Sayang

2 0 0
                                    

High school pa tayo noon.
Para tayong aso't pusa.
Naging magkatabi pa tayo sa klasrum.
Asaran dito, asaran doon.
Walang pansinan, pero maya-maya ulit okay na.

Sabi ko, hindi kita magugustuhan.
Pero mali ako.
Dalawang taon din kitang nagustuhan.
Sa dalawang taong yun, hindi ko sa'yo nasabi.
Sa totoo lang, wala akong balak sabihin.
Pero hindi ko na rin talaga sa'yo nasabi o masasabi pa nang harapan.
May parte sa'king hindi nagsisisi na hindi ko nasabi.
May parte rin sa'king nagsisisi.
Baka kung sinabi ko kasi, nasaktan lang ako.
Alam ko kasing iba naman ang gusto mo noon.
O pakiramdam ko, iba ang gusto mo noon.
Pasensya ka na, ang assuming ko.
Pasensya ka na, hindi ko nagawang magkaroon ng lakas ng loob.

Pero ngayong wala ka na, nagsisisi ako.
Sana man lang nasabi ko.
Para lang alam mo.

Pinagsisisihan ko ring hindi na tayo gaanong nagkausap pagkagraduate natin ng high school.
Tuwing birthday mo lang kita nababati.
Pero hanggang doon lang yun.
Pero umaasa akong naramdaman mong gusto kita noon.
Alam kong hindi ka naman manhid.
Tingin ko nga, napakahalata ko.
Kaya ba noon, lumalayo ka?
Kasi napapansin mong gusto kita?

Pero walang halong biro.
Nagustuhan talaga kita.
Masayahin ka, maloko, at nakakatuwa.
Talentado ka pa dahil bukod sa magaling ka maggitara,
magaling ka ring maglaro ng basketball at volleyball.
Kaya ng malaman kong kinailangang putulin ang paa mo,
Aba'y talaga namang nasaktan ako para sa'yo.
Pakiramdam ko, ako yung tinanggalan nila ng paa.

Alam mo, hindi man na kita gusto katulad ng pagkakagusto ko sa'yo noon,
Mayroon ka pa ring espesyal na lugar dito sa puso ko.
Minsan nga naiiisip ko: talaga bang nawala na ng tuluyan yung pagkagusto ko sa'yo?
O natabunan lang?
Nawala man o natabunan, alam ko sa sarili kong espesyal ka.

Ilang linggo na rin noong nauna ka ng umalis.
Hindi ko pa rin sukat akalaing sa lahat ng kilala ko, ikaw pa.
Natanong ko rin ang Diyos kung bakit ikaw pa.
Bakit sa dinami-rami ng tao, ikaw pa?
Ikaw pa ang nagkasakit?

Pero sabi nga nila, may dahilan ang Diyos sa lahat.
Hindi ko man din maintindihan.
Alam kong may kabuluhan ang naging kapalaran mo.
Marahil, para ipaalala sa aming mga iniwan mo na:
Maikli lang ang buhay.
Mahalaga ang bawat oras.
Maging matatag.
Maging positibo.

Siya, sige.
Hanggang dito na lang.
Naiiyak na ako eh.
Miss na kita. At mamimiss ulit kita.
Salamat sa pagbisita sa panaginip ko kagabi.

August 28, 2016

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Oct 15, 2016 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

SayangWhere stories live. Discover now