Hiyas ng Buhay

7 2 0
                                    

Hiyas ng Buhay

Hinihingal at halos mawalan ng lakas sa pagtakbo si Katherine dahil sa malilit na boses, maging sa nakakikilabot at walang humpay na sigawan na kanyang naririnig sa gitna ng kagubatan. Tinig na humihingi ng saklolo, nagmamakaawa‘t nagngangalit sa kanya. Hindi niya matutulungan ang kahit na sino, dahil maging siya‘y hindi matulungan ang sarili sa kinakaharap na sitwasyon. Walang lingon-likod siyang patuloy na tumatakbo.

“Ti-tigilan n’yo na ako!” Itinakip niya ang magkabilang kamay sa kanyang tainga. Walang kasiguraduhan kung saan siya dadalhin ng kanyang mga paa.

“Katherine,” bulong na nagmumula sa hangin. Paulit-ulit, at walang tigil.

Huminto siya. Umupo‘t ipinikit ang mga mata, saka niyakap ang sarili. Hinimas-himas ang nanlalamig niyang mga braso, nagbabakasakaling mawala ang takot na kanyang nararamdaman dulot ng mga bulong na pumapailanlang sa paligid.

“Tigilan n’yo ako, parang awa n’yo na! Tumigil na kayo!” malakas na sigaw niya habang habol-hiningang napabalikwas ng bangon. Ramdam na ramdan niya ang namumuong pawis sa mukha. Maging ang mabilis, at tila nagkakarerahang tibok sa dibdib niya ay hindi nakalampas sa kanyang pandinig.

Panaginip. Isa na namang nakapangingilabot na bangungot.

“Tubig, oh!” Kaagad na naibaling niya ang tingin kay Yzza na nakatayo sa tagiliran ng kanyang kama, hawak ang isang baso ng tubig na nakaaro sa kanya. Kinuha niya iyon.

“Salamat.” Tipid siyang ngumiti matapos na ibalik dito ang baso.

“Kanina pa kitang ginigising dahil iyang cellphone mo, walang tigil sa pag-atungal!” Napatingin siya sa ibabaw ng maliit na mesang naroon, saka muling tumingin kay Yzza na halata ang inis sa mukha, ngunit mababakas sa maamo nitong mga mata ang pag-aalala. Nang muling tumunog ang kanyang “cellphone” ay padabog na umalis ang dalaga sa harap niya.

“Agent Demares, speaking...” Sinagot niya ang tawag  saka tumingin sa maliit na orasang nakapatong sa mesa— alas-singko ng umaga. Napangiti siya nang mapagtanto ang inasal ng kapatid.

Nagtatrabaho si Katherine bilang agent. Walang eksaktong oras na nakatalaga sa kanya, kung kaya‘t anumang oras siya tawagan ng ahensiya‘y ganoong oras niya kailangang pumunta sa opisina.

“Okay po, Sir. Pupunta na ako kaagad.” Agad siyang nag-ayos ng sarili matapos ibaba ang kanyang “cellphone”. Bago umalis ng bahay, sinilip niya ang kapatid sa silid nito. Napansin niyang mahimbing nang natutulog ang dalaga.

Ilang minuto ang nakalipas bago siya nakarating sa lugar na tinukoy ng kanyang boss. Bangkay ng isang batang babae ang sumalubong sa kanya mula sa isang abandonadong banyo. Butas ang dibdib at wala ang puso nito.

“Anong oras nangyare ang krimen?” tanong niya sa katabing NBI na siyang naglilitrato sa bangkay.

“Bandang alas-tres ng madaling araw.” Nilingon siya ng lalaki saka muling bumalik sa ginagawa.

Hindi niya matitigan ang bangkay ng bata dahil sa sinapit nito, kaya ibinaling niya ang tingin sa umiiyak na ina ng bata. Nakaluhod ang babae habang nagwawala. Nakaramdam siya ng awa. Ilang sandali pa, nag-alisan na ang mga NBI kasama ang ina ng bata matapos maipasok ang bangkay sa ambulansya. Ngunit nagpasya si Katherine na manatili sa lugar. Sigurado siyang naroon lamang ang suspek na gumawa ng nasabing krimen.

‘Panibagong biktima na naman ba ito ng sindikato?’ bulong na tanong niya sa sarili habang titig na titig sa puwesto kung saan nakuha ang bangkay.

Nasa malalim na pag-iisip si Katherine nang makarinig siya ng kaluskos sa kung saan. Napalingon siya sa bahagi ng abandonadong bahay, kaagad na binunot ang baril sa tagiliran at mabilis na tinungo ang eskinitang kanyang napansin. Subalit, wala siyang nakitang kahit na sino. Patalikod na siya nang mapansin ang isang panyo. Kunot-noo niya itong dinampot saka tuluyang nilisan ang lugar at nagtungo kung saan dinala ang bangkay upang alamin ang katotohanan sa likod ng krimeng nangyari.

Hiyas ng Buhay Where stories live. Discover now