Bilang 7 -Mahal, Gabayan Mo 'Ko Sa Ating Pangarap

92 42 10
                                    

MAHAL, GABAYAN MO ’KO SA ATING PANGARAP

Bumili ako ng bulaklak para sa ’yo,
Kulay pula, gustong gusto mo.
Sinamahan ko na rin ng tsokolate,
Na may paboritong-paborito 'mong parte.

Gustong-gusto ko na nireregaluhan kita,
Dahil gustong-gusto ko na nakikita kang masaya,
Nakakagaan ng pakiramdam ang mga ngiti mo,
Mga ngiting hindi na makikita ng mga mata ko.

Anibersaryo natin ngayon,
At sobrang saya ko na nakaabot tayo ng isang taon,
Binilhan nga pala kita ng cake para sa selebrasyon,
Na ako na lang mag-isa ang tutugon.

Sinimulan ko nang sindihan,
Ang nakatirik na kandila sa iyong larawan,
Nakakahiya, umiiyak na namam ako sa harapan mo.
Bakit kasi iniwan mo naman ako?

Hindi ako nakapaghanda sa iyong paglisan,
Ni hindi ko nga alam na hindi pala maganda ang iyong kalagayan,
Bakit hindi mo gustong malaman ko ang totoo?
Mahal kita, doon pa lang maiintindihan ko.

Matatanggap kong may palugit na,
Matatanggap ko sana kung sinabi mo ng maaga,
Na hindi na maganda,
Na hindi ka na magtatagal pa.

Ayoko sanang umiyak sa harapan mo,
Ngunit hindi ko mapigilan ang puso kong ito,
Alam 'mong mahal na mahal ka nito,
Hanggang sa nawala ka nanatili ka pa rin dito.

Mahal, hindi ko pa rin matanggap,
Isang taon na pero bakit ang hirap,
Maraming bakit na hindi nasagutan,
Ngunit ang nakalipas ay hindi na maliliwanagan.

Dahil hindi ka na babalik pang muli,
Hindi ka na makakapiling uli,
Marami pa sana akong pangarap sa'ting dalawa,
Pero ang mga pangarap na iyon ay tutuparin ko na lang mag-isa.

Mahal, gabayan mo'ko sa ating pangarap.

| 010921

Nepenthe's || A Poetry Anthology Where stories live. Discover now