Liham

35 1 0
                                    

Hindi tayo close.
Kilala kita sa mukha pero hindi sa pangalan tulad ng iba pang ka-batch ko ng Highschool na hindi ko naman naging kaklase. Kaya noong nakita kita sa trabaho hindi ko alam kung pano magsisimula at sa mga oras na ito hindi ko maalala kung paano nga ba nagsimula.
Paano kita kinausap?
Anong unang tanong ko?
Sino ang unang lumapit?
Parang nagising na lang ako sa parte kung saan parang close na tayo.
Well, iyon ang nasa isip ko close na tayo.
Sabay umuwi, nagkukwentuhan tungkol sa trabahong nakakainis pero hindi maiwanan at tungkol sa girlfriend mo noon na malayo sa'yo at kung ano ano pa kaya nga ang alam ko close na tayo.
Dahil sa closeness na iyon nagkaroon ng mga pang aasar sa estado ng relasyon natin, baka daw di lang tayo close friends. Bale wala naman sa akin ang pang -aasar lalo na at alam ko naman ang totoo, kahit pa nga mga boss na natin ang nang -aasar tinatawanan ko lang at sinasabing friends lang tayo kaya nagulat ako nang parang bigla ka na lang lumayo.
Tanda ko ang araw na iyon, ikaw ang naka duty sa amin, bago ang take sinabi mo pa na sabay tayong umuwi, nag okay naman ako. Ilang saglit matapos ang trabaho, nag text ako sa'yo kung saan tayo magkikita, ang sagot mo nauna ka na hinahabol mo kasi ang MRT.
Tulad ng mga pang-aasar binalewala ko lang, pero parang nagiging madalas na. Nagsimula noong araw din na 'yon na medyo malala ang pang -aasar nila. Hindi ka na rin masyadong nag du-duty sa amin kaya lumayo na rin nang todo, pero kahit ganoon iniisip ko close pa rin tayo, inasar pa nga kita isang beses lalo na at may nalaman akong chismis na may pinopormahan kang bago, natuwa ako kasi alam ko na nasaktan ka sa unang nobya mo.
Isang araw, nalimutan ko na kung ano ang ginawa ko pero doon ko nasabi sa sarili ko, "ah okay mukhang nilalayuan niya ako" kaya tumigil na din ako.
Dumating ang araw ng pag-alis ko sa trabaho, nagkataong ikaw ang duty sa huling shoot ko. Niyakap pa kita noon at sinabing mami-miss kita. Hindi ka pa makapaniwala, kaya sinabi mo sa akin sabay tayong umuwi. Nagulat ako, pero naalala ko baka gusto mo lang ng kwento. Pero dahil sa wala na yung closeness noon, tumanggi ako at sinabing may gagawin kahit ang totoo wala.
Aaminin ko, noong mga panahon na sabay tayo umuuwi minsan kinilig ako. Tanda ko ang di sinasadyang pagtulog mo sa balikat ko. Yung mga text, mga messages sa messenger, mga selfie kasama ang alak. Pakiramdam ko kahit sinong hopeless romantic na tulad ko kikiligin.
Minahal ba kita?
Nagkagusto ba ako sa'yo?
Hindi ko alam pero masaya ako sa pagkakaibigan natin noon, noong close pa tayo.
Nasaktan ako, hindi dahil hindi tayo lumagpas sa "close friends" kung hindi dahil kahit kailan hindi pala tayo nakaabot doon. Hindi mo kinaya ang simpleng pang-aasar na kaya namang tawanan lang at sagutin na hindi iyon totoo.
Iyon ang masakit na kahit sa huli
Hindi tayo close.

CLOSE-sureWhere stories live. Discover now