'Di Mahabol

57K 3.3K 711
                                    


Ang bilis mong maglakad. Pwede bang pakibagalan mo ng kaunti para makasabay kita? Hindi kita mahabul-habol, ni hindi ka man lang lumilingon. "Hoy. Saglit." Kung hindi pa ko nagsalita hindi ka hihinto. Sawakas lumingon ka, tumambad ang maaliwalas mong mukha, nasilayan ko ang mga matang kay tulis kung tumitig, at labing makapal na nag-aanyayang dampian.

"Oh?" tila bagut na bagot ka na, halos dalawang oras na kasi tayong naglilibot dito sa mall, nag-aaksaya ng oras. Nang makalapit ako sa'yo, nagsimula ka na namang maglakad, maglakad na parang walang kasama, pinipilit kong makasabay ka, malalaking hakbang na yung ginagawa ko pero naiiwan pa rin ako sa likuran mo.

Hinayaan ko na lang yung sarili ko na maglakad sa likuran mo, sinusundan ka lang, pero hindi mo alam kung gaano ako kasaya nang pumayag ka na samahan ako ngayon. Wala namang espesyal ngayong araw na 'to, pulang-pula ang ambiance, ang dami lang namang nagkalat na puso sa paligid, mga love birds na nakadapo kung saan-saan, pero para sa'kin ordinaryong araw lang 'to―ordinaryong araw kasama ka.

Hindi ko rin alam kung bakit ka pumayag, hindi ko rin maintindihan kung bakit nga ba talaga kita niyaya. Siguro dahil nalulungkot ako, o nalulungkot ka rin kaya ka pumayag. Tropa nga pala kasi tayo, walang iwanan.

"Leng," nagulat ako kasi bigla kang lumingon at tinawag ang pangalan ko. "Kain tayo, nagugutom ako."

"Na naman?" kanina pa tayo kumakain, tapos nagyayaya ka na namang kumain? Hindi naman ako nakatanggi sa'yo, malakas ka sa'kin eh. Dito tayo sa fast food pumunta, mag-aalasingko na pala ng hapon, umorder ka, libre ko, inubos natin yung meal na pang apat na tao, nagtawanan, nagkwentuhan, nagpicture-an, lumamon, nagkwentuhan ulit. Naubos yung isang oras na ganon lang. Napasaya mo 'ko, napasaya rin ba kita?

Katahimikan. Tiningnan kita, abala ka sa cellphone mo, may katext ka 'ata, hindi ka kasi nagsasalita at panay ang tipa mo. Nabobored ka na siguro. Hindi ko alam kung anong sasabihin, hindi ko alam kung paano itatanong kung bakit ka pumayag ngayon, ibig ba sabihin may pag-asa tayo? Hindi ko rin alam kung paano sisimulan, pwede bang tayo na lang?

"Kiko." Tawag ko sa'yo, napatingin ka sa'kin at parang muntik ng makalimutan na may kasama. "Mag-sisix na, uwi na 'ko." aaminin ko, gusto kong pigilan mo 'ko, sabihing 'wag muna.

"Sige. Hatid na kita sa sakayan." Ngumiti ako, sa hindi malaman na dahilan bigla akong kinabahan. Sasabin ko na ba sa'yo? Sinamahan mo 'ko hanggang sa terminal, hinawakan kita sa balikat para masabayan ka sa paglalakad, hinawakan mo rin yung likod ng bag ko. Hindi ako kumikibo habang naglalakad, ikaw naman hawak mo pa rin yung cellphone mo.

 "Oy, Leng, ingat ka." Paalam mo nang marating na natin yung terminal, "Babye!" sabay talikod at naglakad ka paalis. Nanatili lang akong nakatayo, tinatanaw ang likuran mo, tinatanaw ka palayo. Sasabihin ko na. Sasabihin ko na talaga sa'yo.

Hinabol kita, ang bilis mo talagang maglakad, kahit na madaming tao na halos makabunggo ko, wala akong pakialam. Sa totoo lang... nakakapagod ka ng habulin. Lumiko ka sa isang kanto, lumiko rin ako, nakita kita, nakatayo sa harapan ng isang bookstore, lalapitan sana kita para masabi ko na sa'yo yung dahilan kung bakit kita niyaya ngayong araw―at para rin makakuha ng sagot kung bakit ka pumayag.

Tsaka ko lang napagtanto, bago pa kita malapitan, may hinihintay ka pala. Dumating siya, masayang kinawit ang kamay sa braso mo, naglakad kayo paalis, magkasabay, magkahawak kamay.

Nakuha ko na yung sagot kahit na hindi kita tinanong. Kung bakit? Bakit ka pumayag na samahan ako ngayong araw? Kasi nga kaibigan mo lang ako. At kahit kailan hinding hindi kita mahahabol, hindi kita masasabayan sa paglalakad.


WAKAS


-xxx-


A/N: Anong kwentong friendzone mo?

'Di Mahabol  (Maikling Kwento)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon