LAKANDIWA:
Magandang araw, sa inyo'y pagbati
Nais ding ipakilala ang magtutunggali
Sa paksang talagang kawili-wili.
Kaya, ang lahat ay pumarini.
Ang tanong ng karamihan,
Multilingguwalismo ay may pakinabang?
Panig ng meron ay nasa kanan,
Ang wala ay nasa kaliwa naman.
Halikayo, sila'y ating kilalanin
Kanilang opinyon, pakinggan na rin.
At mamaya, sila'y husgahan natin
Kung sino ang tunay na magaling.
NAPAPAUNLAD:
Kumusta kayo, mga kaibigan?
Sana sa duwelong ito sa panulaan
Ako sana'y inyong pakikinggan
Sapagkat ako ang may katuwiran.
HINDI NAPAPAUNLAD:
Mga katoto, binabati ko kayo
Sa balagtasan ito, kayo'y naririto.
Natutunghayan ninyo aming pagtatalo
Malalaman ninyo, ang totoo.
LAKANDIWA:
Simulan na natin
NAPAPAUNLAD:
Multilingguwalismo, may pakinabang
Iba't ibang wika ay ating kayamanan
Sa ibang bansa, mga ito'y pagkakakilanlan,
Gaya ng Cebuano, Waray, at Kapampangan.
HINDI NAPAPAUNLAD:
Mayaman nga iba't ibang wika,
Pero tingnan mo naman ang bansa.
Mga Filipino'y hind magkasundo,
Hindi nagkakaisa, may iringan, may gulo.
Bakit ang Japan, kahit monolingguwalismo
Maunlad na, may disiplina pa ang mga tao.
Hindi natin kailangan ang maraming wika
Sapagkat kaunlaran, tayo ang gumagawa.
NAPAPAUNLAD:
Sinasabi mong hindi maunlad ang Filipinas?
Bakit narito ka at mga wika'y binibigkas?
Sana magtungo ka sa Japan, dito ay lumikas
Dahil ikinahihiya mo ang lahing matikas.
HINDI NAPAPAUNLAD:
Hindi ko ikinihihiya ang bayang sinilangan.
Ang akin lamang ay isang katanungan.
Bakit hindi gawing isang wika na lamang
Ang gamitin sa pakikipagtalastasan?
NAPAPAUNLAD:
Aba, kung iyan pala ang hinahangad mo,
Para mo na ring binalewala ang mga katutubo.
Hindi ka na makatao, hindi pa maka-Filipino.
Ang iyong ideya'y katulad ng iyong iniidolo.
HINDI NAPAPAUNLAD:
Wala kang karapatang husgahan ako!
Hindi mo alam ang buo kong pagkatao
At ang nilalaman ng aking isip at puso.
Kaya tumigil ka sa pag-aktong matalino!
LAKANDIWA:
Teka, teka tila yata kayo'y nalalayo
Mga ideya ninyo'y hindi sumasakto
Sa kung ano ang dapat ninyong ipunto.
Paalala: tagisan ito opinyon, hindi pagtatalo.
NAPAPAUNLAD:
Paumanhin, Ginoo, kung ako'y sumaliwa
Ang nais ko lang nama'y ipaunawa
Sa katunggali kong ngawa nang ngawa,
Na monolingguwalismo'y walang nagagawa.
Pagkakaroon ng maraming wika sa isang bansa
Ay higit sa isang kayamanan at isang biyaya.
Sa pakikipag-ugnayan, lamang ang maalam.
Gaya ni Dr. Jose P. Rizal, na isang paham.
Hindi tayo maloloko at hindi maiisahan
Kung wika ng iba ay ating inaalam
Sa pagkatao, hindi naman ito kabawasan,
Kundi isang makabuluhang karagdagan.
HINDI NAPAPAUNLAD:
Ikinakaila mo ang kaunlaran ng mga Hapon.
Sila ang numero uno, noon hanggang ngayon
Pagdating sa monolingguwalismo,
Sa kanila'y wala talagang tatalo.
Ang South Korea, Inglatera, at Pransya,
Ilan lamang sa mga bansang may isa wika,
Ngunit nakaangat ang kanilang ekonomiya
At nakikipag-ugnayan naman sila sa iba.
NAPAPAUNLAD:
Tama na! Marami ka nang sinasabi
Kuro-kuro mo'y aking isinasantabi
Pananahimik mo ay totoong makabubuti
At ang pagbaligtad mo'y aking minimithi.
Tanggapin mon a kasi ang ibang lengguwahe,
Gaya ng Ibaloy, Kinaray-a, Mangyan, Tiboli,
Blaan, Binukod, Waray, Tagalog, Tuwali,
Iloko, Waray, Bikolano, at Pangasinense.
HINDI NAPAPAUNLAD:
Sa akin, huwag mo iyang ipagmalaki
Alam kong wikang katutubo'y napakarami.
Tatanungin kita—sagutin mo man o hindi,
Gaano na kaunlad itong bansang sarili?
O, kita... Hindi mo agad masabi-sabi
Na ang multilingguwalismo'y walang silbi
Kung tayo mismo ang ayaw magpakabuti.
Sariling bansa nga'y hindi maipagkapuri.
LAKANDIWA:
Mahusay, mahusay, kayong dalawa!
Ang mga tinuran ninyo'y mahalaga,
Kaya, mga manunuod na ang huhusga.
Isang palakpakan, ibigay natin sa kanila.
Salamat! Maraming salamat sa inyo!
Multilingguwal nga ang mga Filipino
Kung bansa nati'y napapaunlad ba nito,
Iyan ang tanong na iiwanan namin sa inyo.
