prologo: ang kabisadong paglimot

2 0 0
                                    

Limuel 

ang hirap pala maglakad pauwi nang walang tahanang uuwian. iba ang reyalidad sa kung ano ang tinamasa ko noon pa man sa probinsya: hindi ito ang pinangarap kong buhay ngunit ito ang pinakamaayos na buhay na aking nararanasan. hindi ko maaninag nang maayos ang nagkikislapang ilaw sa daan. ramdam ko rin ang kalam sa aking tiyan, pero wala akong kahit isang pirasong interes para kumain. palaging hawak ko ang katagang "saka na" kahit paminsan-minsan ay may gusto ako sa isang bagay. ngunit ganoon na rin naman ang pamamalakad ko sa buhay noon pa - palagi kong inuusal ang saka na sapagkat mas pipiliin kong mahirapan at saka damhin ang ginhawa. 

isa pa, wala akong klarong layunin sa buhay... or maybe I used to. hindi ko mahugot sa kahit anong sulok ng utak ko ang rason para ituloy ang mga kinagawian. pero mas minabuti ko sa sarili ko na ipagpatuloy ang pagsagupa sa buhay kahit hindi masyadong umuusad - para rin kasing handa na 'kong mamatay. hindi naman sa dramatikong paghahayag. sadyang paparoon na lagi ang kaisipan ko sa bawat araw na dumaraan.

pagka-labas ko sa unibersidad, binaybay ko na agad ang daan patungo sa bahay. walong piso ang natira sa bulsa, pikit-pikit akong kumunot noo. ano ba 'yan, tatlong piso na lang makakasakay na ako sa dyip, e. ipinasawalang-bisa ko na ang pait na kumikimkim sa dibdib, kaya ko pa naman yatang lakarin pauwi. pero sa mga oras na 'to, dito ko nahihiwalay at hinihimay isa-isa ang mga pananaw at opinyon ko sa 'king buhay at pati na rin sa iba. 

katulad ni manong dito - tanaw ko siya sa bandang kanan ng periperal na bisyon. lingon dito, lingon doon. hawak ang ka-kurampot na piyesang karton na ipinapaypay sa tinitindang pagkain. bagamat kahit sobrang lamig ng simoy ng hangin ay pinagpapawisan pa rin sa usok na bumubulwak sa harapan niya. kasabay ng pagpito ng ilang gwardiya sa iba't-ibang parte ng kalsada'y ganoon din ang pagsigaw niya sa tinitindang pagkain. sigaw rito, sigaw roon - kung saan mapukaw at mahagilap ang kubling gutom ng mga dumaraang istudyante. pumipikit si manong nang bahagya sa tuwing pupunasan ang pawis sa iba't-ibang parte ng mukha, ngunit walang tigil itong naghahalo ng paninda at hinihikayat ang mga dumaraan para bumili. manong, kung mayaman lang ako, sa mas disenteng lugar tayo magtitinda.

katulad ni ate - matapos ang pagnilay kay manong, humalo sa tuliro ko ang tulalang mukha ni ate. nakatingin sa malayo at parang may binibilang sa daliri. hindi nasisindak ang kapanatagan ng mukha sa bawat ragasa ng motorsiklo sa daan; pumipikit ang mata ngunit walang pagbabago sa tinitignan. ate, kaya pa ba ang buhay?  ramdam ko ang kaguluhan sa isip ni ate kahit tila hindi siya gumagalaw sa kanyang kinauupuan. gusto ko ngang kawayan si ate, kaso baka mas lalong wala akong uuwian kapag ginawa ko 'yon. 

tuloy-tuloy akong naglalakad sa lansangan habang inoobserba ang kalagayan ng bawat tao na nahahagip ng aking bisyon. minsan nga'y nalilimutan kong nasa istasyon na ako kung saan dapat nakasakay na 'ko sa paborito kong dyip. o 'di kaya'y nalalagpasan ko na ang kanto kung saan dapat ako'y lumiliko pakaliwa para marating ang barangay namin. sa halos tatlong taon kong pagtitiis sa masikip na buhay, nagagawa kong magbalangkas ng kaisipan kung saan ako ang panulat at ang bawat tao'y nagsisilbing tinta. gabi-gabi, tinatahak ko ang iisang daan pauwi; masaklap ang daan na ito sa paraang palaging tiyan ang namimilipit sa takam sa pagkain. tinatahak ko ang iisang daan sapagkat gusto kong maranasan na mayroong uuwian na tahanan, pero palagi lamang uuwiang bahay ang aking nadadatnan. 

kung maglalakad naman na 'ko pauwi, gastusin ko na lang din siguro 'tong eight pesos ko. iiling-iling akong tumabi muna sa gilid para pag-isipan kung ano ang bibilhin. pero umaagaw sa pansin ko ang malakas na tunog ng dumaraang sasakyan - nabibingi ako sa kalmadong paraan. walang koherentong kaisipan ang makasasapat sa kung ano ang dapat kong kainin pagkatapos ng mahabang trabaho. pero dahil medyo malapit naman dito 'yung bilihan ng fishball at iba pang panlansangan na pagkain, dito na rin ako tatambay. 

isinakbit kong muli ang itim na bag sa kaliwang balikat at naglakad papalapit. 

"Kuya, magkano po ang fishball?" tanong ko kay kuya na nagtitindang hinahalo ang niluluto sa kawali. 

tingin ito sa 'kin agad ang ngumiti - bagamat ramdam ko at kita ko ang matinding pagod sa mahabang araw. "Limang piso apat na piraso, 'toy." banggit niya sabay tingin muli sa kanyang niluluto.

kinuha ko sa bulsa ang limang pisong buo at nilagay iyon sa taas ng lagayan ng paninda. "Pabili po ng apat na piraso, kuya." wika ko naman sabay kuha ng panungkit sa pagkain.

sinenyasan ako ni kuya para kumuha na ng fishball. isang hakbang papalapit sa kart ni kuya at saka ako sumungkit ng fishball. isang hakbang muli papalayo dahil humangin nang malakas tungo sa direksyon ko at medyo napuwing ako. pinilit kong buksan ang lagayan ng sauce at kumuha ako rito. pero humangin ulit nang malakas at umatras na ako nang bahagya, pero sigurado akong hawak ko na ang binili ko. ngunit hindi ko namalayang may babangga sa 'kin - hindi ko ito pinroseso nang maayos dahil pakiramdam ko'y sinadya niya 'kong banggain pero ayaw ko namang gumawa ng gulo.

"Sorry-" naputol ang wika niya nang hawiin ko ang buhok ko para masilayan kung sino. sagabal ang bigat ng bag ko kaya naman iniwan ko ito sa lupa, pero nakatindig naman ako muli nang mabilis matapos ang bangga. 

"Okay lang." wika ko sa babaeng nasa harapan kong napaka-pamilyar. sa kaliwa niyang braso'y may bitbit siyang tatlong patong na libro at hawak niya sa kabilang kamay ang itim na supot. 

hindi ka pa ba aalis sa harapan ko? pinagmasdan ko siyang titigan ako nang buong-buo na para bang kilala niya ako. para kaming naestatwa, pero mas nag-alala ako sa binili kong fishball kasi natapon yata 'yung sauce. 

tumingin ako muli sa plastik kong baso para tignan ang binili ko pero muli siyang nagsalita. "May natapon ba? I'll pay for another cup," nag-aalala niyang wika sa 'kin. 

umalis ka na... wika ko sa sarili habang pilit kinakapa ang bulsa, kunwaring tinitignan kung mayroon pang natitirang pera. bagamat maikli ang oras, sinubukan kong umusal ng salita para hindi siya makahalata. "Ayos lang, kasalanan ko rin, napuwing kasi ako." tumawa ako para ipahiwatig na casual 'yung pag-uusap pero sa palagay ko'y hindi rin gumana.

kilala mo pa ba ako?

"Sige, pasensya na..." humakbang itong dahan-dahan at gumilid para hindi ako mabunggong muli. matapos ang ilan pang sandali'y hinabol ng kamay ko ang kamay niya - ngunit paglingon ko'y nawala ito na parang bula. tanaw ko ang iba pang mga istudyante na nakikipagsaparalan pauwi, ngunit hindi ko na muling natanaw ang babaeng bumunggo sa 'kin.

hindi ko na muling natanaw 'yung babaeng naging iisang tahanan ko noon. mas mapait pa sa fishball ko 'yung kinatatayuan ko ngayon - gusto ko lang naman umuwi, pero bakit kailangan mo ulit magpakita sa 'kin? 

kinunsinti ko ang kaisipang baka minamalas lang ako, dahil ito'y dapat normal na pangyayari lamang. pero hindi ko maiwasang maisip kung papaano na ang kalagayan niya at kung ano na ang katayuan niya sa buhay. himutok lamang ang dulot nito, dahil hindi na lingid sa 'king kaalaman na hindi na niya kabisado ang pangalan ko. hindi na lingid sa 'king kaalaman na kahit ilang beses kong pinipilit kalimutan ang pait at dalisay ng alaala - kabisado ko pa rin ang hulma ng kanyang mukha. 

it just simply hurts to be the one who remembers, Kei. how could I ever forget you?

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Dec 19, 2023 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

you forgot to say goodbyeWhere stories live. Discover now