“Hindi ibig sabihin na binago ko ang takbo ng istoryang gusto mo ay hindi na ako ang para sa’yo!” Kitang kita niya ang sakit na dulot niya sa mga mata nito. Ngunit hindi oras para magpatalo. “Hindi mo naiintindihan Lindon! At kahit kailan hindi mo ako maiintindihan.” Nanghihina na siyang sumagot. Gusto pa niyang ipagtanggol ang sarili pero alam naman niyang may isasagot ito sa lahat ng katwiran niya. Iyakin siya pero sa mga oras na iyon ayaw pumatak ng mga luha niya. “Kaya kong intindihin ang lahat sa’yo. Pero sana bigyan mo ako ng pagkakataong mahalin ka sa paraang kaya ko.” Sambit nito kasabay ng mahigpit na pagyakap sa kaniya.