Kaya Ko Na

17 2 0
                                    

Hello, Jake!

Naaalala mo pa ba ako? Ako 'yong babaeng minsang naging parte ng buhay mo.

Kumusta ka na? Ang tagal din nating hindi nagkausap ano? Sorry, mahigit tatlong taon din pala kitang iniwasan. Ngayon ko lang na-realize nang magpunta ako sa coffee shop at marinig ang dating theme song nating dalawa. Ang hirap kasing mag-move on kung nandiyan ako malapit sa 'yo. Walang ibang tinanong ang mga tao kung magkakaroon daw ba ulit ng ikaw at ako.

Imposible iyon. Sobrang imposible na. Kaya nagpakalayo-layo na lang muna ako pansamantala. . . Para maiwasan ko na ring isipin ka.

Habang isinusulat ko 'to, naaalala ko 'yong unang pagkikita natin. Naalala mo ba noong natamaan mo ako ng bola? Nagpa-practice kasi kayo mag-basketball, tapos dumaan ako sa gilid n'yo. Grabe, akala ko talaga maghihiwalay na 'yong ulo at leeg ko noong time na 'yon. Dumudugo pa ang ilong ko. Gusto kitang murahin sana, kaso nakita ko, grabe ang guwapo mo pala, tapos grabe pa ang pag-aalala mo sa akin.

Sa mga oras na 'yon, hindi ko alam na magiging kasing-lakas pala ng tama ng bola sa ulo ko ang pagmamahal ko sa 'yo. At mukhang ganoon ka rin sa akin. . . Kasi dinala mo ako sa clinic at pinunasan ang dugo sa ilong ko kahit may takot ka sa dugo.

Simula noong araw na 'yon, naging magkaibigan tayo. Naaalala mo pa ba 'yong dati na sabay tayong pumapasok sa school at umuuwi? Ang sweet mo nga, eh. Hinahatid mo ako hanggang sa bahay namin kahit na hindi naman 'yon ang daan mo pauwi. Eh 'yong pagpapakopya mo sa akin ng assignment minsan at 'yong pagtuturo ko sa 'yo ng sayaw kasi sasali ka sa dance club? Naaalala mo pa ba 'yon? Napagkakamalan na nga tayo na magkasintahan kasi lagi tayong magkasama.

Nakakatawa nga lang. Kasi 'yong mga pangyayari na 'yon, parang kailan lang tapos ngayon, malayo na tayo sa isa't-isa. Hindi na ulit tayo magkakilala.

Sa unang taon ng pagkakaibigan natin, nagsabi kang manliligaw ka. Ang sabi mo, hindi ka papayag na hanggang friends lang tayo, at ngayon pa lang, nililinaw mo na ang intensiyon mo. Wala kang ideya kung gaano ako kinikilig noong sabihin mo sa akin 'yon, ano? Kasi hindi naman ako showy, at isa pa, gulat na gulat akong may nararamdaman ka rin pala sa akin katulad ng nararamdaman ko.

Hinarana mo alo sa tapat ng bahay namin. Ang sabi ko, gusto mo akong ligawan in the traditional way. Palagi mo akong binibilhan ng paborito kong pagkain sa school. Hinahatid at sinusundo. Sinisiguradong makakauwi ako nang payapa at ligtas. Niligawan mo ako, pati na ang mga kaibigan at magulang ko.

Lahat sila, boto sa iyo.

Maging ang puso ko, boto sa iyo.

At nang sinagot na kita sa oras na hindi mo inaasahan, alam ko na. Alam kong sa mga panahong iyon, ikaw ang una at huling lalaking mamahalin ko nang ganito.

And yes. We were happy for all the moments we shared together. Punong-puno ng pagmamahal ang puso natin. Nagpaplano pa nga tayong magpakasal at magkaroon ng sariling pamilya. Nangako ka sa akin na magsasama tayo habangbuhay. . . Na ako lang ang babaeng mamahalin mo.

Pero lahat ng iyon, nawala na lang na parang bula. Hindi ko alam kung saan nagsimula, pero alam ko ang naging katapusan. Saan ba ako nagkulang? Naging maayos naman ang lahat, hindi ba? Naging mabait akong girlfriend. Ibinigay ko ang lahat. Lahat-lahat.

Jake, bakit hindi iyon naging sapat?

Apat na taon na tayo nang maramdaman ko ang panlalamig mo sa akin. Hindi mo na sinasabing mahal ko ako. Hindi ka na tumatawag, nag-te-text, at naging madalang na ang pagkikita natin. Kung puwede nga lang na hindi mo ako kausapin, gagawin mo. Ramdam ko 'yon lahat. Hindi ako manhid para hindi iyon mahalata.

Pero alam mo kung ano na lang ang inisip ko? Na baka may problema ka. Na baka may iniisip ka lang kaya ka ganoon. Pero sino ang niloko ko? Sarili ko na nga lang, niloloko ko pa. Niloloko ko pa dahil sa sobrang pagmamahal ko sayo.

Kaya Ko NaWhere stories live. Discover now