa ng ganito. Nais kong ang unang pahina nito ay tungkol sa iyo kahit batid kong hindi mo na ito mababasa pa.

Tandang-tanda ko pa ang unang published story ko rito sa wattpad ay tungkol sa iyo. Isang pahina lang ang nilalaman nito dahil nais kong abangan ang mga susunod na pangyayari sa kwento nating dalawa dahil umaasa rin ako na baka sa pagdating ng panahon ay magkikita tayo muli sa tamang oras ngunit nagkamali ako.

Dahil sa iyo, ako'y naniwala sa mga bagay na hindi ko naman pinaniniwalaan. Dahil sa iyo, ang mga bagay na hindi ko maintindihan ay aking nauunawaan na ngayon. Dahil sa iyo, marami akong natutunan.

Nakilala kita sa aking paaralan, akala ko ay isa kang dayong estudyante ngunit isa ka palang graduating student na nagsasanay sa aming paaralan. Ilang taon ang tanda mo sa akin at hanggang ngayon ay natatawa pa rin ako sa tuwing naalala ko kung paano ko hanapin ang FB account mo para ma-add kita. Ngunit alam mo na kailanman ay hindi tamang samantalahin ang isang kagaya kong batang estudyante.

Grade 8 year nga naman talaga ang pinakamasayang taon ko sa Junior High School. Dama ko ang pagiging bata, malaya, at masaya kasama ang mga kaibigan ko. Isa ka sa mga bumuo ng kasiyahang ito at masaya akong naging parte ka ng kung ano ako ngayon.

Natutuwa pa rin ako sa tuwing naalala ko ang pagtawag ko sa'yong "Kuya!" kada makikita kita. Sa tuwing magkakasalubong tayong dalawa ay mag ngingitian tayo o kaya naman ay kakaway ako na may ngiti sa labi. 

Nais kong malaman mo na isa ka sa mga inspirasyon ko kung bakit ako sumusulat.

Nais kong malaman mo ang lahat ng ito.

Nais kong malaman mong gusto kita.

Batid kong kahit 'di ko man sabihin ay alam mo ang tunay kong nararamdaman.

Siguro ang mga nagbabasa nito ay nagtataka kung bakit hindi ko na lang sinabi sa iyo ang aking nararamdaman.

Umasa kasi ako na baka sa susunod na mga taon ay magkikita tayong muli, kung saan nasa tamang edad na ako, sa tamang oras ngunit bigla ka na lang lumisan.

Nasa tamang oras kang dumating sa buhay ko.

Hindi ka nauna at hindi rin ako nahuli.

Ang tamang oras na aking hinihintay ay dumating na pala at hindi ko ito napansin sapagkat ako'y abala sa paghanap ng mga sagot sa mga katanungan na sa aking harapan na pala.

Ikaw ay isa sa mga pinakamasayang alaala ko.

Batid kong ayaw mong mamuhay ako na may pagsisisi sa puso kaya naman ginawa ko ang liham na ito.

Iwan mo na ang lahat ng gumugulo sa iyong puso't isipan.

Iwan mo na ang mga pagsisisi sa iyong buhay.

Iwan mo na ang mga naiwan mo sa mundong ito.

Magpahinga ka na kung saan ka man ngayon.

Maging masaya ka sa bagong yugto na iyong tinatahak.

Aking ipagdarasal na sana ay kasama mo ang panginoon ngayon, na sana ay nasa mapayapang lugar ka na ngayon, malayo sa magulong mundong ito...

At kung ako man ay iyong naririnig, nais kong malaman mong masaya akong nakilala kita sa tamang oras ng buhay ko. Mabubuhay ako kasama ang mga alaalang iniwan mo.

Hanggang sa muli nating pagkikita, Kuya Felix.

Nagmamahal,

Kiarah.

Mga Lihim Na LihamTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon