Parallel Lines

83 12 20
                                    

The rain always reminded me of you.

Umuulan noong araw na una at huli kitang nakita.

Pinagmasdan ko ang mga patak ng ulan sa bintana. Tatlong taon. Akala ko nawala na—na hindi na masakit...ngunit tuwing ganitong panahon, napapaisip nalang ako sa mga pangyayari—sa mga desisyon na kung pinili ko sana...

"Asaan ka na, Elliot?" Halos ilayo ko sa tenga ko ang cellphone matapos sagutin ang tawag rito. "Akala ko pupunta ka sa birthday ni Ellie?"

"Umuulan," sagot ko. "Wala akong masakyan."

"Hindi ka na nga pumunta last year at  bago no'n, punta ka naman ngayon."

Ibinaba ko ang telepono saka bumuntong hininga. Hindi sigurado kung pupunta ba ako sa pagdiriwang ng kaarawan mo. 

Nakasanayan na kasi nating magkakaklase na may munting reunion tuwing kaarawan mo. Lalong naging reunion iyon mula noong grumaduate tayo ng Senior High. 

Mula noong graduation, hindi na ako muling pumunta sa kaarawan mo. Hindi na ako nagpakita. Ang kapal naman ng mukha ko kung bigla nalang akong sumulpot doon, matapos ng ginawa ko sa 'yo, 'di ba?

Malapit tayong magkaibigan mula noong umpisa ng Highschool. Best friends. Lagi kitang inaasar at lagi ka ring pikon sa mga pinagagawa ko sa 'yong kalokohan. 

Lumipas ang ilang taon, andoon parin ang asaran, ngunit mas naging malapit tayo. Tuwing may mangyayari sa akin, maganda man o hindi, lagi kong nahuhuli ang sarili ko na nagsusumbong sa iyo...at gano'n ka rin sa akin.

Ngunit hanggang doon nalang iyon. 

Malapit tayo noon, oo. Pero kahit gaano tayo kalapit sa isa't isa bilang magkaibigan, may ilang sentimetro tayong hindi nilalampasan. May distansya na hinding hindi natin maisasara.

Hindi ko alam kung sino ang naglagay ng distansyang iyon. Kung ikaw ba dahil hanggang doon lang ang nararamdaman mo sa akin...o ako ba, dahil natakot ako sa 'yo.

Natakot ako sa nararamdaman ko. Nag-umpisa akong makapansin ng mga maliliit na bagay. Lalo noong graduation natin ng Senior HIghschool.

"Baliw, bakit ka umiiyak?" Naalala kong tanong mo sa akin matapos tayong kumanta ng graduation song. Tinawanan mo pa nga ako dahil magkikita pa naman tayong magkakaklase sa darating mong debut.

Ngunit hindi iyon ang iniiyakan ko noong araw na 'yon. Umiyak ako dahil doon ko napagtanto kung gaano kita kamahal—at kung gaano ako hindi karapat-dapat sa isang katulad mo. Kung gaano tayo magkaiba sa buhay.

Ikaw na mataas ang mararating, ikaw na may maliwanag na kinabukasang nag-aantay sa kolehiyo, at mga taon pagkatapos noon...ikaw na may direksyon sa buhay.

Napagtanto ko noong araw na iyon na hindi kita maabot sa kasalukuyan kong estado. Kumpara sa 'yo, wala pa akong plano sa buhay ko. Hindi ko rin alam anong kurso o trabaho ang gusto kong kunin. At higit sa lahat, puro ako bisyo at kalokohan.

Kaya napagdesisyunan kong lumayo muna. Ayusin ang sarili at buhay ko. Umaasa na sa susunod na pagkikita natin balang araw, may ipagmamalaki na akong nakamit ko.  O kaya umaasa na sa tagal ng panahon, makakalimutan ko rin ang mga nararamdaman ko para sa 'yo.

Kaya naman, noong dumating ang debut mo, sinubukan kong umakto na ayos lang lahat. Isinayaw kita, binigyan ng ika-huling rosas, at tuluyan nang hindi nagparamdam pa.

Ngunit hindi pala ganoon kadali iyon. 

Bagong siyudad at bagong mga tao ang nakakasalamuha ko, ngunit tuwing may mangyayaring masama at masaya, pigil na pigil akong buksan ang cellphone ko at i-message ka. 

Hindi pa nagtatapos doon iyong pag-iwas ko sa 'yo. May mga pagkakataong ikaw ang nagme-message sa akin, humihingi ng oras sa akin, dahil hindi mo na kaya ang bigat ng nararamdaman mo — mga araw na kailangan mo ng kausap. Tinatanong kung may nagawa ka bang kasalanan o iniiwasan ba kita.

 Pero hindi kita pinakinggan, mas pinakinggan ko ang pride ko.

Hanggang sa tuluyan na ring nawala ang mga mensahe mo. Nahabol kaagad ako ng karma ng mga pinag-gagawa kong pag-iwas sa 'yo. 

Siguro napagod ka na rin. Sinasabi ko sa 'yo na ayos lang at magkaibigan parin naman tayo, ngunit sa tono ng mga mensahe ko at mga pagwalang bahala ko sa mga mensahe mo, siguro ay naramdaman mo na may mali. Ayaw ko lang sabihin sa 'yo.

Ayaw kong sabihin dahil ano ba namang sasabihin kong dahilan? Ni hindi mo nga alam na may gusto ako sa 'yo. Kaya tinuloy tuloy ko nalang itong pag-iwas ko sa 'yo.

Kahit na deep inside, gusong gusto kong magkwento sa 'yo at makinig sa mga kwento mo...kagaya noon.

"Asaan ka na, Elliot?" Rinig kong tanong ng kaklase ko sa kabilang linya ng tawag. "Pupunta ka pa ba?"

Napatigil ako sa paglalakad. Mahigpit kong hinawakan ang handle ng payong saka alanganing lumingon sa kaliwa, kung nasaan ang bahay ninyo. Oras na siguro para umamin, wala na akong pakialam. Hindi ko na kayang pigilan ang nararamdaman ko.

Pero...

Halos mabitawan ko ang payong sa senaryong nakita ko sa bintana. Masaya kayong lahat, kinakantahan ka ng mga kaklase natin, humiling sa cake, saka hinipan ito. 

Ngunit lalong naghiyawan ang lahat nang akbayan ka ng katabi mong lalaki, sabay halik sa pisngi mo—dahilan upang mamula ang mukha mo ng tuluyan. 

"Hindi ako pupunta," sagot ko sa telepono. "Pakisabi nalang kay Ellie, Happy Birthday."

Parallel LinesWhere stories live. Discover now