•••

195 2 0
                                    


Dali-daling isinuot ni Maristella ang kaniyang salamin. Dinampot agad niya ang susi ng kaniyang sasakyan at nagmamadaling lumabas. Hindi alintana ang malamig na simoy ng hangin na dumadampi sa kaniyang balat. Mabilis niyang iminaniobra ang sasakyan at nagmaneho. Inilabas niya ang cellphone mula sa kaniyang bulsa at tinitigan ang mensaheng natanggap.

‘Are u still up? I wanna be wasted tonight lol u know where to find me :>’


Muli niyang isinilid ito sa kaniyang bulsa. Napabuntong-hininga siya nang malalim at kinagat ang sariling labi. Pinaharurot niya ang minamaneho papunta sa lugar na tinutukoy nito.

Lagpas hatinggabi na kaya mas mabilis siyang nakarating. Muli siyang nagpakawala ng isang malalim na buntong-hininga bago tuluyang lumabas ng kotse.

Natanaw niya mula sa ‘di kalayuan ang pamilyar na pigura ng babae. Naglakad siya palapit dito habang pinagmasdan ang kaniyang bawat galaw.

Sinalubong niya ang malamig na ihip ng hangin at hinayaang guluhin nito ang kaniyang buhok. Tanging tunog ng paghampas ng mga alon ang namayani. Parehas lamang silang nakamasid. Nagpapakiramdaman.

Dahan-dahang niyang nilingon ang katabi. Nakatingin pa rin ito sa malayo. Nabaling ang tingin niya sa boteng hawak nito. Akmang kukunin niya ito ngunit mabilis na nilagok ni Patricia ang natitirang laman ng bote. Nang maubos ang laman ay basta na lamang itong nahiga sa buhanginan.

“Tumayo ka,” mahinahong sambit niya at sinubukang itayo ang kasama. Kumunot ang noo niya nang mapansin ang mahinang paghikbi nito.

“Nakakapagod na, Stell. Ubos na ubos na ako sa lahat ng ‘to...” halos pumiyok na sambit niya habang dumadaloy ang luha sa magkabilang pisngi. May kung anong kumirot sa puso ni Maristella. Mariin siyang napapikit. Pinipigilan ang sariling maiyak. Muli siyang lumapit at saka ikinulong ito sa kaniyang mga bisig. Walang salita’ng namutawi sa kanilang mga bibig. Sapat na ang init at higpit ng kanilang yakap upang maiparamdam sa isa’t isa ang hindi kayang bigkasin ng puso’t isipan.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Feb 24, 2021 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

TAHANAN (one-shot compilation)Where stories live. Discover now