Sugatang Manggagamot

209 4 0
                                    

(Isang pagninilay bunga ng pakikipamayan sa UMC Hospital)

Lahat tayo nilikha...

            …ng Diyos upang umagapay sa iba pa niyang mga nilikha.

            …nang may bahid ng kasalanan.

            …upang gamutin ang anumang sugat; pisikal man o pankaluluwa.

Umagapay...

            … Sa simula ng aking pakikipamayan sa Ospital ng Unibersidad ng La Salle ay ramdam ko na ang hirap at bigat nang aking mga gampanin. Hindi madali ang hinihinging gabay o tulong ng Ospital. Sa simula ay kakabahan ka, matatakot ka at panghihinaan ng loob, subalit sa awa at gabay ng ating Mapagmahal na Ama ay hindi niya kami pinababayaan. Nagsisilbing pisikal na tagagabay namin si Reb. Pad. Manny Villas bilang Chaplain at Pastoral Care Administrator. Sa bawat sabado na kami’y nagtitipon-tipo’y lubos na biyaya ng Espiritu Santo ang sa ami’y napapaloob nang sa gayo’y ang aming pagbabahagina’y maging tutok sa karanasan bilang Pastoral Care Volunteer, bilang anak, bilang seminarista at bilang sugatan.

Kasalanan…

            … May bahid ng kasalanan ang lahat ng nilalang sa sangkalupaan. Hindi natin maipagkakaila na tayong lahat ay makasalanan. Ito ang dahilan kung bakit inialay ng bugtong na Anak ng Diyos ang kanyang sarili upang iligtas at tubusin ang ating mga kasalanan. Sa pakikipamayan mahirap magtago ng tunay mong nararamdaman. Kung nararamdaman mong ika’y hapong-hapo na ay hindi mo puwedeng ipakita sa sambayanan na ika’y nahahapo sapagkat baka sila di’y mahapo. Subalit ito ay isang uri ng kasalanan. Sa aming pakikipamayan sa UMC, hindi madaling makipag-usap sa mga pasyente. May mga pagkakataong ika’y hindi papansinin, may mga pagkakataong ika’y paaalisin; subalit sa kabila ng lahat ng pagtanggi sa atin, tandaan natin na tayo’y makasalanan na dapat tumanggap ng kahit na anong bagay na sa tingin natin ay doon tayo nabibigyan ng pagpapahalaga at paglago.

Gamutin…

            … ang anumang sugat ng kapwa nilalang. Sa aming pakikipamayan sa UMC, napakahirap makipag-usap sa mga pasyente. Kailan mong maging pasensyoso, magalang, maki-ayon sa hinihingi ng paligid; kung tahimik…tahimik; kung maingay…maingay. Kapag kami ay nadalaw na sa mga pasyente lalo na ako, ang tanging laman lang ng aking isipan ay ako ri’y tulad nila, isang sugatan hindi man sa pisikal kundi sa ispiritwal. Lahat tayo ay sugatang manggagamot. Sa bawat pasyente na aking nakikipamayan ay lubos kong nadarama ang tindi nang kanilang pananampalataya. Nasagi tulo’y sa aking isipan na kung hindi dahil sa sakit na kanilang dinarama  ay hindi pa sila tatawag sa Mapagmahal na Ama. Ako rin ay tulad nila, tulad nilang ang tingin sa Diyos ay malaki. Hindi lalapit at hindi tatawag sa Kanya kapag ang problema’y maliit lamang. Kapag malaki na ay saka na lalapit. Aking napagtanto na ang Diyos ay handang tumugon maliit man o malaki ang ating hingiin o hilingin. Amen

Sugatang ManggagamotWhere stories live. Discover now