BASKETBALL

2.2K 4 0
                                        

Ang pag-ibig ay parang paglalaro ng basketball...


Marami kang kaagaw, maraming gustong umangkin. Minsan pa nga maging ang taong inaasahan mong kakampi ay siya mismong aagaw ng bola para gumawa ng sariling puntos.



Ang pag-big ko sa iyo ay tulad rin ng paglalaro ko ng basketball.


Ang pag-ibig ko ay tulad ng bolang hawak hawak ko. Kahit gaano ko man naisin na akin ka lang, ang daming pilit na umaagaw. Pilit ka nilang inaangkin at nilalayo sa akin. Kaya tulad ng paglalaro ko ng basketball, minsan ay nabibitawan ko ang bola, tulad ng kung paano minsa'y binitiwan rin kita. Masakit man sa akin ay kailangan ko itong gawin lalo na at ikaw mismo ang kusang kumakawala. Kasi kahit anong pigil ko, ang bolang hawak ko ay lumilihis, bumibitaw. Ngunit sa bawat pagbitaw ay umaasa akong babalik ka sa akin tulad ng kung paanong ang bolang minsan ko nang binitawan ay tumatalbog pabalik sa akin.





Isa sa pinakaayaw ko sa paglalaro ng basketball ay ang magkaroon ng kalabang ubod ng tangkad. Dahil pakiramdam ko ay may toreng napakatayog na kailan man ay hindi ko malalagpasan. Kasing tayog ng PRIDE mo, na sa sobrang tangkad ay napakahirap baliin.



Idagdag mo pa ang mga referee na panay ang tawag sa akin ng FOUL. Ang masakit pa nito ay kahit ako na iyong tumilapon at kamuntik mapuruhan, ako pa rin ang na-FOUL OUT. Tulad ng masasakit na salitang parati mong ibinabato sa akin. Kahit pa durog na durog na ang puso ko, kapag umiiyak ka na, ako pa rin ang hihingi ng tawad, ako ang mgamamakaawa, ako ang aako ng kasalanan.




At alam mo ba kung ano pa ang isang masakit? Iyon ay ang katotohanang kahit patas akong lumalaban, lahat ng manunuod ay sinisigawan ako ng "BOO". Kitang kita ko sa kanilang nanlilisik at mapanghusgang mga mata ang pagnanais na ako'y makitang lumagapak at umuwing talunan. Ngunit sa kabila ng lahat ay pilit pa rin akong lumalaban. Binabale wala ko lahat ng mga panlalait at masasakit na paratang, tulad ng kung paano ko balewalain ang mga taong nagsasabing maghihiwalay rin tayo, DAHIL WALNG FOREVER.



Wala naman kasi akong pakialam kahit pa kalaban ko ang buong mundo, basta ba AKIN KA.




Ngunit hindi pala sapat iyon ano?




Kasi ang pinakamasakit sa lahat ay iyong kampante akong akin ang bola, akin ang puntos, pero nang ishoshoot ko na mismong iyong bola ang lumabas at kumawala. Oo, narebound nga ng aking kakampi ang bolang inaakala kong akin, nagkapuntos kami at nanalo. Pero alam mo kung ano iyong masakit? Iyong katotohanang nagdiriwang na ang lahat, ngunit ako ay naiwang luhaan at sugatan -- nagluluksa. Tulad ng kung paano ako nagluluksa ngayon habang pinagmamasadan ko kayo ng aking KAPATID na nagpapalitan ng singsing at matatamis na salita sa altar, sa harap ng Diyos at sa harap ng mga taong mahalaga sa inyo, sa atin.





Hindi mo ba alam na sa isang libong taong nagdiriwang at nakangiti ay may isang taong nagmamasid sa isang sulok habang pilit isinasalba ang pusong nadudurog at duguan at unti unting nawawalan ng buhay.




Para kang tropeyo na napanalunan ng aming grupo sa liga ng basketball. Ngunit kahit kailan ay hindi kita mahahawakan habang kami ay kinukunan ng litrato, dahil hindi ako ang MVP.

Tulad ng kung paano ang pinapangarap kong family picture na kasama ka ay natupad, ngunit ako ay isang dakilang EXTRA na lamang. Tulad ng kung paano nakatali sa pangalan mo ang aking apelyido, ngunit hindi ako ang iyong kabiyak kundi ang magaling kong kapatid.



Siguro ito na ang huling beses na maglalaro ako ng basketball. Hindi ko akalain na ang kaisa-isang bagay na paborito kong gawin ay bibitiwan ko rin. Tulad ng pagbitaw ko sa kaisa-isang taong aking inibig. TULAD NG PAGBITAW KO SA IYO.





Kasi kahit pala gaano mo ipaglaban ang bola, makakawala pa rin. Dahil kailan man ay hindi pala mananalo ang pusong tapat at matapang sa kalabang gahaman at mapaglinlang. Kaya hindi na ako muling maglalaro ng basketball. At IKAW, oo ikaw --- bibitiwan na rin kita, dahil ang sakit sakit na.





Patawad MAHAL KO dahil hindi ako naging sapat. Mahal kita, ipinaglaban kita, ngunit mas pinili mo siya. At dahil nga mahal kita, ipapaubay na kita sa kanya. Baka sakaling maipanalo niya. At baka sakaling sumaya ka.







Copyright © 2015 Miss_MalditaOfficial™, All Rights Reserved



BASKETBALL "ang huling laro"(One Shot)Where stories live. Discover now