1ST.ONE - 151.

8 1 0
                                    

1ST.ONE - 151.

Namulsa si Gift habang nakasandal sa kaniyang motorsiklo. Nakaharap siya sa mahabang ilog at may gusali sa kabilang gawi niyon. Umihip ng malakas ang hangin at niyakap niya ang sarili.

"Gift?"

Napalingon siya dahil sa may tumawag sa kaniyang pangalan. Nakita niya si Jia na mayroong hawak na paper bag.

"Nanggaling ka sa Jollibee?" tanong niya. "Kumusta ang enrollment mo sa baking class?"

"Great. Isa ako sa maagang nag-enroll, hehe." Lumapit ang dalaga sa kaniya at sumandal sa motorsiklo. "Dumiretso ako sa Jollibee at binilhan kita ng chicken, fries and burgers."

Naroon ang saya sa mukha ng binata at kinuha ang paper bag na iyon. Pagkabukas ay kaagad siyang kumuha ng fries at ngumuya.

"Salamat dito, ha? Kumain na ako kanina pero feeling ko nagugutom pa ako."

Tumawa ang dalaga. "Nabasa ko kasi ang message mo na nandito ka kaya pumunta na ako. Mabuti at 'di pa ako nakakauwi."

"Uuwi ka na ba agad?"

"Do'n muna ako sa pastry shop ni tita. Nando'n kasi si Danna." Tiningnan ni Jia ang kaniyang backpack at kinuha ang cellphone. "Picture tayo."

"Sige." Inakbayan ni Gift si Jia at inilapit ang dalaga sa kaniya.

"Ready? Smile!"

Pareho silang ngumiti sa camera. Pagkatapos ng ilang take ay naglayo ang dalawa mula sa isa't isa. Nagkatinginan sila at ngumiti.

"This looks nice." Ipinakita ng dalaga sa binata ang kaniyang cellphone. "I'll send this to you."

"Sige lang."

"Siya, alis na ako."

"Hmm, ingat. Salamat sa pa-Jollibee."

"No problem." Kumaway ang dalaga at tuluyang naglakad palayo.

Bumuntong-hininga si Gift. Habang ngumunguya ng fries ay nakatingin lamang siya sa ilog. Muling umihip ang malakas na hangin at dinama niya iyon. Makalipas ang ilang minuto ay inilagay niya ang paper bag sa kaniyang backpack na nakasabit sa motorsiklo. Tuluyan sjyang sumakay at pinaandar iyon palayo. Pupunta siya sa isang building kung saan siya nagtatrabaho.

Lumipas ang mga oras at malalim na ang gabi. Mula sa Nuvali ay tinahak niya ang kalsada pauwi sa kaniyang bahay sa South Drive Village. Ilang minuto ang lumipas ay nakita niya ang sariling naglalakad papasok sa bahay habang nakasukbit ang backpack sa kaniyang kaliwang balikat. Pagkaupo sa pang-isahang leather sofa ay inilagay niya ang helmet sa tabi maging ang backpack. Sumandal siya sa kinauupuan

Pumikit siya at bumuntong-hininga. Naroon ang saya at panghihinayang sa kaniyang pakiramdam. Hindi niya maintindihan ang sarili. Madaming laman ang kaniyang isipan kaya magulo ang kaniyang nararamdaman sa sandaling iyon. Kalauna'y naging blangko ang kaniyang isipan at tuluyan siyang nagmulat ng mga mata.

"Ano na ba ang gagawin ko ngayon? Nawala ako sa landas na gusto kong tahakin. Gusto kong ituloy ang pangarap ko pero gusto ko din magtrabaho para sa sarili ko maging sa kapatid ko. Siya na lang ang meron ako at alam ko namang hindi lang ako ang meron siya ngayon." Tumayo siya mula sa kinauupuan, lumapit sa kitchen counter at kinuha ang cup noodles na nasa gilid. "Paano kung kumain na muna ako para makapag-isip ng maayos?"

Kasalukuyan siyang naging abala sa paglagay ng nainit na tubig sa cup noodles na iyon. Kumuha siya ng tinidor at tuluyang kumain pagkaupo sa leather sofa. Nasa kaniyang harapan ang maliit na lamesa at naroon ang isang basong mayroong malamig na tubig. Habang kumakain ay may sumagi sa kaniyang isipan. Muntikan siyang mabilaukan nang may maalala.

One Series: The Hope (1st One + Gift)Where stories live. Discover now