Sa taong 2521, ang dating Pilipinas na hikahos sa hirap ay isa nang mayamang bansang kasalukuyang kilala sa pangalang Maharlika. Ito na ang nangunguna sa mga karatig na bansa sa Asya, subalit kapalit ng kaginhawaang tinatamasa ng lahat ay ang pagkawala ng demokrasyang ilang siglong iningatan sa bansa at ang malupit na sistemang naghahati sa mga mamamayan batay sa antas ng pamumuhay nila: ang "Taguri". Bagama't hindi makatarungan ang sistema, dahil natutugunan naman ang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga mamamayan ay tikom ang lahat. Lahat maliban sa isa. Si Karlos. Ayaw niya sa pamamalakad ng monarkiya, lalo pa't ito ang dahilan kung bakit kailangan pa nilang magtagpo nang patago ng nobyang si Yvette. Pakiramdam niya, hindi na naging patas ang pagtrato sa mga tao-sa mga katulad niya-simula nang ipatupad ang sistema. At ang mapait na nakaraang sinapit ng mga mahal niya sa buhay ang lalong nagtulak sa kaniya para kamuhian ang mga dugong bughaw. Hanggang sa maganap ang hindi inaasahan, isang kaganapang maglalagay sa kaniya sa isang sitwasyong mahirap nang lusutan. Sa isang iglap lang ay nasa palasyo na siya, ang lugar kung saan nakatira ang mga taong kinamumuhian niya. Handa na ba siyang tanggapin ang kapalaran niya? O ipaglalaban niya kung ano ang nais niyang wakas ng kaniyang kuwento hanggang sa dulo?