STOCKROOM 1 (BOXES)

10 0 0
                                    

9AM.

Kaka-open pa lang ng department store na pinapasukan ni Arriane. Inatasan siya ng kanilang supervisor ayusin ang mga stocks na bagong dating sa stockroom. Absent ang stockman nilang si Gerard dahil nanganak na ang partner nitong si Ate Lady na kasamahan lang din nila sa trabaho.

Hindi kasi maayos na naipatas ni Gerard kahapon ang mga bagong stocks dahil na rin nag-undertime ito sa trabaho at nagmamadaling isugod sa ospital si Ate Lady.

"Eh, kasi naman! Ba't ako pa ang inutusan, eh, babae ako!" naiinis niyang sambit habang papasok sa makipot na stockroom. Medyo mainit doon dahil walang proper ventilation. Madilim pa ang ilang bahagi dahil hindi lahat ng ilaw ay gumagana. Maliit lamang ang department store na iyon ngunit pinagtitiisan pa rin ni Arriane ang kakarampot na suweldo dahil na rin sa high school graduate lamang siya. Wala siyang ibang mapasukang trabaho na tatanggap sa kanya.

Wala pa siyang ibang kasamang naroon sa stockroom. Sa shoes department siya naka-assign at iyong mga natumbang boxes ng sapatos ang kanyang ipapatas nang maayos ngayon.

Tumambad sa kanya ang mga nakakalat na mga karton. Naiinis na pinagpupulot niya ang mga iyon. Panay reklamo pa rin siya habang nag-aayos. Ang ilan sa mga iyon ang kailangan pa niyang ilagay sa pinakamataas na shelves dahil kung hahayaan niyang nakatiwangwang ang mga iyon sa sahig, mahihirapan lalo ang sino mang daraan doon.

Hindi na lang iniinda ni Arianne ang init. Pinagpapawisan siya pero may kakaibang lamig din siyang nadarama habang nag-aayos ng stocks.

Nang maalala ang mga kuwentong-biro ng mga kasamahan niya sa trabaho tungkol sa babaeng pugot ang ulo na nakabigti sa kisame ng stockroom ay nangilabot siya. Pero pilit niya iyong iwinaksi sa isipan. Hindi siya naniniwala sa mga multo o kung ano pa mang mga aparisyon. Para sa kanya ay guniguni lamang iyon. Ang mga taong nagsasabing nakakakita o nakakita na ng mga multo ay nagpapasikat lang. Gutom sa atensiyon at pabida. At saka bakit sinasabi ng mga iyon na nakabigti raw ang babae, eh, pugot nga ang ulo?

Pero hindi niya talaga maignora ang lamig at init na nanunulay sa kanyang katawan. Naiintindihan niya ang init sa pinagpapawisan niyang katawan dahil panay galaw siya kaya natural lamang iyon. Pero ang lamig— na katakatakang nakasentro sa kanyang leeg— ay hindi niya mabigyan ng paliwanag.

Gumamit ng step-ladder si Arriane upang ilagay sa ikaapat na shelves sa itaas ang ilang boxes ng sapatos. Siniguro muna niyang maayos ang pagkakatayo ng step-ladder bago siya nagsimulang humakbang paitaas.

Habang nagpapatas ng mga karton, may narinig siyang nahulog sa bandang kanan niya. Napagibik siya sa gulat. Nang lingunin niya ay isang karton na kulay pink lang pala ang nalaglag. She wondered why it fell all by itself. Gayong sa lugar kung saan nanggaling ang pink box ay maayos namang nakapatong ang mga stocks doon.

Ang kaninang lamig na nakasentro lamang sa kanyang leeg ay nanulay sa iba't ibang parte ng kanyang katawan. Hindi niya makontrol ang sariling katawan. Basta na lang niya binilisan ang kilos. Gaya ng sabi niya, hindi siya naniniwala sa mga multo. Pero ngayon ay medyo duda na siya.

Bumaba siya ng hagdan para kunin ang mga natitira pang boxes. Pagkabuhat sa mga iyon, umakyat siyang muli sa step-ladder. Nakakadalawang akyat pa lang siya, may narinig na naman siyang parang tali na kinikiskis sa bakal. Na para bang may mabigat na nakabitin sa itaas. Naglakas-loob siyang tumingala sa kisame, ngunit wala naman siyang nakitang nakabitin. She sighed in relief. Guniguni lamang pala niya iyon gaya ng naiisip niya. Marahil ay dahil iyon sa mga naikuwento sa kanya ng workmates niya tungkol sa babaeng pugot ang ulo na nakasabit sa kisame sa department store na iyon. Kaya naman ang imahinasyon niya ay biglang gumawa ng kung anu-anong eksena sa kanyang utak.
Ipinagpatuloy ni Arriane ang paghakbang.

Nasa tatlong boxes na lang ang kanyang hindi pa naiaayos nang may mahulog na namang karton sa bandang kaliwa niya. This time, mas malapit na iyon sa kanyang kinaroroonan. It was a white box. Nangilabot na si Arriane. Dali-dali na niyang ipinatong ang mga karton. Ni hindi na siya pumatong sa ilan pang natitirang baitang ng hagdan. Basta na lang siyang tumalon.

Nakailang mabibilis na hakbang pa lang siya palayo ay may narinig siyang sumitsit sa kanya. Napahinto siya. Kasunod niyon ay may mga nahulog na boxes mula sa itaas. Nais ng kanyang mga paa na tumakbo at lumabas sa stockroom, ngunit nanaig ang kuryosidad ng kanyang utak. Upang patunayan sa sariling nagkakamali siya ng iniisip na may multo, dahan-dahan siyang lumingon.

Wala siyang nakitang kakaiba maliban sa boxes ng sapatos na nasa sahig. Iyon ang mga inayos niya kanina. Nahulog ang mga iyon dahil sa pagmamadali niya. Ang sitsit na kanina ay narinig niya, baka parte lamang ng malikot niyang imahinasyon.

Isa-isa niyang pinulot ang mga iyon.

Inangat ni Arriane nang kaunti ang mukha, titingnan sana ang pink at white na box na mas naunang nahulog kanina. Ngunit nagulantang siya sa nakita. Ang puti at pink na box ay may bahid ng pulang dugo.

Nabitawan ni Arriane ang mga pinulot na boxes. Patihayang gumapang para lumayo sa lugar na iyon sa sobrang takot. Nawalan na ng kakahayan ang kanyang mg tuhod para tumayo at tumakbo.

"Psst!" sitsit ng kung sinomang nasa itaas.

It was louder this time. Labis na pinagsisihan ni Arriane ang tuluyang pag-angat ng tingin sa kisame. Dahil nakita niya roon ang katawan ng babaeng nakalambitin sa makapal na lubid na walang ulo.

Ngunit bago pa siya mawalan ng malay dahil sa takot, nahulog mula sa kadiliman ng kisame ang ulo ng babaeng puno rin ng dugo— gumulong at huminto iyon sa mismong pagitan ng kanyang mga hita, nakaharap ang mukha sa kanya.  Nakadilat ang mga mata at napakalapad ng ngiti.

Napasigaw si Arriane.

Kadiliman ang naghari pagkatapos.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Dec 27, 2020 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

WengWeng's Horror Stories (Inspired In Real Life)Where stories live. Discover now