Drow Ranger

3 1 0
                                    

Takbo. Takbo. Takbo lang.

Wala pa akong mga espesyal na kagamitan upang mapabilis ang aking kilos, ngunit ginagawa ko ang lahat makatakas lamang sa mga halimaw. Hawak ko ang pana habang nasa likod ko naman ang mga palaso—mga bagay na ilang beses ng nagligtas sa aking buhay.

Hindi kailanman naging madali ang mundo ko. Nahahati ito sa dalawang nag-uumpugang bato; ang masasama at mabubuti. Kabilang ako sa mga mandirigimang matagal nang nakatakda upang puksain ang mga demonyong sumisira sa mundo, ngunit kung minsan, sa hindi malamang dahilan ay bumabaligtad ako.

Oo, aaminin ko. Iba ang pakiramdam kapag nakakapatay ako. Masaya iyon at nakatataas ng libido. Hindi matatawarang galak ang bumabalot sa akin kapag napapatumba ko ang mga kaaway, lalo na kung ang napupuksa ko ay iyong mga may kakayahan ring espesyal katulad ko. Marami kami sa mundong ito, lahat ay may taglay na kapangyarihan at abilidad. Ngunit kung inaakala mo ay masaya manirahan sa mundong ito, nagkakamali ka.

May katumbas na responsibilidad ang kapangyarihan. Kailangan ay handa ka sa anumang sigalot na maaari mong kaharapin. Wala ka ring permanenteng alyansa rito, at ang tanging kakampi mo lamang ay ang sarili mo.

Tumigil ako at nagpalinga-linga sa paligid. Dumilim na ang kalangitan at lalo akong naging alerto. Batid kong wala na ang araw at maya-maya ay ang buwan na ang mamumuno sa langit, ngunit ang hindi ko alam ay kung natural ba ang pagdilim na ito. Marami rito sa aking mundo—kaaway man o kakampi—ang may kakayahan na baguhin ang kalakaran ng panahon. Nagagawa nilang mapagabi ang nag-iinit na tanghali. May iba naman na kayang magpaulan ng yelo kung kanilang nanaisin. At mayroon ding mga kayang magmanipula ng oras.

Kaluskos. May gumagalaw malapit sa akin.

Inihanda ko ang aking sarili. Kumuha ako ng palaso at dahan-dahang inilagak iyon sa aking pana. Wala man akong kakayahan na tulad ng sa kanila, nalalamangan ko naman sila sa bilis.

Umalis siya sa dilim, at nakita ko ang kanyang mukha.

Isang kalaban.

Agad ko siyang pinaulanan ng palaso. Sunud-sunod ang naging pag-atake ko, at dahil rito ay hindi siya nakaporma. Marahil ay dahil sa mas mababa ang lebel niya sa akin o kaya naman ay dahil sa mahikang inilagay ko sa mga pana upang bumagal ang kilos niya.

Ngunit hindi na mahalaga kung anuman ang rason niya. Ang tanging alam ko ay kinakailangang mapatay ko siya.

"Aaah!" ang narinig kong sigaw niya. Nakita ko ang paglisan ng kanyang kaluluwa mula sa pisikal niyang katawan. Napabuntong-hininga ako habang may bumabalot na dilaw na aura sa akin. Napangiti ako.

Lumakas ako ng isang baitang.

Pumikit ako at dahan-dahan pinag-isipan ang susunod kong kukunin na abilidad.

"Tangina naman Isma, pipikit-pikit pa eh! Kailangan ko tulong dito oh mapupush na tayo! Silence kunin mo kailangan ko yan dito," sabi ng katabi ko. Halata sa kanyang tono ang pagkainis. Nanumbalik ang diwa ko sa aking katawan.

Pinili ko ang sinabi niya at ibinalik na lamang ang atensyon sa paglalaro ng DoTA.

Drow Ranger (Flash Fic)Hikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin