PALASYO

5 0 0
                                    

Maituturing bang palasyo ang isang kubo sa dagat? Kumpara sa totoong palasyo malayong-malayo ito. Sapagka't tanging tubig lamang ang nakapalibot rito na umaabot sa loob ng bahay sa tuwing lumalaki ang tubig. Pinagtagpi-tagping mga retaso lamang ang nagsisilbing digding na pinapasok ng ulan sa tuwing lumalakas ang hangin.

Sabi nila may palasyo na para sa lahat pagkatapos ng misyon sa mundong ito. May palasyo ring para lang sa mga mayayaman.  Ngunit para sa aming magkapatid ito ang aming pansamantalang palasyo.

"Ate makulimlim ang kalangitan mukhang uulan na naman."

Napalingon ako kay Nelong nang marinig ko ang sinabi niya. Bakas ang pangamba sa kaniyang boses. Naglakad ako patungo sa kinaroroonan niya habang yakap ang sakong katatapos ko lang tahiin.

"Huwag kang mag-alala hindi na papasok ang ulan, gumawa na si ate ng paraan." Nakangiti kong tugon sa kaniya.

Ipinakita ko sa kanya ang isang pulgadang sako, sapat lang para matakpan ang kabuuan ng aming pinto. Kitang-kita ko kung paano nagnining ang kanyang mga mata nang makita ito.

"Siguradong mahimbing ang tulog natin mamaya." Tuwang-tuwa niyang saad.

Tinulungan niya akong ikabit ito sa aming pintuan na nakasarado. Pinagmasdan ko ang pitong taong gulang kong kapatid na si Nelong. Naaawa ako sa kanya, sa kalagayan naming dalawa. Hindi sapat ang kinikita ko sa pagtulong sa paglalabada ni Aleng Sita para makahanap ng bagong matitirahan. Malaki ang utang na loob namin kay Aleng Sita ng patirahin niya kami rito sa kabilang bahay. Delikado man ang lugar na ito para kay Nelong mas mabuti na ito kaysa magpalaboy-laboy kami sa kalsada.

"Ate pangako kapag ako nakapag-aral ibibili kita ng palasyo 'yong pangmayaman. Para hindi na tayo mababasa ng ulan kahit lumakas pa ang hangin," ani niya.

"Talaga? Pangako iyan ha?" Napaisip naman siya sa sagot ko.

"Opo ate, ako ang hari at ikaw ang reyna sa palasyo." Kumikislap pa ang kaniyang mga mata habang binibitawan niya ang mga katagang kumurot ng aking puso.

Tumalikod ako sa kaniya at pasimple kong pinunasan ang luhang tumulo sa aking pisngi. Ito ang nagsilbing palasyo naming magkapatid sa loob ng dalawang taon.

"Nena naghapunan na ba kayo?" Sabay kaming nagmadali ni Nelong sa kabilang pinto ng marinig namin ang boses ni Aleng Sita.

Nagmano kami kay Aleng Sita, nakangiti itong bumungad sa amin. Hindi maipagkakaila ang katandaan niya, sa wari ko ay nasa edad animnapu na ito. May iniabot itong maliit na mangkok kay Nelong na agad namang kinuha at nagpasalamat.

Nakatitig lang kami pareho ni Aleng Sita kay Nelong na bitbit ang mangkok na may laman na apat na pirasong tuyo. Nang makapasok si Nelong ay nagsalitang muli si Aleng Sita.

"Halos dalawang taon na rin kayo rito, ayaw mo pa rin bang hanapin ang mga kamag-anak niyo?" wika niya.

"Simula po noong pinagmalupitan nila kami at nakawin ang mga ari-arian na ipinundar ng aming mga magulang ay ipinangako ko sa sarili ko na ilalayo ko sa kanila si Nelong." Nakayuko kong tugon.

"Naawa lang ako sa bata, hindi ba't lumulubha rin ang kalagayan niya? Kung hindi siya maooperahan ay baka lumaki pa lalo ang butas ng kaniyang puso. Posibleng ikamatay niya ito." Tumulo na ang aking mga luha sa sinabi niya.

"Kaya nga po sinisikap kong makaipon para sa kaniyang operasyon. Bukas po maglalabing walo na po ako. Baka po makahanap na ako ng maayos na trabaho sa bayan," saad ko. Habang pinupunasan ang aking mga luha.

"Kung gano'n, magsabi ka lang kung kailangan niyo ng tulong. Pare-pareho tayong hirap sa buhay kaya sino pa ba ang magtutulungan." Pagkatapos niyang sabihin iyon ay nagpaalam na siya.

Noong labing lima pa lang ako hindi na ako makapag-antay na magdebu. Dahil 'yon ang araw na prinsesa ang turing sa iyo ng lahat. Mamahaling bestida, iba't-ibang regalo, masasarap na pagkain, kumpleto ang pamilya at mga kaibigan sa selebrasyon. Pero ngayon hindi ko na hinahangad iyon, imposibleng mangyari. Ang gusto ko lang ngayon ay makahanap ng maayos na trabaho at maipagamot ang kapatid ko.

Kinuha ko ang isang lata na puno ng papel at barya. Sa dalawang taon, kalahati ng kinikita ko ay inihuhulog ko rito at ang kalahati ay sapat lang para sa pagkain namin. Ngunit hindi pa rin ito sapat para maipagamot ko si Nelong. Simula pa lang noong ipinanganak siya alam na namin ang kalagayan niya. Kaya gano'n na lang ang pag-ingat sa kaniya ng aming mga magulang. Ang sabi pa noon ng doctor pwede lang isagawa ang operasyon pagtuntong niya sa edad na pito. Ngayong wala na sina ina at ama, gagawin ko ang lahat mapaopera lang siya.

"Ate gising may regalo ako sayo," ani niya.

Iminulat ko ang aking mata dahil sa narinig ko. Bumungad sa akin ang bilogan niyang mukha.

"Happy Birthday ate, I love you." Pagpapatuloy niya pa.

Nagtataka naman siyang nakatingin sa akin nang yakapin ko siyang basa na ang aking pisngi ng luha.

"Salamat bunso, ano nga pala ang regalo mo sa akin?" Panunukso ko sa kaniya.

Napakamot naman siya sa kaniyang ulo na parang nahihiya.

"Biro lang ate wala talaga akong regalo maliban sa pagmamahal. Hindi ba 'yon din ang regalo mo sa akin noong kaarawan ko. Kasi wala kang pera noon,  kaya pagmamahal din ang regalo ko kasi wala rin akong pera." Natawa na lang ako sa sinabi niya.

"Gano'n nga huwag mong kalilimutan na ang pagmamahal ang pinakamagandang regalo," sabi ko. Habang pinipisil ko ang ilong niya.

Alas diyes na ng umaga nang matapos kami ni Nelong magbihis. Balak kong isama siya ngayon sa bayan para makapasyal din. Kung gaano kami katagal dito gano'n din katagal na hindi ko siya isinama sa bayan. Hinawakan ko na ang kamay niya at nagsimula na kaming lumakad.

"Saan tayo pupunta ate?  Diba ang sabi mo sa akin noong kaarawan ko huwag akong lalabas dahil delikado. Bakit ngayon lalabas tayo diba birthday mo ngayon?" Pangungulit niya sa akin.

"Maghahanap kasi si ate ng trabaho roon, saka ayaw mo ba na makakapunta ka muli sa bayan?" sagot ko.

Ginulo ko ang buhok niya nang tanging tango lang ang isinukli niya sa akin. Hindi na siya nagtanong dahil abala siyang ilibot ang kaniyang paningin sa daan. Masaya ako ngayon dahil magkasama kami, natutuwa rin ako dahil labing walo na ako ngayon. Babalikan ko ang mga karenderya na ayaw akong tanggapin dahil wala pa ako sa tamang edad.

Nakarating kami na hindi namin ininda ang katirikan ng araw. Mga dalawampung minuto ang nilakad namin upang makarating sa bayan. Kung minsan ay nagpapahinga kami dahil makasasama sa kaniya ang sobrang pagod. May limampung piso naman ako sa bulsa pero imbes na ipasahe namin ay itinabi ko na lang para maibili ko siya ng sorbetes na matagal na niyang hinihiling sa akin.

"Wow ate andaming palasyo," untag niya.

Tuwang-tuwa sya sa mga gusali at pamilihan. Hinila ko siya sa bilihan ng sorbetes ng matanaw ko ito sa tabi ng kalsada.

"Diba gusto mo kumain ng malaking sorbetes?" tanong ko sa kaniya na ikinagulat niya.

"Talaga ate? May pera kang pambili?" Hindi maikukubli ang kasiyahan sa kaniyang mukha.

Huminto kami sa harap ng nagtitinda ng sorbetes. Abala akong magbayad nang hindi ko mapansing wala na pala siya sa aking tabi. Nakarinig na lang ako ng napakalakas na busina.

Lumandas sa aking kamay ang hawak kong sorbetes ng maalala si Nelong. Parang namanhid ang buo kong katawan dahil hindi ko ito maigalaw. Tanging mga sigawan na lang ang aking naririnig. Wala akong ibang nakikita kundi ang kapatid ko.

Nanginginig ang aking mga kamay na hinaplos ko ang mukha niya. Nakapikit ito at lumuluha, kitang-kita ko kung paano niya iniinda ang sakit na nararamdaman niya. Puno na rin ang mukha niya ng dugo dahil sa aking paghaplos sa mukha niya.

"Hihintayin kita Nelong sa palasyo kung saan hindi tayo makararanas pang muli ng kahirapan."

Ang huli kong saad bago ko tuluyang ipikit ang aking mga mata.

Wakas

PalasyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon