1

10 3 0
                                    

Malalim na ang gabi pero hindi naman iyon iniisip. Sa mga sandaling ito tanging pag-indak sa plaza ang siyang nasa isip namin.

"Rosalita!" tawag sa akin ng pamiltar na boses mula sa pangkat ng mga kababaihan. Ang malalaki niqlang perlas na hikaw ay kumikislap dulot ng ilaw.

"Kayo pala 'yan, Baleng", sabi ko.

Siya lang ang kilala ko sa mga ito dahil kamag-aral ko ang isang ito. Kilala siya bilang maganda at matalinong babae. Wala ako sa kalingkingan niya kaya hindi ako madalas makipaghuntahan sa kanya.

"Nasaan 'yung parati mong kasama?" Luminga siya sa aking likuran.

Madalas kong isama ang pinsan kong si Tonyo kapag may ganitong sayawan. Mahilig kasi ang isang iyon sa pag-indak pero ngayon ay lumiban muna dahil siya ay nagkasakit. Ang sabi ng magulang niya ay natikbalang raw ang anak nila dahil sa pangangahoy nito kailan lang.

"Wala siya ngayon. Nagkasakit", matipid kong sagot.

Hindi ko alam kung anong meron sa kanila ni Baleng. Noong tinanong ko si Tonyo tungkol sa kanilang dalawa ay sinabi niyang wala naman. Pero sa palagay ko ay meron madalas kasing isayaw ni Tonyo ang napakagandang dilag na ito.

"Sige, maiwan na kita." Tinapik niya ang braso ko bago pumunta sa iba pa niyang kakilala.

Humagikhik ang ilang babae ng may lalaking agaw eksena ang pumagitna sa sayawan pero hindi siya ang napansin ko.

Kilala ko siya bilang babaero sa aming eskwelahan kaya hindi niya makukuha ang atensyon ko. Dati ay nanligaw siya sa akin pero ng lumaon ay nalaman kong may kasintahan pala siya. Mabuti na lang at mapagtimpi ako kaya hindi sampal ang inabot niya. Dahil sa kung sa ibang babae bukod pa roon ang kanyang malalasap.

Ang lalaking matangkad, malaki ang katawan at porselana ang balat ang siyang napansin ko. Nag-iisa siya sa sulok habang nainom. Parang walang ibang nakakakita sa kanya bukod sa akin.

Tinitigan ko siyang maigi at kusang kumurba ang ngiti sa labi ko ng mapansin kong idolo niya yata si Patrick Garcia dahil sa istilo ng kanyang buhok.0

Habang nagsasayaw ako ay ilang minuto akong nakatitig sa kanya.

May ilang mga lalaki ang tumawag ng pansin ko pero wala silang nagawa kung hindi ang maghanap na lang ng ibang babaeng pwede nilang isayaw.

Kahit anong tugtog pang magkasintahan man o hindi ay sinasabayan ko.

Uupo na sana ako dahil naramdaman ko ang pagkangalay ng aking mga hita pero awtomatikong nawala iyon dahil 214 ng Rivermaya ang siyang tumugtog. Ang bagong kanta nila na kakalabas lang nu'ng nakaraang buwan.

Luminga-linga ako sa paligid pero lahat pala ng kalalakihan ay may sari-sariling kasayaw. Yumuko ako at babalik na sana sa hanay ng mga upuan pero ng nakita ko ang kung kaninong palad ay agad akong tumingala.

Napagtanto kong mas gwapo pala siya kapag malapitan. Ang kamisetang planela nitong kulay bughaw at pantalon na sira-sira ay bagay na bagay sa kanya.

"Gusto mo bang sumabay sa saliw ng kanta?", tanong nito. Ang ngiti niya ay parang abot-langit.

Tumindig ang balahibo ko ng kinulong niya ang maliliit kong daliri sa malaki niyang palad.

"Oo naman." Malaki ang ngiti ko sa estranghero ito. Pakiramdam ko ay matagal ko na siyang kilala. Pero lingid sa kaalaman ko ay isa siyang dayuhan.

Wala naman akong pakialam sa bagay na iyon. Mukha naman siyang mabait at maginoo.

Hinapit niya ang bewang ko habang sumasabay sa saliw ng kanta. Hindi ko maiwasan na mapatitig ng matagal sa kanyang mukha. Para siyang isang lalaki na pininta ng isang magaling na artist.

Lumalim ang paghinga ko ng magtagpo ang mga mata namin. Halos habulin ko ang aking hininga. Aatikihin yata ako sa puso.

Binaling ko ang aking tingin sa bilog na buwan. Malalim na ang gabi tiyak na mapapagalitan ako ni Inay pero bahala na. Isang galit lang naman iyon kaya lulubusin ko na ito saka minsan lang sa tana ng buhay ko ang makasayaw ng ganitong ka-gwapong lalaki.

Sumaring sa isip ko na tanungin ang isang bagay pero may pumipigil sa akin.

"May nais ka bang itanong, Binibini?"

Tila yata ako na windang sa baritonong boses nito.

"Huwag mo sanang masamain pero saan ka nakatira?"

Nang matapos ang kanta ay bumitiw kami sa isa't-isa. Inalalayan niya kong umupo. Tumabi siya sa akin. Ginawa niyang pangtaklob ang puti niyang panyo sa aking tuhod. Maliit kasi ang bestidang suot ko ngayon. Damit ito ng pinsan kong si Nena na mas bata sa akin.

"Sa Barangay ng Kues ako nakatira"

Kaya pala hindi ko siya malimit makita.

"Saan nga pala iyon?"

Tinuro niya gamit ang nguso ang lugar. "Basta du'n lang. Sasakay ka lang ng tricyle mula rito"

Kumamot ako sa ulo. Halos ang lahat ng baranggay rito ay nalibot ko na kaya nagtataka ako kung bakit hindi ako pamilyar kung saan iyon.

"Minsan ay pwede kang sumama sa akin"

Nanlaki ang mga mata ko. Agad ko bang nakuha ang tiwala niya, o nagandahan siya sa aking mukha?

Siguro nga ay tama si Nena kailangan kong matuto na maglagay ng kolorete sa mukha upang makabingwit ako ng maginoo at gwapong lalaki ng katulad ng nasa harap ko.

Tumayo siya tila aalis na dahil sa pag-ayos niya ng buton sa damit nito.

"Bago ko makalimutan. Ano nga palang pangalan mo?"

"Rosalita Escubar..."

"Kasing ganda mo ang iyong ngalan." Hinalikan niya ang aking kamay.

Uminit ang pisngi ko. Kung ibang lalaki siya ay tiyak na baka sinampal ko siya.

"Salamat. Masyadong matamis ang pagbitiw mo ng salita." Ngumiti ako at tinago ang maliit kong ngiti sa abaniko kong hawak.

Hindi naman siya sumagot sa sinabi ko. Nahiya yata siya dahil sa yumuko siya sandali.

Nilagay niya ang isa niyang kamay sa bulsa. "Binibini, aalis na ko"

Kumuway siya bago tuluyang nawala sa dilim sa pagitan ng malalaking poste at puno sa daan.

Nang nawala siya sa aking paningin du'n ko lang napagtanto na hindi ko naitanong ang pangalan niya.

Pag-uwi ko sa aming tahanan ay muntik pa kong mauntog dahil okupado ang isip ko kung bakit nga ba nawala sa isip ko ang itanong 'yun.

"Rosalita! Hindi ba't sinabi ko ay alas-nueve ng gabi ay uuwi ka na!"

Sinapo ko ang aking noo ng makita si Inay sa harap ko. Sana pala ay nagmadali akong naglakad paitaas ng hagdanan.

"Inay, wala namang masama sa pagsasaya. Saka maganda naman ang grado ko."

Madalas kong banggitin sa kanya iyon dahil ang usapan namin ay hindi niya ko pagbabawalan sa mga bagay kung mataas ang grado ko.

"Nagdahilan ka pang bata ka. Wala kang kasabay pauwi. Paano na lang kung may taong masama ang intensyon ang nakasalubong mo?"

Kumunot ang noo ni Inay. Ang singkit niyang mga mata ay lalo pang sumingkit. Sinalubong ko siya ng yakap at hinagkan sa pisngi.

"Alam ko iyon, Inay. O, siya patawad. Bukas na lang tayo mag-usap. Dinadalaw na ko ng antok"

Hindi naman nakaimik si Inay kung kaya't wala siyang nagawa kung hindi isarado ang pinto.

Si Nena ay nadatnan kong natutulog sa aking kama. Tuwing wala kasing pasok ay nandito siya. Sa katunayan ay kaututan ko siyang dila.

"Magkwento ka sa akin bukas." Muntik akong mapatalon sa gulat ng nagsalita siya.

"Aatakahin naman ako sa puso ng dahil sa'yo." Hawak ko ang aking dibdib.

"Hay, nako! Bukas ay magkwento ka talaga sa akin!"

Alam niya naman na tuwing may sayawan ay may nakilala akong lalaki pero ngayon ay iba kaya natulog akong may galak sa aking puso.

Sa Saliw ng Kanta (Completed)Tempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang