Part 1

17K 246 1
                                    


"OKAY ka lang diyan, Andie?" lapit sa kanya ni Eve, ang wedding planner at may-ari ng Romantic Events, isang wedding planning agency kung saan konektado ang Flavor and Spice bilang official caterer nito.

Nasa buffet table siya at tinitiyak na maayos na nakahanda roon ang mga pagkain. She had a competent staff pero hindi niya inaasa ang lahat doon. Isa pa, espesyal ang okasyong iyon sapagkat kasal iyon ng isa sa wedding girls ng Romantic Events. Si Nicole, ang eksperto sa honeymoon trips.

At halos lahat ng wedding girls ay feeling nostalgic. Sa pangalawang pagkakataon ay sa Baguio City ang kasalan sapagkat significant ang lugar na iyon para kay Nicole at Artemis na siyang mapapangasawa nito. Nauna nang doon nagpakasal si Eve. At bagaman malayo ang kanilang naging biyahe, isa man ay hindi kinaringgan ni kinakitaan ng reklamo bagkus ay tuwang-tuwa pa para kay Nicole.

"Okay na okay! Ako pa?" nakangiting sagot niya. "Kailan ba ako hindi naging okay? Tingnan mo nga, mas fresh pa ako sa lettuce nitong vegetable salad ko."

Napabungisngis si Eve. "Gusto ko lang namang makasiguro. Malayo din itong biyahe. Aba, kung hindi nga lang second home na sa akin itong Baguio, iindahin ko ang biyahe natin dito."

"Luckily, hindi ako kasali diyan. Alam mo naman ako, may batalyon ng assistant. Utos lang ako nang utos. Besides, second home ko din naman itong Baguio. Remember, may catering business din kami dito. Iyon nga lang, iyong ate ko ang boss dito. Di ba nga, iyong mga staff ko, kay Ate Vicky ko na lang hinugot kaysa naman hakutin ko pa lahat ng staff ko sa Manila. Saka ayos lang sa akin. Siyempre, kasal ito ni Nicole, 'no!" mahabang sabi niya.

"Kungsabagay. Hindi bale, for the next three weeks naman ay wala tayong kasal so break na rin natin iyon. Nakakaramdam lang talaga ako ng stress lately. Aba, hindi ko alam kung anong virus ang dumapo sa mga wedding girls. Buhat nang mag-asawa ako, isa-isa na ring nagsipag-asawa."

"Nagrereklamo ka kasi hindi ka kumita. Libre kasi ang serbisyo mo," tudyo niya.

"Of course not! Lahat naman kayo ay nagkaroon din ng share nu'ng kasal namin ni Ryan. Saka kahit wala kayong share, okay lang sa akin iyon. Ang dami na nating pinagsamahan para kwentahin ko pa iyong effort ko sa bawat kasal. Medyo nakaka-miss lang iyong iba, kasi dati-rati basta may kasal, kumpleto tayo. Pero ngayon, iyong iba nga assistant na lang nila ang ipinapadala nila."

"Busy na sa family life, ano ang magagawa natin?"

"Wala. Nakaka-miss lang talaga," ani Eve. "Si Scarlett, bihira na nating makasama. Puro assistant na lang niya ang nag-aayos ng mga bulaklak."

Natawa siya. "Buntis na naman, iyon ang dahilan. Alam mo naman si Calett, sobrang selan maglihi. At delikado sa kanya na magbiyahe pa nang ganito kalayo kaya reasonable naman kung bakit hindi siya nakarating dito. But in fairness, ang ganda ng bouquet na ginawa niya para kay Nicole, ha?"

"Siyempre, katerno ng design ng gown ni Nicole saka noong flowers sa cake. Alam mo naman ang mga iyon, talagang nag-coordinate pa para kay Nicole. Iba talaga si Julianne pagdating sa designs ng mga gown."

"Yeah, right. Si Geraldine, hindi ba at buntis na naman din? Mabuti nga at nakukuha pang mag-bake ng cake kahit ang laki na ng tiyan. Iyon nga lang, hindi na rin advisable na magbiyahe. Eight months na ang tiyan niya, di ba? Si Shelby naman, talagang priority na ang pag-aalaga sa baby niya kaya lullabies na ang kinakanta lately kaysa wedding songs. Besides, hindi naman lahat ng nagpapakasal lately, kumukuha ng wedding singer. Si Ysa ba, ano ang balita?"

"Naku! Ayaw pang tapusin ang honeymoon!" naiiling na wika ni Eve. "Mabuti na lang at magaling iyong mga staff niya sa K&Y Salon niya para pansamantalang kapalit niya bilang make-up artist ng bride and entourage. Luka-luka na iyon, kung mambasted ng lalaki dati, ganoon na lang. Ngayon namang na-in love, apat na buwan na ayaw pang humiwalay sa pantalon ng napangasawa!"

"Sus! Nagsalita ang hindi besotted sa asawa. Kung ikaw nga, eh, hanggang ngayon obvious pa ring nababaliw kay Ryan, eh. Ilang taon na ba kayong married?"

"Magpa-five," proud na sagot nito. "Binibiro nga ako, eh. Pakasal daw kami uli sa fifth anniversary namin."

"Why not?"

"Eh, hindi naman ganoon ang nakasanayan ng tao. Siguro sa tenth year na lang naman. Binibiro ko nga. Sabi ko, kaysa magpakasal uli, honeymoon na lang. Mainam nga iyon para naman magkaroon na ng kasunod si Blue."

Tumaas ang kilay niya. "As if, ang tagal ninyo nang walang honeymoon. Mukha ngang hindi na kayo umalis sa stage na iyon, eh."

"Masarap ang feeling, Andie. Ikaw ba, hindi ka pa mahahawa ng virus? Ni boyfriend, wala ka yata?"

Umikot ang mga mata niya. "Utang na loob, Eve, huwag ka nang gumaya sa mga kamag-anak ko. Kahit ano yata ang topic ng usapan, mauuwi at mauuwi sa pag-aasawa ko. Puwede ba, spare me. Wala pa naman akong treinta pero kung mag-panic sila, para bang magme-menopause na ako."

"Aba, ako naman nagtatanong lang. Wala akong balak na magbigay sa iyo ng pressure. Ikaw itong defensive agad," kantiyaw nito sa kanya.

"Kasi naman, parang hindi mo kilala ang mga kamag-anak ko." At eksaherado siyang lumingon sa catering staff. Flavor and Spice was her own venture of their family business—sa Baguio City man o sa Manila. Nasa dugo ng kanilang pamilya ang galing sa pagluluto kaya naman iyon na ang ginawa nilang negosyo. Ibang mga pinsan ang nagsisilbing staff niya. Kapag ganitong may catering service sila, naturalmente na sila-sila rin ang magkakasama.

"Oo nga," ani Eve. "At kung hindi ako nagkakamali, sa kasalang ito ay may tititigan na naman ang mga kamag-anak mo para ireto sa iyo."

"Yeah, right. At ang matitipuhan nila para sa akin, hindi ko naman type," tikwas ang nguso na wika niya.

"Malay mo this time, iyong type nila, type mo na rin."

"Ewan!" tatawa-tawa lang na sabi niya. "By the way, since break tayo ng ilang linggo, dito muna siguro ako sa Baguio. Diyan na lang muna ako kina Ate. Parang bakasyon ko na rin."

"Yes, why not? Mainam nga iyon, makapag-relax ka. Kami nga rin ni Ryan, nagbabalak umuwi sa Aklan. At malamang, sa Boracay na kami mag-stay. May property naman sila doon." Napalingon ito sa entrance kung saan nagsisimula nang magdatingan ang mga bisita. "O, siya, mamaya na tayo mag-tsika. Back to work na."

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Feel free to vote and comment; and share the link, too.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

Wedding Girls Series 08 - ADRIENNE BLYTHE - The CatererWhere stories live. Discover now