Pahingi

1.7K 21 4
                                    

"Number-an n'yo na mula one to twenty."

Pagsusulit ulit. Ubusan nanaman ng dugo sa katawan at ng mga patay na cells sa isipan.

Nakaramdam ako ng kalabit na galing sa may kaliwa ko. Alam na alam ko ang kalabit na iyon. May gustong ipahiwatig. Ganoon din ang may-ari.

"Joyce, wamport nga," sabi ni Mikoy habang lahad na lahad iyong kaliwang palad niya sa may direksyon ko. Tumpak nga ang "pagpapahiwatig" na umiikot pa kanina sa aking ulo. Napapalatak ako nang 'di oras na nagpagising naman sa borlogs kong kaklase sa may gawing kanan ko-naglalaway pa. Humila ako ng dalawang pirasong papel mula sa aking amoy-NBS na Orion pad atsaka na inabot sa kaliwa.

"Hehe. Salamat," tugon nito nang nakangiti habang iwinawagayway nang mabilis iyong mga papel na binigay ko.

Kung may tao sigurong ipinaglihi sa mga salitang "hingi" at "kapalmuks," walang duda, confirmed na confirmed, mas real pa sa Nesfruta, si Miko Santos na iyon. Dalawang bagay lang ang gamay na gamay ni Mikoy-una, ang subject na Math na siya namang kinasesemplangan ko, at ang pangalawa, ang manghingi. Manghingi ng kahit ano. Literal. Mapa-papel man iyan, pagkain, pera, susi, susi sa bahay ninyo, bahay ninyo, at marami pang iba. Hindi ko talaga mawari kung saan hinuhugot nitong si Mikoy ang lakas ng loob na manghingi nang walang pakundangan. Tanda ko pa nga noong minsan e nag-iikot siya sa buong klasrum habang nanghihingi ng mamiso sa mga kaklase namin. Kapalmuks talaga.

"Dalawa na. Huling hingi mo na 'yan, loko ka," tugon ko habang ipinagugulong ang ball point ng aking bolpen sa pinakatuktok at kaliwang bahagi ng papel. Joyce Molina. 4th Year - Acacia. (Nagtatae ng papel. Hindi talaga madamot.)

Ilang minuto pa'y isinauli na sa amin ang kaninang mga blangkong papel lang (well, blangko pa rin naman ang iba noong ipinasa na sa guro). Duguan nanaman ang akin-tadtad ng mga mathematical equations na isinulat gamit ang pulang pang-marka. Napabuntong-hininga ako. Bakit ba ipinanganak akong bopols pagdating sa mga numero?

"Naka-ilan ka?" tanong ni Mikoy habang nakasalumbaba.

"Muntikan nang pumasa, pero bagsak pa rin. Ikaw?" sagot ko.

"Ano pa nga ba," kanito nang nakangisi atsaka niya inilahad ang kanyang papel sa aking mesa. 20/20. Perfect. Walang mintis. Kainis.

"Walang kupas," tugon ko habang patango-tango.

"Bilib ka na ba?" anito sa 'kin sabay halukipkip.

Irap ang naging tugon ko. Hanggang irap lang naman talaga.

Isang oras na lang at patapos na ang klase. Tiyak na leyt nanamang mag-di-dismiss ang aming adviser. K.O. muli ang kaklase ko sa may gawing kanan ko habang ako nama'y bagot na bagot at atat na atat nang makauwi upang ituloy ang F.R.I.E.N.D.S. Season 10 na ako at kasalukuyang banas na banas sa moment nina Joey at Rachel (Bakit pa sinali ng scriptwriter 'yon? Irrelevant naman. At bakit ko ba sh-ini-share ito sa inyo?)

Pumilas akong muli ng papel mula sa aking Orion pad at nagsulat ng kung-ano-ano.

Joyce Molina. 4th Year - Acacia. Nagtatae ng papel. Hindi talaga madamot. May gusto lang. Pero ang labo naman. Wala namang pake sa'yo. Hingi nang hingi 'di naman marunong magreciprocate. Mukha lang hingi. Parang ipinaglihi sa hingi. Parang hinging tinubuan ng mukha. Sapul. 'Di naman kaguwapuhan ('di rin naman pangit, oy). Ang talino kasi. Halimaw sa Math at malalim kausap. Nag-aalok pa ng Piattos paminsan (na galing sa hingi). Pero ang labo ulit. Iba yata ang gusto. Huwag na umasa. Nakamamatay. Magpalit ka kaya ng crush? Puwede. Andiyan pa si Christian na ubod ng bait kahit kanino. Puwede nang patayuan ng monumento. O kaya si Jasper na matagal nang gustong manligaw (kaso binabasted mo kaagad). Si Jigs, matalino rin naman 'yon, a. E kung si Mikoy na lang kaya ulit? G? Taena, sino ba kinukumbinse ko rito? Ano nana-

Itinigil ko ang pagsusulat. Ka-bullshit-an nanaman ang laman ng kokote ko. 'Di mainam sa brain cells. Linukot ko ang papel, ginawang hugis bola, atsaka itinapon sa basurahan. Sayang din 'yon. Hayaan na. May mga bagay talagang dapat pakawalan kahit ginastusan ng panahon at oras (kahit pera). Humugot ako. Sana napansin ninyo.

Ilang minuto rin ang lumipas at may nakita akong lukot na papel sa may tabi ng kaliwang paa ko. Teka, 'yong papel ko ba 'to? E bakit bumalik sa 'kin? At least marunong magreciprocate ang basurahan. Tama nga naman. 'Yon na lang ang isipin. Pinulot ko ito atsaka binuksan ang lukot na yellow pad pero iba sa sinulat ko ang mga salitang nakaimprinta sa loob.

Miko Alexis Santos. 4th Year - Acacia. Mukhang hingi. Parang ipinaglihi sa hingi. Parang hinging tinubuan ng mukha. (Ouch, sapul talaga.) Pero nagpapapansin lang. 'Di naman kaguwapuhan ('di siya sang-ayon dito). Matalino (raw). Halimaw sa Math at malalim kausap (ikaw na ang nagsabi). Nag-aalok pa ng Piattos paminsan (pera niya ang gamit niya diyan, oy). Hindi talaga malabo. Iisa lang naman ang gusto. Puwede kang umasa. Hindi talaga nakamamatay. Bawal kang magpalit ng crush. 'Yon ang hindi puwede. (Ipagpalagay nating 'di mo naisip na isulat sina Christian, Jasper, at Jigs. Nakakaselos.) E kung si Mikoy na lang kaya ulit? Oo naman (!!!)

Mukha man akong hingi pero iisa lang naman ang gusto kong makuha. Ikaw, Joyce Molina, noong 3rd Year pa, noong naging partner tayo sa Prom, noong tinuruan mo akong sumunod sa choreo ng masungit na choreographer, noong matiyaga mong sinusundan ang parehong kaliwa kong mga paa, 'di mo lang halata. Simula noon, panay na ang hingi ko ng wamport sa'yo para lang mapansin mo. Ang sungit mo kaya. 'Di nangangausap. Awtsu.

P.S.: Hindi na ako magsasayang ng panahon, lalo na ngayong alam ko na ang totoo. Corny man at masakit sa mata, pero puwede bang pahingi naman ng "Oo"?

P.P.S.: Babayaran ko lahat ng wamport na hiningi ko (doble man o triple pa), sagutin mo lang ako. :)

***

Author: Nainspire ulit magsulat dahil sa SuRene (oy, totoo sila, walang kokontra). Hihi. Good bye. Nilamon na ako ng kakornihan. Mag-aacads pa 'ko.

Pahingi (Maikling Kuwento)Where stories live. Discover now