Unang Hakbang

800 23 3
                                    

Ayoko sanang umalis sa lugar kung saan ako lumaki at nag-kaisip. Kaya lang, napagpasyahan ng mga magulang ko na tuluyan nang bumukod. Mula kasi nang ipanganak ako, sa puder kami ng mga magulang ni papa nakatira.

Sa totoo lang, masaya naman kami na magkakasama sa iisang bahay. Lalo na sa tuwing may okasyon, asahan mo nang complete attendance ang buong angkan namin. Isa ito marahil sa mamimis ko sa tuluyang pag-alis namin sa bahay nila lola. Dagdag pa rito, maiiwan ko na rin ang aking mga kababata. Hindi ko pa alam kung tuwing kailan kami makakabalik dito kaya hindi ko rin alam kung magkikita pa rin kami ng aking mga kaibigan.

Sana nga ay ipinagpaliban muna nila ang aming paglipat. Limang araw nalang kasi mula ngayon ay kaarawan ko na, at gusto ko sanang mag-celebrate kasama ang aking mga pinsan. Kaya lang, buo na ang desisyon nila mama at papa, lalo pa't hinahabol nila ang darating na pasukan. Ang hirap pala pag nasanay ka na sa iisang lugar, parang naging karugtong na ito ng iyong buhay.

Ilang oras din pala ang byahe papunta sa aming lilipatan. Nasa daan pa lang kami pero naninibago na ko. Parang gusto kong maiyak dahil pakiramdam ko, hindi na magiging katulad ng dati ang bago naming lugar. Siguro nga'y musmos pa lamang ako kaya ganito ang lungkot na nararamdaman ko. Napatingin ako sa mga nasasalubong naming sasakyan sa daan at doon ko naisip na sa mga oras na to, hindi lang ako ang nakakaramdam ng ganitong lungkot.

"Patrick, anak gising na...."

Isang malumanay na tinig ang narinig ko. Doon ko namalayan na nakatulog pala ako habang nasa byahe. Napabaling ako ng bahagya sa direksyon ng tinig na aking narinig. Sa pagdilat ng aking mga mata, nasilayan ko ang mukha ni mama. Nakangiti siya sa akin at muling nagsalita.

"Nandito na tayo sa bago nating bahay."

Nang marinig ko ang kaniyang sinabi, agad akong nag-ayos at naghanda sa pagbaba sa aming sasakyan. Mag-gagabi na pala, sadyang malayo pala talaga ito sa bahay nila lola. Agad kong ibinaling ang aking atensyon sa bago naming bahay.

Napakaganda nito at bahagyang malaki para sa aming pamilya. Namangha rin ako nang makita ko ang kabuuan ng lugar. Sa di kalayuan ay matatagpuan ang palaruan ng mga bata. Napalitan naman ng sigla ang nararamdaman kong lungkot kanina dahil sa aking mga nasilayan. Naisip kong hindi naman siguro masama ang magkaroon ng bagong mundo kung minsan.

Bagong Mundo (one shot horror story)Where stories live. Discover now