CHAPTER ONE

1.3K 9 0
                                    



IPINANGANAK si Chanel na mayroong pilak na kutsara sa bibig. Lahat ng naisin ay agad niyang nakukuha sa isang kisapmata lamang. Lahat ng lugar na nais puntahan ay kanyang natutunguhan. Nakapag-check-in na siya sa pinakamahal na hotel sa buong mundo. Nakain na rin niya ang pinakamasarap na pagkain. At ang pagbili ng mamahaling gamit ay sisiw lang sa kanya.

Pero sa lahat yata ng mayaman, siya lang ang hindi kailanman ginusto ang kanyang kapalaran. Parusa para sa kanya ang estado niya sa buhay. Marami siyang pinagdaanang masakit na pangyayari na involve ang salitang pera. Kaya wala siyang ibang nais mangyari kundi mawala iyon sa mundo. Pero imposible.

Imposible na ring maghirap at mawalan ng pera si Chanel dahil nang mamatay ang papa niya na si Don Gerardo Lagdameo ay sa kanya ipinamana ang lahat ng kayamanan at ari-arian nito. Siya kasi ang nag-iisang anak at tanging tagapagmana kaya wala na siyang nagawa pa nang basahin ng abogado ang last will and testament.

Kahit siguro ipamigay ni Chanel sa mahihirap ang pera niya o bumili nang bumili ng iba't ibang gamit araw-araw ay hindi niya mauubos ang kayamanang ngayon ay siya na ang nagmamay-ari. Wais kasi ang papa niya pagdating sa pera. Ang daming investment at nagmamay-ari ito ng mga share of stocks sa iba't ibang kompanya. Meaning, lahat ng investment nito ay tumutubo at kumikita nang wala siyang ginagawa. Kahit humilata siya buong buhay niya ay hindi siya mauubusan ng pera dahil kikita pa rin siya. Bukod pa roon, may mga trust fund din siya na milyones ang halaga at naka-time deposit ang mga iyon.

Ang sabi ni Attorney Mendez, ang abogado ng kanyang papa na ngayon ay abogado na rin niya, ay masuwerte raw ang lalaking magiging asawa niya. Instant billionaire daw kasi iyon kapag nagkataon. Pero nagpayo rin ito na maging maingat sa pagpili ng mapapangasawa. Hindi raw kasi lahat ng nakakasalamuhang tao ay totoo ang ipinapakita kaya huwag siyang basta-basta magpapadala. Karamihan daw kasi ay plastic at may ulterior motive sa pakikipaglapit sa kanya. Karamihan sa mga iyon ay pera lang ang habol.

Alam na iyon ni Chanel. Hindi na kailangan pang sabihin ni Attorney Mendez. Sa dalawampu't limang taong pamumuhay sa mundo, kilala na niya kung sino ang plastic sa totoo. Maaga siyang natutong mag-segregate ng mga tao dahil bata pa lang ay marami na ang mapagkunwaring tao siyang nakasalamuha. Wala siyang naging totoong kaibigan sa tanang buhay niya. Dahil halos lahat ng kakilala niya ay pera lang ang gusto sa kanya. Wala rin siyang pinagkakatiwalaang tao. Ilang beses na ba siyang muntik na ma-kidnap? Ilang beses na ba siyang pinagtangkaan ng masama? Ilang beses na ba siyang naloko? Ilang beses na ba siyang nagtiwala para lang masira iyon? Hindi na niya mabilang.

Pakiramdam niya, lahat ng tao ay may balak na masama sa kanya. Hanggang isang araw, nadala na siya sa pagiging mabuti. Hindi na siya nakipaglapit sa tao. Hindi na siya tumulong kahit kanino. Habang lumalaki ay unti-unting naging bato ang kanyang puso. Nawalan siya ng emosyon. She learned the art of ignoring. Bigla ay nagalit siya sa mundo at wala nang pakialam pa sa kapwa. She bullied other people. Sinasabi niya ang gustong sabihin at kapag hindi matanggap ng iba ay tinatawag siyang laitera. Natuto siyang magtaray, maging suplada at maging salbahe. Ang sabi ng iba ay mayabang daw siya dahil mayaman siya. Pero para sa kanya, nagpapakatotoo lang siya. Balewala sa kanya ang damdamin ng ibang tao. All that she think was herself.

Sa murang edad ay naitanim na ni Chanel sa isipan na hindi dapat siya dumedepende sa iba. Wala siyang dapat asahan kundi ang sarili. Kailangan niyang maging matatag at matapang sa bawat pagkakataon upang hindi maging kawawa. Hanggang sa nakasanayan na niya ang pag-iisa.

Ngayon, nakahiga siya sa kama. Hindi alam kung ano ang susunod na gagawin. Ang dami niyang pera pero wala siyang gustong gawin kundi ang humilata. Ang mag-isip. Ano ba talaga ang gusto niyang gawin?

DEVIL BESIDE ME (soon to be published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon