REGALO

50 11 64
                                    


Malamig na simoy ng hangin ang dumampi sa aking balat nang ako'y makalabas ng simbahan.

Agad kong nilibot ang aking paningin. Napangiti ako habang pinagmamasdan ang mga pamilyang naglalakad palabas din ng simbahan. May mga batang nagtatakbuan patungo sa naglalako ng mga lobo at laruan. Ang iba naman ay kasama ang ibang mahal nila sa buhay. Ang bawat gusali sa labas ay may kanya-kanyang palamuti at pailaw. Nagtataasang christmas tree naman ang makikita sa harap ng munisipyo na katabi ng simbahan.

Sa unang tingin ay masasabi talagang pasko na. Pero ano nga ba ang totoong simbolo ng pasko?

Isang dampi ang aking naramdaman sa aking kanang balikat. Napalingon ako at napangiti nang makita ko ang aking inay. Katabi niya ay ang aking bunsong kapatid na si Peter. Sa likod naman nila ay si itay.

"Tara na, Hannah?" tanong ni inay.

Napatango naman ako.

Nagtungo na kami palabas ng parke ng simbahan. Napakadaming tao ang naglalakad kasabay namin. Marahil ay nanggaling din sila sa simbahan para sa huling simbang gabi. Ang dami ring mga sasakyan sa daan. Paniguradong maraming tao na ang nagsisiuwian para salubungin ang pasko. Habang naglalakad kami pauwi ay matatanaw ang mga taong nakapila sa pamilihan ng mga pagkain. Maaaring handa nila sa noche buena.

May kalayuan ang aming tahanan mula sa simbahan. Halos kalahating oras ang nilalakad namin mula simbahan patungo sa may paanan ng bundok kung nasaan nakatayo ang aming munting tahanan. Pero hindi inda sa amin ang haba ng lakarin dahil pag magkakasama kami ay tila napakaikli lamang ng oras.

Matapos ang kalahating oras ay nakarating din kami sa aming tahanan. Sa sala ay bumungad agad sa amin ang iba't ibang gamit na tiyak na naghihintay na sa aming pagdating.

Napaunat ako tsaka na napatingin kay Peter. "Pinaka-kaunting mababalot, siya ang magliligpit ng lahat ng kalat. Game?"

Napangisi naman ang kapatid ko tsaka na pinatunog ang mga buto ng kanyang mga daliri. "Game."

Agad kaming napaupo sa sahig tsaka na sinimulan balutin ang iba't ibang kagamitan na nasa sahig. Mayroong mga laruan, gamit sa eskwela, at mga damit pang-bata na nakalagak sa bawat sulok ng mumunti naming sala.

"Iinitin ko lang 'yong biko. Tay, tulungan mo na sila," rinig kong paalam ni inay tsaka na nagtungo ito sa aming kusina.

Napaupo naman si tatay sa tabi ko at sinimulang gumupit ng mga pambalot sa regalo.

Taon-taon na naming ginagawa ito. Nakagawian na namin na magbalot ng mga regalo para sa mga kabataan sa araw ng pasko. Ito na daw kasi ang ginagawa ni inay at itay noong magkasintahan pa lamang sila. Nais din nila na gawin namin ito at ipasa ang tradisyon na ito sa susunod pang mga henerasyon.

Mula labing-anim hanggang dalawangpu't dalawa ng Disyembre ay nangangaroling kami sa mga bahay-bahay. Namumulot din kami ng mga bote, dyaryo, at mga sirang kagamitan na pwedeng maibenta. Ang mga nalilikom namin ay ipinang-bibili namin ng mga regalo. Ang ibang mga gamit naman ay donasyon mula sa mga kaklase at kaibigan namin ni Peter.

Pagbebenta lamang kasi ng kakanin ang kinabubuhay ng aking mga magulang at sapat na iyon para sa araw-araw naming gastusin. Iskolar naman ako sa kolehiyo at nasa pang-publikong paaralan sa high-school naman si Peter. Pero kahit ganoon ang aming estado sa buhay ay hindi iyon hadlang para makatulong kami sa iba. Naniniwala kasi ang aming mga magulang na wala sa karangyaan ang kakayahan ng isang tao para tumulong. Ang pagtulong ay kayang ibigay ng kahit sino man basta ito ay bukal sa kalooban.

Ayon nga sa Gawa, kabanata dalawangpu, bersikulo tatlongpu't lima, may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.

Matapos ang anim na oras na pagbabalot ng mga regalo ay sumapit na ang araw ng kapaskuhan. Nagtungo kami sa harapan ng altar at lumuhod upang magdasal.

"Panginoon, maraming salamat at binigyan mo ulit kami ng kakayahang tumulong sa iba ngayong pasko," sambit ng aking ina.

"Maraming salamat po dahil magkakasama kami sa araw ng iyong kaarawan," dasal naman ni itay.

"Maraming salamat po, Papa Jesus, at ako po ang pinakamaraming nabalot ngayong taon."

Napangisi naman ako sa sinabing iyon ni Peter. Kung alam lang niya na binagalan ko talaga ang pagbabalot para manalo siya.

"Lord, sana po ay matuwa ang mga bata sa aming mga regalo. Kahit po hindi kamahalan ang aming mga naihanda ay nawa'y kahit kaunti ay magbigay ito ng ngiti sa kanila ngayong pasko," dasal ko naman.

"In Jesus name," sambit ni inay.

"Amen," sabay-sabay naming wika.

Nagtinginan kami sa isa't isa at napangiti.

"Merry christmas po, 'nay, 'tay, Peter," bati ko tsaka na isa-isa silang niyakap.

Niyakap din nila ako pabalik.

Matapos naming batiin ang isa't isa ay napagpasyahan na naming pagsaluhan ang ininit na biko ni inay. Kahit ilang beses ko nang natikman ito ay ito pa rin ang pinakamasarap na biko na natikman ko. At kahit ito lamang ang mayroon kami ngayon sa hapag-kainan ay masaya pa rin kami. Dahil ngayong araw ng pasko, ang aming tahanan ay napunong muli ng mga regalo na masaya naming ihahandog sa mga nangangailangan. Kahit wala kaming regalong matanggap o handa sa noche buena, ang mahalaga ay magkakasama kami, magkakasamang magbibigay kasiyahan sa iba, at kasama namin ang panginoon na siyang sentro sa lahat nang aming ginagawa. Dahil para sa'min, ito ang tunay na simbolo ng pasko.

REGALOWhere stories live. Discover now