Bulsa (isang maikling kwento)

701 4 0
                                    

"Hello..." tinapat ni Bobet ang telepono sa kaniyang tenga, nakatakip pa ng unan ang kaniyang mukha.

"Hoy Bobet tanghali na pumunta ka na dito, kanina ka pa hinihintay ng tropa," sagot ng nasa kabilang linya.

"O sige, sige, saglit lang masakit pa ang ulo ko. Magkasama na nga tayo kahapon, jamming na naman ngayon. O siya bye," bumangon sa kama si Bobet na hinihilot ang ulo.

Lumabas siya ng kwarto at pumunta sa banyo para umihi at maghilamos. Nagpunta siya sa kusina, naghanap ng makakain. Nakita niya ang pusa ng kapitbahay, nakapasok sa loob at ngayon ay kinakain ang tinabi sa kaniyang pagkain ng kaniyang nanay bago ito umalis papuntang trabaho, "Pssst! Buset na pusa to dinale pa ang pagkain ko, lumayas ka nga dito."

Kumaripas ng takbo ang pusa, tiningnan ni Bobet ang plato, halos wala ng natira, "Bad trip talaga, masakit na nga ang ulo ko wala pa akong makakain ngayon." Humiga na lang siya sa sofa at natulog muli.

Nagising lang siya ng marinig ang kalampag ng mga plato, ang pusa ng kapitbahay ay nakapasok muli at naghahalungkat ng makakain. Binato niya ito ng tsinelas at mabilis na tumakbo ang pusa palabas ng bahay.

Sumilip siya sa bintana, medyo madilim na sa labas, "Syet, hapon na pala, kanina pa ako hinihintay ng tropa." Dali-dali siyang pumasok sa kwarto upang magbihis. Inamoy niya ang mga damit na nakakalat doon upang malaman kung ano ang pwede pang isuot.

Lumabas siya ng kwarto at nagpunta muli sa kusina. "Aray ko po, ang sakit pa rin ng ulo ko," sigaw ni Bobet habang nakatingin sa medicine cabinet upang makahanap ng gamot sa sakit ng ulo. Narinig niyang nag-riring ang phone, kaya agad siyang dumampot ng gamot at tumakbo na palabas ng bahay.

Nag-aabang na siya ng masasakyan, tinungga niya muna ang dalang gamot habang wala pa ang sasakyan niya. "Ang sakit talaga ng ulo ko," bulong niya sa sarili, naisipan niyang umupo muna at ipikit ang mata habang hinihilot ang masakit niyang ulo.

Pagdilat niya, nakakita siya ng mga lumulutang na liwanag na animo'y mga alitaptap. Tinakpan niya ng panyo ang mga mata at ng alisin niya ang takip na panyo, nakita niyang nasa kakaiba siyang sillid na may mga nakasulat na hindi niya maintindihan.

Ibat-ibang nilalang ang naglalakad sa harapan ng bintana ng silid kung saan nandoon si Bobet. May mga nilikhang maraming galamay, may mga tumatakbo na maraming mga mata at kung anu-ano pang uri.

Bumukas ang pintuan ng silid at nagtakbuhan papasok ang mga nilalang na nakita niya sa labas, siksikan na pero ang iba ay nagpupumilit pa ring makapasok. Sinisiksik siya ng mga ito, ang iba ay di siya napapansin, ang iba naman ay napapatingin sa kaniya na sa wari niya ay parang nagtataka o baka nag-iisip na atakihin siya.

Tumatagaktak ang mga butil ng pawis sa kaniyang noo. Inihanda niya ang sarili sa anumang pwedeng mangyari. Handa na siyang kalabanin ang nakakatakot na mga nilalang na iyon, nilagay niya ang kamay sa kaniyang bulsa upang malaman kung may dala ba siyang kahit anong pwede niyang gawing sandata, may nakapa siyang bote.

Nilabas niya ang bote sa bulsa at binasa ang nakasulat doon. Buong laman pala ng bote ng gamot ang natungga niya na walang laman ang kaniyang sikmura. Napa-isip si Bobet, di na siya lalaklak sa MRT ng cough syrup.

-Wakas-

* Maraming salamat po sa pagbasa. Kung nais niyo pong makabasa ng iba ko pang kwento, makikita niyo po ito sa #maiklingkwento. Ang maikling kwentong ito ay bahagi ng librong "Ben Chinko (Vol. 1)" na binubuo ng dalawampu't limang kathang-isip na mga maikling kwento.

Ang imahe para sa maikling kwentong ito ay iginuhit ni Patrick Earl Alvarez, mula sa kaniyang librong "Mythos" (A Coloring & Illustrative Book -- Philippine Copyright 2019/All rights reserved). Kung nais po ninyong bumili ng kaniyang libro, bisitahin ang kaniyang facebook page: https://www.facebook.com/mythosbypatrickearlalvarez/ 

Bulsa (isang maikling kwento)Where stories live. Discover now