Kaligtasan

636 47 8
                                    

[A/N:

Minsan ang ating imahinasyon ay dinadala tayo sa mga lugar na hindi natin inaasahan. Minsan ang mga lugar na iyon ay sumasakop sa nakaraan o sa malayong hinaharap. Ngunit minsan, ang hinaharap na iyon ay dinadalaw tayo sa kasalukuyan nang hindi natin inaasahan. Kapag nangyari iyon, hindi na iyon imahinasyon... ]

___________________________________________________________

KALIGTASAN

Sinusunog na ng mainit na araw ang aking likod. Tinatawid ko noon ang tuyung-tuyong disyerto na wala kahit isang halamang nabubuhay. Kailangan kong magmadali. Kailangan kong makaligtas. Alam kong hinahabol ako ng halimaw at siguradong kasama niya ang laksa-laksa niyang mga alagad.

Sa silangan, tanaw ko na ang Bundok ng Zion. Mga sampung milya na lang ang layo noon. Kung hindi ako titigil, kung hindi ako magpapahinga, mararating ko iyon sa loob ng dalawa o tatlong oras. Kailangan kong marating iyon bago ako abutan ng halimaw. Ang bundok na iyon lang ang aking kaligtasan.

Kumikirot ang mga sugat sa mga binti ko at braso. Epekto iyon ng matitinding pagpapahirap sa akin ng mga alagad ng halimaw. Ramdam na ramdam ko din ang mga pasa sa aking likod mula sa hagupit ng mga bakal at kadena. Kung wala ang mga iyon, baka mas mabilis pa ang paglalakbay ko.

Naaalala ko pa ang sakit ng ginawa nila sa akin. Halos madurog ang mga buto ko sa mga hagupit at palo. Halos malunod ako sa pagpapaagos nila ng malakas na tubig sa aking mukha. At habang pinapahirapan ako, naririnig ko ang mga tawanan, ang mga pang-aalipusta, ang mga masasakit na salita.

Hindi ko malilimutan ang paghihirap ko na iyon.

Habang naglalakbay ako sa disyerto, kinailangan pa akong sumigaw nang ilang beses para mawala iyon sa ala-ala ko. 

Nagsimulang dumilim ang langit sa likuran ko. Nanlambot ako sa alam kong kahulugan noon. Palapit na ang halimaw sa akin at ang Bundok Zion ay halos dalawang milya pa. Pinilit kong tumakbo nang mas mabilis sa kabila ng sakit, pagod, at panghihina. Wala na akong pakialam kung natatamaan ng matutulis na bato ang mga sugat sa paa ko. Wala na akong pakialam kung gaano kasakit iyon. Takot ako. Takot akong mamatay.

"Lumapit kayo sa akin, kayong mga napapagod... at bibigyan ko kayo ng kapahingahan..."

Narinig ko ang boses na iyon sa isip ko. Pag-aari iyon ng isang nilalang na hindi ko pa nakikita. Hindi ko pa rin siya kilala. Pero natatandaan ko, mula pa sa pagkabata ko hanggang sa mahuli ako ng mga alagad ng halimaw, nandoon na siya. Bumubulong siya sa isip ko at ang boses niya ay nagbibigay sa akin ng kakaibang lakas. Nagbibigay din ito ng pag-asa. 

Naalala ko, ang boses niya ang nagbigay sa akin ng lakas ng loob na labanan ang halimaw at hindi magpaalipin dito.

Dumilim nang ganap ang paligid. Alam ko, nandoon na sa likuran ko ang halimaw. Wala na, naisip ko. Kalahating milya pa ang Bundok Zion at siguradong hindi na ako makakaabot doon. Mamamatay na ako. Kung may lakas pa sana ako para tumakbo nang mas mabilis.

Pero wala na akong lakas.

"Sino kang talipandas para kalabanin ako?" Umuga ang paligid sa dagundong ng boses ng halimaw.

Nanginig ako sa takot pero hindi ko siya hinarap. Pinilit ko pa ring tumakas, kahit alam kong wala na akong pag-asa. Alam kong haharapin niya ako gamit ang pinakamabagsik niyang anyo, ang dragon na may pitong ulo na nagbubuga ng apoy.

"Inalok kita ng kayamanan at kapangyarihan," dumadagundong niyang sumbat sa akin. "Ano pa ba ang gusto mo para sumunod ka sa akin?"

Nadapa ako dahil sa paggalaw ng lupa sa pagsasalita niya. Tumama ang sugatan kong binti sa matutulis na bato. Napapikit ako sa sakit, pero sumagot pa rin ako ng isang sagot na alam kong hindi niya magugustuhan. "Ang Diyos... Ang Diyos ang gusto ko..."

Narinig ko ang malakas niyang pagtawa. "Ako ang diyos mo! Ako ang diyos na maghahari sa mundo! Sumuko ka na sa akin! Sumunod ka sa mga utos ko!"

Halos mabingi ako sa boses ng halimaw, pero sa loob ng aking puso, nangingibabaw ang mga salitang pinanghahawakan ko.

Ang Diyos ang aking lakas at kaligtasan. Wala akong dapat katakutan...

Dahil doon, lakas loob kong hinarap ang halimaw, ang dragon na may pitong ulo. "Hindi ikaw ang Diyos ko..."

Nangalit ang mga pangil niya dahil sa aking sinabi. Labing-apat na nagbabagang mga mata ang tumitig sa akin. Muli siyang nagsalita, mas mahinahon, pero mas nakakatakot, isang pauna sa nagbabantang katapusan. "Kung ganon, wala ka nang silbi para sa akin."

Sumambulat ang apoy mula sa mga bibig ng pitong ulo ng dragon papunta sa akin. Natabunan ako ng apoy, at naramdaman ko ang unti-unting pagkasunog ng aking balat. Napuno ng sakit ang aking katawan.

Dahil sa sakit, namutawi mula sa aking puso ang isang panaghoy. "Diyos ko! Tulungan mo ako!"

Ngunit unti-unting nagapi ng apoy ang lahat ng lakas ko. Unti-unti akong nanghina sa gitna noon. Dinig na dinig ko pa ang mapanlait na halakhak ng halimaw, na parang nagsasabi na nagkamali ako, na dapat ay sa kanya na lang ako sumunod, hindi sa Diyos...

Unti-unti, nabalot ako ng kadiliman...

Unti-unti, nagapi ako ng kamatayan...

Naalimpungatan ako sa tunog ng yabag ng mga kabayo... maraming mga kabayo.

Napaisip ako kung bakit gumagana ang utak ko, at kung bakit wala na akong nararamdamang sakit sa katawan ko. Patay na ba ako? Kaluluwa na lang ba ako? Anong mangyayari sa akin?

"Buhay ka," narinig ko. Pamilyar ang boses. Kapareho iyon ng boses sa isip at puso ko na pinanghawakan ko mula pa noong pagkabata ko hanggang sa pakikipagtunggali ko sa halimaw.

Unti-unti pa lang noong bumabalik ang lakas sa katawan ko. Hindi ko pa maidilat ang mga mata ko. Pero sumagot ako agad. "Pero namatay ako. Hindi ko narating ang bundok ng kaligtasan..."

Muli, narinig ko ang boses, at ang bawat salita ay parang nagbibigay ng lakas sa akin. "Hindi ang Bundok Zion ang kaligtasan. Ang kaligtasan ay Ako..."

Idinilat ko ang mga mata ko at inangat ang ulo ko.

Tumambad sa aking paningin ang isang lalaking nakasakay sa isang puting kabayo. Ang katawan niya ay balot ng napakakinang na baluti, mas makinang pa sa ginto o pilak. Ang kanyang balabal at kasuotan ay puting-puti. Ang mukha niya ay parang talang nagniningning, hindi ningning ng liwanag, kundi ng kakaibang presensya na pumapawi sa lahat ng takot, pagdududa, at pagod sa aking loob.

Sa likod niya, nakasakay sa kanilang mga kabayo ang mahigit sa isandaang libong kawal. Lahat ay nakaputi at nakabaluti na katulad niya. May mga espada na nakasukbit sa kanilang mga baywang. May hawak silang mahahabang sibat na may watawat sa gawing dulo. At sa bawat watawat, nakasulat ang pangalan ng Diyos.

Tumulo ang luha ko hindi dahil sa sakit o lungkot. Tumulo iyon dahil sa tuwa. Sa kabila ng mga nangyari, sa kabila ng mga paghihirap ko, hindi ako nabigo.

Hindi ako binigo ng Diyos.

Sumenyas ang lalaking kausap ko. Isang kabayong puti ang lumapit sa kinaroroonan niya. Gaya ng ibang kabayo, isa itong kabayong pandigma, at may espadang nakasabit sa gilid ng upuan. Isang espadang sumisimbolo sa pagiging kawal.

At ang kanyang sumunod na mga salita ay nagbigay sa akin ng kakaibang sigla. "Tumayo ka, kawal ng Diyos, at sumama ka sa amin."

"At nakita ko ang halimaw, at ang mga hari sa lupa, at ang kanilang mga hukbo, na nagtipon upang makipagdigmaan laban sa Diyos at sa sa kanyang hukbo.

At sinunggaban ang halimaw, kasama ang bulaang propeta... Ang dalawang ito ay inihagis nang buhay sa dagat-dagatang apoy. At ang kanilang hukbo ay pinatay sa talim ng espada ng Diyos... At ang lahat ng mga ibon ay nangabusog sa mga laman nila."

KaligtasanWhere stories live. Discover now