The Beginning

622K 12.9K 11.7K
                                    

The Beginning

Year 1970

Kumatok muna ako sa kwarto ni Ara bago ako pumasok. Pagkuwan ay binuksan ko ang pinto at humakbang papasok. Hayun sya at nakaupong nanunuklay kaharap ang salamin.

"S-seniorita, may kailangan po kayo?" nangangatog talaga ako sa tuwing makakaharap ko sya.

Hindi sya tumugon. Patuloy lang sya sa kanyang ginagawa. Baka hindi nya ako narinig kaya bahagya pa akong lumapit.

"S-seniorita Ara, ipinatawag nyo raw po ako?"

Huminto sya sa paghagod ng kanyang mahabang buhok. Kita ko sa repleksyon ng salamin na nakatingin sya sa akin.

Ngumiti sya. "Maaari nyo ho ba akong ilipat sa kama?" napakaamo talaga ng kanyang mukha. Parang anghel ang mukha ng batang ito bagamat may kaputlaan siya.

Mahinay ko syang pinangko at mula sa kanyang kinauupuan ay inilipat ko sya sa katreng ilang hakbang lamang ang layo sa amin. Hindi naman sya ganon kabigat sa edad nyang labing walong taong gulang. Payat kasi talaga si Ara.

"Salamat ho." Sabi nya pa sa akin nang mailapag ko na sya.

"M-may kailangan pa po ba kayo, Seniorita Ara?" nangangatal pa rin ako.

"Mayroon pa ho sana kung inyong mamarapatin."

"A-ano po iyon, Seniorita?" pinagpapawisan ako.

"Maaari nyo ho bang suklayan ang aking buhok?"

Napatango ako bago ko kunin ang suklay. Dali akong dumulog sa kanyang kinauupuan at agad ko syang sinuklayan pagkatapos.

Ano iyon? Bakit ganito ang amoy nya?

Malansa.

Masangsang.

Nakakaamoy ako ng -

-dugo!!!

"M-may ipag-uutos pa po ba kayo, Senorita?" tanong ko sa kanyamatapos ko syang suklayan ng buhok.

"Maaari nyo po bang kunin ang isang kahon sa ilalim ng aking kama?"

"M-masusunod po, Seniorita..." pagkasabi ko'y tumungo na ako at sinilip sa ilalim ng katreng kinauupuan nya ang kahon. Heto ito at hawak ko na. Ibinigay ko iyon sa kanya.

"Salamat ho." Nakangiti pa rin sa akin ang maganda nyang mukha.

"M-may ipag-uutos pa ho - " Napatigagal ako.

Napaatras ako.

Paano kasi'y -

-nagulat ako nang buksan nya ang kahong iyon.

Nagsalita muli si Ara ngunit hindi sya tumitingin sa akin. "Maaari nyo ho bang ibigay sa akin ang mga kuko nyo sa paa?"

"S-seniorita?" naluluha kong tanong.

Tumingin sya sa akin. Nakangiti ang kanyang maputlang labi gayon rin ang kaniyang misteryosang mga mata. "Maaari nyo ho bang ibigay sa akin ang mga kuko nyo sa paa?"

Nangingilabot ako! Natatakot ako! Ang batang ito -

--baliw ang batang ito! Demonya ang batang ito!

Hindi agad ako nakakilos. Masisiraan yata ako ng bait sa kanyang ipinag-uutos. Totoo ba ang narinig ko? Gusto nyang ibigay ko sa kanya ang mga kuko ko sa paa?

"Maaari nyo ho bang ibigay sa akin ang mga kuko nyo sa paa?" tanong nya ulit.

Awtomatikong kumilos ang aking katawan dala ng matinding kaba at dahan-dahan akong yumukod upang tungkabin ang mga kuko sa paa. Alam kong papatayin ako ni Emilio- ang ama ni Ara kapag hindi ko sya sinunod. Hindi ako maaaring mamatay. May pamilya pa akong binubuhay.

Humugot muna ako nang malalim na paghinga bago ko kinapitan ang aking kuko at buong lakas ko iyong hiniklat. Dinig ko ang napunit na laman nang humiwalay iyon sa aking balat at hapdi nang tuluyan ko na iyong natanggal.

Napaiyak ako. Isa pa lang ang natatanggal ko pero pakiramdam ko ang hihimatayin na ako sa sakit.

Siyam na kuko pa.

Ganun muli ang aking ginawa. Talsik ang ilang dugo sa aking mukha nang madamay na mapunit ang ibang lamang nakadikit sa buto ng aking daliri sa paa.

Kasabay ng luha ko ang pagpatak ng aking laway.

Diyos ko, walo pa! Walong kuko pa ang tatanggalin ko.

Akma ko nang tatanggalin ang isa ko pang kuko nang awatin nya ako. "Sapat na ho iyan."

Nakahinga ako nang maluwag.

Iniabot ko sa kanya ang dalawang kukong natanggal ko sa akin. "Salamat ho." Inilagay nya iyon sa loob ng kahon.

"M-may ipag-uutos pa po ba kayo, Seniorita?" nangangatog kong tanong.

Pumikit muna sya bago sumagot. Pagdilat nya, iba na ang kanyang mga mata. Mula sa anyong maamo ay nakakahindik na ito. "Maaari nyo ho bang ibigay sa akin ang inyong kanang -

--mata?"

"S-seniorita?" natutop ko ang aking sariling bibig.

"Maaari nyo ho bang ibigay sa akin ang inyong kanang mata?" gagad nyang tanong.

Napayuko ako at halos panawan ng ulirat mula sa kanyang ipinag-uutos. Paano ko susundin ang gusto nya? Paano ko iyon ibibigay sa kanya? Parang hindi ko kaya. Mamamatay ako kapag hindi ko sya sinunod.

"May problema ho ba sa aking ipinag-uutos?" untag nya sa akin.

Napapikit ako nang madiin bago ko sya tinugon. "M-masusunod po, Seniorita."

Mayamaya nga'y kinapa ko ang aking talukap at madiin kong dinukot ang aking mata. Napahiyaw ako. Napaluhod. Napahagulhol. Habol ko ang aking hininga. Damang-dama ko ang unti-unting pagpatid ng maliliit na ugat ng aking mata sa kalamnan nito.

Kapag hindi ko ito ginawa, papatayin ako ni Emilo - ito ang lagi kong iniisip. Mamamatay-tao kasi ang mga VillaVerde. Hindi lang ako ang papatayin nya. Pati ang pamilya kong nagtatrabaho rito sa mansyon, uubusin nya.

Sargo ang dugo sa aking mukha na nagmumula sa dinukot kong mata sa aking mukha. Nagdidilim ang paningin ng kaliwa kong mata. Nanghihina ang aking katawan na tila ba ako'y masusuka. Para na akong mababaliw. Kakaiba ang sakit na sumasaakin. Naiisip ko lang sa mga oras na iyon kung gaano ko kamahal ang pamilya ko... Ano ba ang mga mata ko kapalit ng kaligtasan ng aking mahal na pamilya?

Pagapang kong iniabot sa kanya iyon.

"Salamat ho." Kinuha nya iyon at inilagay muli sa loob ng hawak nyang kahon. Napaisip sya.

Parang nabasa ko na ang iniisip nya. Animo'y sinasabi ng kanyang ekpresyon na - may kulang pa sa koleksyon nya. Kinutuban na ako. Ngunit naglakas-loob pa rin akong nagtanong. "M-may ipag-uutos pa po ba kayo, S-seniorita?" halos hindi na ako makapagsalita.

Humarap sya sa akin. Madilim ang kanyang mukha. Pumaling iyon at sumungaw sa kanyang mga labi ang nakasisindak na pangngiti.

Sabi na nga ba, tama ang iniisip ko.

Sa loob kasi ng kahong iyon, may mga parte ng tao.

Mayroong daliri, paa, kamay, dila at may ulo.

Na mukhang ang ilang parte ko ang kukumpleto.

Umamo muli ang mukha ni Ara. "Maaari nyo ho bang ibigay sa akin ang inyong -

--ATAY???"

JAMILLEFUMAH

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 26, 2023 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

ARA 1970 (The Beginning)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon