I

75 6 1
                                    

"Tumingin ka sa aking mata." Hinawakan nya ang aking mga kamay, mabilis ang tibok ng aking puso.

Kailangan kong magtiwala.

Tila ba hindi magkamayaw ang mga paniki sa loob ng kweba na aming pinagtataguan. Tanging mga mata nya lamang ang nagsisilbing liwanag sa kailaliman ng gabi.

"Hindi kita hahayaang mapahamak." Marahan itong ngumiti, isang pamilyar na pakiramdam. Matamang hinawakan ng estranghero ang aking pisngi, "Anuman ang mangyari, iligtas mo ang iyong sarili." 

Sandaling tumahimik ang paligid. Tanging paghinga nya ang aking naririnig, mahigpit akong yumakap sa binata. Pinakinggan ko ang mabagal na pagtibok ng kanyang puso. Ipinikit ko ang aking mata.

Kailangan kong magtiwala.

Kasunod ng biglaang paglipad ng mga paniki palabas ng kweba ay isang malakas na dagundong ang bumasag sa nakabibinging katahimikan. 

"Arya, hindi mo ako matatakasan." Ani ng boses na nanggagaling mula sa isang malaking nilalang. Humigpit ang hawak sa akin ng estranghero, agad nya akong itinayo mula sa aming pagkakaupo.

"Binibini, hindi ka nararapat sa lugar na ito. Kailangan mong bumalik." bulong sa akin ng binata.

"Kahit anong mangyari, kailangan mong bumalik. Iligtas mo ang sarili mo." Binitawan ng binata ang aking mga kamay. Tanging mga mata nya lamang ang nag niningning sa kadiliman ng kweba. Dinig ko ang mabilis na paghataw ng espada, kasabay ang paghiyaw nito sa sakit, pula ang mga mata ng halimaw. Sa aking tantya ay nasa siyam na talampakan ang taas ng kahindik-hindik na nilalang.

"ARYAAAAA!" Sigaw ng halimaw nang makita nya ang pinagtataguan ko sa likod ng malaking bato. Tumakbo ito at sa bawat yapak nito ay rinig ang dagundong sa buong kweba.

Nanginginig man ako sa takot, mabilis akong umalis sa aking pwesto at tumakbo palabas ng kweba. Hindi ko maintindihan kung bakit ako napadpad sa lugar na ito, ni hindi ko kilala si Arya. Pinunasan ko ang aking mga luha habang tumatakbo palayo. Ni hindi ako lumingon, kung ito man ay isang masamang panaginip, kailangan ko nang gumising.

Hindi ko napansin ang aking dinaraanan sa loob ng kagubatan, masakit ang mga sangang tumatama sa aking mukha, ramdam ko ang kirot at pagdurugo ng aking mga sugat. Huminto ako sandali at nagtago sa mga halaman. Pinakiramdaman ko ang paligid. Malamig ang simoy ng hangin, maingay ang mga palaka, maging ang huni ng mga ibon ang bumulabog sa katahimikan ng gabi.

Ilang sandali pa ay narinig ko ang pagkaluskos sa paligid, huminga ako ng malalim. Tahimik na naghihintay.

"Binibini." Saad ng binata. Mapungay ang kanyang mga mata, matipuno at makisig. May sugat ito sa kanang pisngi, sa kamay nito ay hawak hawak nya ang espadang may bahid ng dugo.

Kita ko ang pag aalala sa kanyang mga mata.

"Kailangan nating umalis sa gubat. Marami pang halimaw ang nagbabadya sa dilim." inilahad nito ang kanyang palad.

Sa paghawak ko sa kanyang kamay ay kasabay ang paghigop sa akin ng hangin. Hinigpitan ko ang hawak sa binata, ngunit mataman syang tumingin sa aking mga mata.

"Sa muli nating pagkikita, Binibini."








You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: May 20, 2020 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

SILIMWhere stories live. Discover now