WIN YOUR HEART AGAIN [PROLOGUE]

8 0 0
                                    

Pace Gonzales

"Yeah, oo. Ang dami mo namang utos. Humanda ka talaga sa akin pag-uwi ko." singhal ko sa kapatid kong kausap ko sa telepono.

"Kaya mahal na mahal kita Kuya, e! Ikaw talaga ang pinakamabait kong kapatid!" narinig kong pambobola niya.

"E ako lang naman ang kapatid mo, e!" pagpatol ko. "Tse, bahala ka na nga diyan! Mamaya ka talaga sa akin!" hindi ko na hinintay pa ang sagot niya dahil binaba ko na agad ang tawag.

Saglit kong inayos ang aking buhok bago ko ipinagpatuloy ang paglilibot dito sa mall. Bibili lang naman ako ng mga pagkaing itatampok ko para sa susunod kong vlog, pero itong magaling kong kapatid ay mas marami pa ang ipinapabili.

Bata pa lang ako ay mahilig na akong kumain at maglibot-libot, kaya noong nakatapos ako ng pag-aaral ay agad akong nagpaalam sa mga magulang ko na gusto kong gumawa ng mga vlogs. Ang akala ko nga'y hindi nila ako papayagan, pero sila pa itong nagpapaalala sa akin araw-araw na gumawa ako ng panibagong content. Kung minsan nga'y ang kapatid ko pang si Pat ang sumasagot sa mga kumento ng mga nanonood sa akin.

Pagkatapos kong mabili lahat ng mga kailangan ko para sa vlog ay sunod kong pinuntahan ang cosmetics shop na palaging pinupuntahan ni Pat. Sinabi rin niyang dito bumili ng mga inihabilin niya sa akin.

Bago pa man ako nakapasok ng beauty store ay napahinto ako noong maramdaman kong nag-vibrate ang aking telepono.

1 text message from Cindy

Nang malaman kong galing ito sa kaibigan ko ay tiningnan ko kung anong laman ng kanyang text message.

Cindy
Hi bff! Nandito ako sa inyo, sabi ni Tita, umalis ka raw para bumili ng gagamitin mo sa vlog mo. Pasabay na rin ng meryenda natin, a. Thank you!

Napangiti ako sa aking binasa. Magkatulad talaga sila ng ugali ng magaling kong kapatid.

Muli kong ibinalik ang telepono sa aking bulsa. Napagdesisyunan kong bilhin muna ang mga gagamitin ni Pat bago ko puntahan ang paborito naming kainan ni Cindy.

Noong makapasok ako sa beauty store ay para bang isang bagong mundo ang sumalubong sa akin. Nag-ikot-ikot muna ako para kilalanin ang lugar bago ako nagsimulang maghanap ng mga ipinabibili ni Pat.

Habang ginagawa ko ito, hindi ko maiwasang mapaisip. Bakit ang dami-daming brand ng pampaganda dito? May pagkakaiba ba ang mga 'yon depende sa brand nila? Siguro, doon nagsimula ang pagiging maarte ng ilang mga babae, lalo na ng kapatid ko.

Inabot yata ako ng tatlumpung minuto bago ko nakumpleto ang listahan niya. Limang gamit lang iyon pero hirap na hirap akong hanapin 'yong iba, nawala na nga 'yong kinain ko kanina sa bahay dahil sa paghahanap.

Pagkatapos pa ng ilamg sandaling pagtitingin ay napagdesisyunan ko nang pumunta sa counter para magbayad. Mabuti na lang at hindi masyadong mahaba ang pila. Sa wakas, makakain na rin ako at nararamdaman ko nang kumukulo itong tiyan ko.

"Thank you, Maam. Come again!" masayang bati ng kahera sa babae sa harapan ko habang ibinibigay niya ang pinamili ng babae.

"Thank you rin po, Ma'am!" muntik ko nang mabitawan ang mga hawak ko noong marinig kong sumagot ang babae sa harapan ko.

Hindi ako puwedeng magkamali, siya iyon.

Paglingon ng babae, agad kaming nagkatitigan.

Walang gustong bumitaw, walang gustong magpatalo.

"Pace?" binanggit niya ang pangalan ko.

Aaminin ko, natamaan ako. Sino bang hindi maaapektuhan sa maganda niyang boses?

"Excuse me, ma'am." pinanatili kong seryoso ang aking tono. Sinubukan kong lagpasan siya, pero hinawakan niya ako sa braso.

"Pace, Pace kamusta ka?" muli siyang nagtanong.

Napako ang aking tingin sa malambot niyang kamay na nakahawak sa aking braso.

Hanggang sa pinilit kong bumitaw.

"Excuse me, nagmamadali ako." nilagpasan ko siya at hindi na ako lumingon pa. Alam kong nandyan pa rin siya sa likod ko dahil naaamoy ko pa rin ang kanyang pabango.

Iisa lang ang tumatakbo sa isip ko ngayon.

Sana, hindi na lang siya bumalik. Sana, hindi ko na lang siya nakita pang muli.

Win Your Heart AgainWhere stories live. Discover now