Kabanata 8: ang kontrata ni Alister

8.5K 260 14
                                    

MALAKAS na humalakhak ang may-ari ng tinig.

"Huminahon ka, Ismael. Hindi ba't ikaw pa mismo ang nagpagawa ng nitsong tinitignan mo ngayon? Ang akala ko ay talagang natanggap mo na ang iyong kamatayan. Nagtatapang tapangan ka nga lang pala. Tsk, tsk, tsk.  Natalo tuloy ako sa pustahan namin ng mga kaibigan ko." Reklamo ng lalaking may dilaw na mata.

"S-sino ka?" Sa wakas ay naisatinig na tanong ni Ismael.

"Kaibigan mo, Ismael. Isang kaibigang handang tumulong sa'yo." Malambing ang himig nito ngunit tuso ang pagkakangiti.

"Ano'ng tulong ang sinasabi mo? At ano ang kapalit, ang aking kaluluwa? Hah! Masyado nang luma ang estilo mo, dimonyo ka!" Buong tapang na sagot ni Ismael.

Malakas ang naging pagtawa ni Alister sa matalas na isip ng kaharap. "Bumaba ang ranggo ko sa impyerno dahil natalo ako sa pagpusta sa'yo. Gusto ko lang bumawi, kaya inaalok kita ng tulong. Subalit kung ayaw mo ay hindi kita pipilitin." Pagkukunwari ni Alister. Naisip gamitan ng ibang estilo ang mautak na lalaki.

Dahil sa paliwanag na narinig ay nag-dalawang isip si Ismael. Nagkainteres itong alamin ang sinasabi ng kausap. "A-ano ang ibig mong sabihin?"

Lihim na napangiti si Alister. Kaunting panlalansi na lang at makukuha na niya ang gusto. "Kung magagawa mong patuloy na mahalin ang iyong asawa kahit hindi ka mamatay sa sakit ay mananalo ako. Mababalik ako sa aking pwesto at ang kaluluwa mo ay iyo pa rin. Pareho tayong panalo."

Napangiti si Ismael sa narinig. Walang mahirap sa sinasabi nito. Mahal na mahal niya ang asawang si Josefina kaya nga ayaw pa niyang mamatay. Nais niyang makasama ito nang matagal. Nais niyang maibalik dito ang pag-aalaga at pagmamahal na walang sawang ipinadarama sa kanya. Wala siyang ibang babaeng minahal at mamahalin kundi ang butihin niyang maybahay. Kung papayag siyang tanggapin ang inaalok nito ay walang mangyayari sa kanyang kaluluwa. Hindi nito madadala sa impyerno, hindi pa siya mamamatay.

Napangisi naman si Alister sa nakikitang kislap sa mga mata ni Ismael. Hindi pa man ito nagsasalita ay nahuhulaan na niya ang sasabihin ng lalaking maysakit. Hindi na siya nagulat nang ito ay magtanong.

"Gusto ko sana'y gawing malinaw ang ating magiging kasunduan. Wala akong tiwala sa kagaya mo. Maaaring sa pagpayag ko ay iba na ang maging usapan natin ngayon."

"Nakapagdaramdam ang sinabi mo, Ismael. Kung wala kang tiwala ay maiwan na kita. Ako na lamang ang gagawa ng paraang masolusyunan ang aking problema." Pagkasabi ay umakma na sa pagtalikod ang lalaking may dilaw na mata ngunit... humabol agad si Ismael.

"Sandali lang! Pasensya ka na. Nais ko lang namang makatiyak."

"Kung nais mo ay markahan natin ng sariling dugo ang magaganap nating kasunduan."

Sinang-ayunan ni Ismael sa pamamagitan ng pagtango ang mungkahing iyon. "Ano ba ang dapat kong gawin? Kung magugustuhan ko ay mamarkahan ko agad ng aking dugo ang ating kasunduan. At kung hindi naman, maaari mo na akong iwan." 

Nang magsimulang magsalita ang lalaking may dilaw na mata ay naging papel na nasusulatan ang buong katawan ng nitso. Hindi na ikinagimbal ni Ismael ang nasasasaksihang kababalaghan. Nakinig na lamang siyang mabuti upang kung mayroong hindi maiibigan sa tila kontratang ginagawa nito ay mapapabago niya bago markahan ng dugo.

"Twing sasapit ang hatinggabing kabilugan ng buwan ay kailangan mong manatili sa loob ng bakanteng nitsong 'yan. At pagtilaok ng manok kinabukasan ay kailangang makaalis ka," paliwanag ni Alister.

Napakunot ang noo ni Ismael. Malabo para sa kanya ang sinasabi ng kausap. "Paano kung hindi ako makaalis sa loob ng nitso sa pagsapit ng umaga, ano ang mangyayari sa akin?"

"Mamatay ka." Walang anumang sagot ni Alister.

Ikinatuwa ni Ismael ang narinig. Naniniwala nang hindi siya nilalansi lang ng kausap na dimonyo dahil sinabi sa kanya ang totoo. "Paano kung sa pagbilog ng buwan ay hindi ko magawang manatili sa loob ng nitso, ano naman ang mangyayari sa akin?" 

"Kapag hindi mo nagawa ang ritwal ay magbabalik ang iyong karamdaman ng sampung doble sa nararamdaman mo ngayon. Maaari mo ring ikamatay kung magaganap ang ganoon."

Sandaling nanahimik si Ismael. Pinag-isipang maigi ang dapat gawin. "Isang beses lamang sa isang buwan ang sinasabi niyang ritwal. Kailangan ko lamang markahan sa kalendaryo upang hindi ko makalimutan. Kahit si Josefina ay maipapaalala sa akin ang araw na 'yon. Kaya kong gawin ang mga sinasabi ng dimonyong ito. Kayang kaya ko. Tiyak na matutuwa si Josefina kapag nakita niya akong gumaling at hindi na mamamatay. Bukas ay magbibilog ang buwan. Magagawa ko na agad ang ritwal!"  Nagsimulang umapaw ang nararamdaman niyang pananabik. Hindi na niya pinag-aksayahang pag-aralang maigi ang sinabi ni Alister. Buong-buo ang tiwala niya sa sarili. Kaya niyang maipanalo ang pusta ng kausap at ang kapalit... mabubuhay siya at gagaling. "Sumasang-ayon ako sa kasunduan..." Ibinitin niya ang sasabihin upang kilalanin ito. Kasabay niyo'y inilahad niya ang palad para sa isang pakikipagkamay.

"Alister, kaibigan. Ako si Alister." Pagpapakilala ng lalaking kumikislap ang mga matang kulay dilaw, kasabay nang pagtanggap sa pakikipagkamay na iyon.

"Ah!" Daing ni Ismael nang maramdaman ang tila paghiwa ng matalim na blade sa kanyang palad. Pagkatapos ay nakita niyang tumulo ang dalawang patak ng dugo sa ibabaw ng bakanteng nitso. Isa ay mula sa dugo ng dimonyo, at ang isa ay mula sa kanya.

"Ismael, Ismael!" 

Umiiyak na tinig ni Josefina ang nagpabalik sa wisyo ni Ismael. Nasilaw pa siya sa liwanag nang biglang magmulat ng mata, manghang-mangha. "Panaginip lang ba ang nangyari sa akin?" Nangingilabot niyang tanong sa sarili habang nandidilat ang mga mata at butil butil ang pawis.

"Ismael, ayos ka lang ba?" Nag-aalalang tanong ni Josefina habang nagpapahid ng luha. Ang akala ng ginang ay wala na ang asawa. Nang datnan niya ito ay nakayukayok sa upuan at tila hindi na humihinga. Nayakap niya ito nang mahigpit nang masigurong buhay pa.

Hindi na nagawang sagutin ni Ismael ang asawang nakayakap sa kanya. Napayakap na lang din siya habang binabalikan ang napanaginipan. Nang makaramdam ang paghapdi ng kamay ay agad niyang tinignan ang palad. Wala iyong dugo subalit ... mayroong hiwa. Mabilis siyang napatingin sa ibabaw ng nitso. Naroroon ang dalawang patak ng dugo!

"Totoo nga, Josefina! Hindi ako nananaginip lang. Totoo nga ang lahat!" Masayang masaya niyang sabi sa asawang takang-taka naman.

Hindi man maintindihan ang sinasabi ni Ismael ay nakitawa na rin ang ginang. Masaya siya sa nakikitang tuwa sa mukha nito. Ngayon niya na lamang uli nakita ang mga ngiti sa labi ng asawa. Ngayon niya lamang uli narinig ang malutong nitong pagtawa. Hindi niya man alam ang dahilan ay masayang-masaya ang pakiramdam niya.

PAUNAWA

Ang buong kuwento ng BAKANTENG NITSO 2 ay inyong mababasa sa www.dreame.com for free. Hope to see you there!--- Ajeomma

Bakanteng Nitso 2Where stories live. Discover now