Laughter

54 5 0
                                    

"Maiba taya tayo ah! Walang madaya!" Sigaw ng pinsan ko na si Ate Mafel. Nagkumpulan kaming lahat malapit sa balon.

"Maibaaaa taya!" Sigaw naming lahat habang nagliliwanag ang buwan. Nakalahad ang mga palad namin sa ere at kitang kitang kung sino ang taya. Malaki ang espasyo ng aming paglalaruan, maraming pagtataguan, pwedeng pwede magtakbuhan.

"Taya ka Hail." Ngumiti ako sa kanila. Ako nanaman ang taya, pero sige ayos lang.

Tumakbo ako sa poste ng ilaw, tinakpan ko ang mata ko at sumandal sa poste.

"Magbibilang na ako ah!" Sabi ko sa kanila at sinimulan ko ang pagbibilang.

"Isa..."

"Mas mabuti siguro kung lumipat na tayo." Narinig kong sabi ni nanay kay tatay.

"Ate, ano ba ginagawa natin? Gutom na ako!" Angil ng kapatid ko na nasa gilid ko.

"Shh! Wag ka maingay." Suway ko sa kanya pero nakita na kami ni nanay.

"Hail? Xoen?"

"Dalawa..."

"Laro tayo sa bahay ko!" Aya sa akin ni Ate Mafel. Agad naman akong sumama sa kanya.

"Alam mo ba gusto ko ng malaking doll house tapos sama natin sila em-em, laro tayo dito sa bahay." Kwento ni Ate Mafel habang nanonood kami ng Barbie and The Three Musketeers.

"Tatlo..."

"Ano bang gusto mong mangyari?! Paano tayo mabubuhay nyan kung puro ka sugal! Dalawa na 'tong anak mo...magtino ka naman!" Naririnig ko nanaman ang walang humpay na sigawan nila tatay at nanay.

"Palagi ka na lang nagmamagaling eh! Ang yabang mo porket may maganda kang trabaho!" Sigaw pabalik ni tatay.

Nakakasawa rin pala.

"Apat..."

"Ang ganda! Tignan mo Xoen!" Sigaw ko habang tinuturo ang malaking saranggola na lumilipad sa langit. Nasa tagaytay kami ngayon, sa tuktok ng bundok.

"Tay! Palipad din tayo ng saranggola!" Sabi ni Xoen kay tatay. Kinulit niya ito ng kinulit. Tumayo ako mula sa pagkakaupo ko at tinignan ang tanawin sa baba.

Ang ganda.

"Lima..."

"One...two...three...smile!" Sumilaw sa akin ang maliwanag na ilaw ng camera. Katatapos lang ng graduation namin.

Graduate na ako sa pagiging kinder! Yahoo!! Haha!

"Anim..."

"Sana di ako makita, sana di ako makita, sana di ako makita..." Paulit ulit na bulong ko sa sarili habang nagtatago ako sa ilalim ng sofa. Masikip pero hindi niya dapat ako makita.

"Hail...apo? Asan ka?" Narinig ko ang boses ni lolo. Pinikit ko ang mata ko pinapanalangin na sana hindi niya ako makita.

"Ano ginagawa mo dyan? Di pa tayo tapos maglaro." Nakita niya ako. Tuloy tuloy na ang pag-agos ng aking luha.

"Pito..."

"Happy birthday to you...happy birthday to you..." Nakangiti ako habang kinakantahan ako ng happy birthday ng mga pinsan ko at ng buong pamilya. Suot ang pula kong gown na tinahi pa ng lola ko.

Pitong taon...ang saya!

"Walo..."

"Sorry." Sabi ng lalaki na nasa harap ko.

"Hindi pwedeng maging tayo." Pagpapatuloy niya pa. Parang dinurog ang puso ko. Ang sakit.

"Alam ko." Sagot ko at ngumiti sa kanya.

"Siyam..."

"Lilipat ka na?" Malungkot na tanong sa akin ng isang kaibigan.

"Sorry." Tanging sagot ko.

Paano na?

"Sampu. Game!" Sigaw ko at tinignan ang paligid ko. Ang tahimik. Walang tao. Ang lamig ng hangin, tanging ang liwanag ng buwan lang ang kasama ko at ang puting ilaw na nakakasilaw.

"Asan na kayo? Uy bakit niyo ako iniwan? Ang daya niyo naman eh." Sabi ko sa aking sarili at naupo sa tabi ng poste ng ilaw.

"Bakit ba favorite mo yung tagu-taguan dati?" Tanong sa akin ni Kuya Mark.

"Hindi ko rin alam eh. Sa totoo lang nakakalungkot na laro 'yon. Kasi pagkatapos mong magbilang, mag-isa ka na lang. Sa sobrang focus mo sa pagbibilang...di mo namamalayan na

"Mag-isa na lang ako." Yumuko ako at niyakap ang aking tuhod. Biglang namatay ang ilaw ng posteng sinasandalan ko.

Madilim, malamig, malungkot.

Wala akong kasama.

Paano na?

HappiestWhere stories live. Discover now