Bilang 19 - Pagpihit

25 16 0
                                    

PAGPIHIT

Damang-dama ang init,
Nang simulang ipihit,
Ang pindutang papatay,
Sa sakit ng taong nakahimlay.

Sakit na bigla na lang niyang nakuha,
Sakit na sa kaniya ay nagpatumba,
Sa isang doktor na inalay ang buhay para sa bayan,
Sa taong nagmalasakit sa sangkatauhan.

Suot-suot nito ang maskara sa bibig,
Balot na balot ng kapa at tumayo ng matindig,
Walang takot na susuungin ang 'di makitang sakit,
Dahil handa siya sa tao magmalasakit.

Pilit na maghuhugas ng kamay,
Sa tuwing uuwi siya ng bahay,
Huhubarin ang proteksiyong suot,
Na kanina ay ginamit niya sa panggagamot.

Gustuhin mang mayakap ang kan'yang anak,
Ngunit hindi maaari upang siya ay 'di mapahamak,
Hindi niya papayagang anak ay mahawa,
Hindi siya papayag na ako ay mawala.

Aking ina isa ka nang kandilang natutunaw,
Katawa'y unti-unti nang nalulusaw,
Nanunuot na ang init sa mga buto mo,
Hanggang sa naging marupok at natupok na ito.

Itinigil na ang pagpihit,
Hindi na nararamdaman ang init,
Katawang lupa mo'y pinasok sa marmol na hugis tubo,
At malamig na nang iabot sakin ito.

Yakap yakap ko ang marmol,
At hindi ko na napigilan ang paghagulgol,
Ang inang sinasaluduhan ko,
Ay isa nang malamig na abo.

Magsusuot ako ng maskara sa bibig,
Magbabalot ng kapa at tatayo- titindig,
Hindi matatakot na susuungin ang 'di makitang sakit,
Dahil gaya ng aking ina, nais ko ring magmalasakit.

Ako ang magpapatuloy ng kanyang sinimulan,
Tutulungan ko ang mga taong nahawaan,
Dahil ako'y nangako sa iyo,
Babangon tayo at babalik sa dati ang mundo.

_

Nepenthe's || A Poetry Anthology Where stories live. Discover now