PROLOGUE

17 2 0
                                    

“Maraming salamat talaga Shella, hija.” Nakangiti ang mukha ng isang may katandaan nang madre.

Gayundin ang babaeng tinawag nitong Shella habang nakatingin sa mga batang tinitingnan ang mga laruang dala nila habang nasa gilid ng mga ito ang ibang madre na nag-aassist sa kanila. Kita niya ang saya at galak ng mga batang ilang taon na rin niyang tinutulungan. “Walang anuman po Nay Ising. Nanggaling naman din po ako rito kaya ay alam ko ang pakiramdam ng mga bata. Gusto ko lang na kahit sa paano ay makabigay ng kasiyahan sa kanila.”

Habang nagku-kuwentuhan ang dalawa ay nasa likod naman nila ang limang taong gulang na bata na kasalukuyang nanonood at nakikiramdam lamang sa paligid habang dindilaan ang malaking lollipop na dala niya. Hindi niya alam kung bakit sa tuwing pupunta ang mommy niya sa lugar na ito ay dapat siyang kasama. Wala naman siyang ginagawa rito kundi ang manood lang dahil hindi rin naman siya linalapitan ng mga bata rito. Palagi lang siyang nababagot kung nandito siya pero mabuti nalang ay palagi siyang binibilhan ng mommy niya ng malalaking lollipop bago sila dederetso sa ampunan.

Kumunot ang noo ng bata nang may mahagip ang mga mata niya. Sa isang pasilyo sa gilid niya ay may batang lalaki na nakatayo lang at katulad nila ay nanonood lang din ito sa mga bata. Inobserbahan niya ang lalaki na nakasuot ng isang lumang t-shirt at short na hanggang tuhod nito. Magulo ang itim nitong buhok na bahagyang natatabunan ang mga mata nito habang kitang-kita niya ang tangos ng ilong nito sa tinatayuan niya. Wala sa sariling napahawak siya sa maliit niyang ilong. Sa kaisip-isipan ay nagtataka kung bakit mas maganda ang hugis ng ilong nito sa kaniya. Hindi rin niya mapigilan ang manliit ang mata dahil sa puti ng lalaking bata. Sa kinis ng balat nito ay iisipin niyang katulad nila ay nag-donate lang din ang pamilya nito pero sa suot nito ay napag-alaman na dito ito nakatira sa ampunan.

Dahil nakasanayan ng bata na tumitig sa mga bagay na maganda sa paningin niya ay hindi niya inalis ang tingin sa batang lalaki at napansin na mas matangkad ito sa kaniya samantalang parang magkapareho lamang ang edad nila. Nang mapabaling ang lalaki sa kinatatayuan niya at magtama ang tingin niya ay nanlaki ang mga mata nito habang hindi man lang siya nagbawi ng tingin at pinanood lang ito. Pero nag-abot ang maliliit na kilay ng batang babae nang samaan siya ng tingin ng batang lalaki bago ito tumalikod at umalis.

Sinulyapan naman ng batang babae ang mommy niya at nakitang abala pa rin ito sa pakikipag-usap sa madre. Buo ang loob na sinundan niya ang batang lalaki kung saan ito dumaan hanggang sa makarating siya sa isang pasilyo kung na may maraming mga nakasaradong pinto. Hindi pa siya nakapunta sa lugar na ito sa ilang beses nilang pagbalik dito ngunit sa hinuha ng bata ay ito ang daan sa mga kwarto ng mga batang nakatira rito. Nang makita ng batang babae na may isang pintuan ang nakabukas ay bumalik sa isip niya ang batang lalaki.

Humakbang siya palapit sa nakabukas na pinto at mula sa labas ay sinilip ang nasa loob. Ngunit humarang sa paningin niya ang parehong t-shirt na suot ng batang lalaki. Umangat ang tingin niya sa mukha nito na nakakunot ang noo at nababahiran ng inis ang mga mata. “Bakit ka sumunod?”

Napakurap ang batang babae sa kaharap nang makita nang malapitan ang mukha nito. Kung bakit ang ganda ng kahel na mata ng kaharap ay hindi alam ng batang babae dahil ang alam niya ay itim ang kulay ng mga mata niya at ng pamilya niya. It was her first time to see a pair of eyes with such a different, captivating color. Mula sa mga mata ay naglandas ang mata niya sa matangos nitong ilong at mapula nitong labi.

Hindi niya maipaliwanag kung bakit ang gandang tingnan ng batang lalaki at medyo nakaramdam siya ng inis dahil hindi niya ito makita kapag nagsasalamin siya. “Why are you not joining them?”

Mas kumunot ang noo ng batang lalaki sa kaharap na para bang may sinabi itong hindi maganda kahit na nagtatanong lamang ito. “Paki mo ba?”

Tumaas ang kanang kilay ng batang babae sa tono ng kausap at pumasok sa loob ng kwarto ng batang lalaki na mas ikinainis nito. Lumapit ang batang babae sa isang maliit na trashcan at itinapon ang lollipop niya. Nang balingan niya ulit ng tingin ang batang lalaki ay nakakrus na ang braso nito habang matalim ang tingin sa kaniya. “Labas.”

Hindi ito pinansin ng batang babae at inilibot ang tingin sa loob ng kwarto ng bata. “I don’t like your room. Small lang and hindi neat. You should clean minsan.”

Nagngitngit na ang ngipin ng batang lalaki sa galit. Hindi siya magaling sa wikang ingles ngunit dahil pinapaaral naman sila ng mga madre ay marunong siyang umintindi ng ingles at hindi niya nagugustuhan ang sinasabi ng batang babae.

“Kung hindi mo gusto ay lumabas ka. Hindi naman kita pinapasok basta ka na lang pumapasok.”

“Ayos lang ba ang sleep mo here? It’s like hindi naman comfortable here.”

“Bakit ba ang kulit mo? Lumabas ka na lang!”

“Bakit galit ka? Nag-ask lang ako.”

“Alis bata.” Madiin ang boses ng batang lalaki nang sambitin ito. Kaya ayaw niya sa mga mayayaman ay dahil ang dali para sa kanila na ipakita na mas may kaya sila kaysa sa mga mahihirap. And that does not make this girl an exemption. ‘Kay bata-bata pa ay ang baba na ng tingin sa mga mahihirap’, sa isip ng batang lalaki.

“Hindi mo ako pwede away. I will be your wife someday.” Nakapamewang pa na saad ng bata na ikinalaglag ng panga ng batang lalaki.

“Wife?”

Tumango naman ang batang babae. “Oo. Wife, asawa.”

“Alam ko.” Inis na saad ng batang lalaki nang itranslate ng batang babae ang salitang wife.

“Kapag malaki na us. Ime-marry kita kasi handsome ka at beautiful ang eyes mo. Para beautiful at handsome din ang babies natin.”

Hindi nakapag-react ang batang lalaki sa mga sinasabi ng batang babae. Kahit kailan ay hindi dumaan sa isip niya ang kasal, asawa at lalong-lalo na ang anak. Samantalang ang batang kaharap niya ay iyon na agad ang iniisip.

Hindi nabigyan ang batang lalaki ng pagkakataon na sagutin ang batang babae nang makita sila ng isang madre at kunin nito ang batang babae. Napakurap-kurap nalang sa kawalan ang batang lalaki.

Kasal?

Napalabi siya. Sa kaloob-looban niya, kahit pilit niya itong dine-deny sa sarili at itago, ay hindi niya maiwasang makaramdam ng sabik sa pagbabalik ng bata. Gusto niya itong makilala sa pagbabalik nito. Gusto niya itong makausap ng mas matagal sa pagbabalik nito. Gusto niya itong makalaro sa pagbabalik nito. Pero lumipas ang oras, araw, linggo, buwan, at ilang taon ay hindi na ito bumalik pa…

OPEN YOUR HEARTTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon