WG LYNETTE - Part 7

1.5K 41 4
                                        

ISANG simpleng kasalan ang idinaos kinabukasan. Bandang alas nueve ay nagpunta sila sa city hall at mismong mayor ang nagkasal sa kanyang papa at kay Gina. Suot niya ang isa sa bestidang binili nito. At ganoon na lang ang tuwa ni Gina nang makitang suot niya iyon.

"Talagang bagay na bagay sa iyo, Lynette. Dalagang-dalaga na ang itsura mo," sinserong papuri nito. Tapos na ang kasalan at palabas na sila ng city hall. Ang kanyang papa ay nahuhuli pa sa paglakad dahil tinatanggap pa nito ang mga pagbati ng mga kakilala sa lugar na iyon.

"Thank you po."

"Kapag nakita ka ng mga bisita mamayang pag-uwi natin, baka hindi pa man ay pumila na kay Tito Camilo ang mga manliligaw mo," sabad naman ni Dominic. "Ilang taon ka na , Lynette?"

"Magsi-sixteen."

"Sweet sixteen," sambit nito at tinitigan siya. "Mag-iingat ka lang sa pagpili, ha? Kahit mga kabataang lalaki ngayon ay magaling na ring mambola. Hayaan mo, ako ang magiging guwardiya mo. Kilala ko naman ang halos lahat ng taga-rito. Ako ang magsasabi sa iyo kung good catch ang isang lalaki o hindi."

"Guwardiya, ikaw?" ani Gina. "Baka naman bantay-salakay ka, Dominic? Ako mismo ang makakalaban mo."

"Tita naman," ani Dominic. "Concern lang ako kay Lynette."

Umungol si Gina. "Parang ako na rin ang nagpalaki sa iyo, Dominic. Kilala kita, matinik ka sa mga babae. Huwag mong tataluhin si Lynette. Malulumpo ka sa akin," banta pa nito.

Tahimik lang si Lynette. Hindi niya alam kung dapat niyang ikatuwa o hindi ang narinig.

"Hija, kayo na ni Dominic ang magsabay sa kotse," habol sa kanila ng papa niya. "Siguro naman ay maiintindihan mo kung gusto naming magsolo ng Tita Gina mo kahit iyong pabalik man lang tayo sa bahay," nangingiting sabi nito. "Totoong mag-asawa na kami ngayon. Legal na legal na."

Napangiti din naman siya. "Wala pong problema, Papa."

Kanina patungong city hall ay silang tatlo ang magkakasama sa sasakyan. Si Dominic ay sumunod lamang sa kanila upang dumalo din sa simpleng seremonya.

At ngayong magiging solo din nila ni Dominic ang kotse nito ay nakadama siya ng tuwa. Ang totoo ay mas lamang ang kilig kaysa tuwa. Nag-iingat nga lamang siyang itago ang damdamin niyang iyon dahil ayaw niyang mapahiya sa binata.

Pagsakay nila ng kotse ay inalalayan pa siya nito. Pigil na pigil niya ang sarili na kiligin. Sa harapan siya mauupo siyempre pa. Hindi niya maiwasang mangarap na kunwari ay girlfriend siya ng binata.

Subalit nasira din ang nadarama niyang kilig. Naalala niyang may girlfriend nga pala si Dominic. Hanggang sa lumigid sa kabilang panig ng sasakyan ang binata ay hindi na siya kumibo pa.

"Lynette, okay lang ba sa iyo kung hindi tayo agad susunod na umuwi sa bahay?" tanong nito sa kanya.

"Bakit?" nagulat na tanong niya. Hindi niya alam kung kakabahan o matatakot.

"Alam kasi ni Corrine na ngayon ang kasal nina Tita Gina at Tito Camilo. Actually, pinaimbita naman talaga siya nina Tito. Ang gusto ni Corrine ay daanan ko siya sa kanila para dumalo sa inihandang salu-salo. Ano, okay lang ba sa iyo?"

Wedding Girls Series 18 - LynetteWhere stories live. Discover now