Antukin

15 3 2
                                    

Napanguso na lang ako nang umupo siyang muli sa may duyan. Pagod na naman siya at mabigat na naman ang mga talukap ng mga mata niya.

"Faith, inaantok ka na naman?" Medyo dismayado kong tanong habang naglalakad palapit sa kaniya na mabigat ang mga paa.

Bago pa lang kami naglalaro at hindi naman mainit sa gawing ito pero hayun siya, parang estatwang nakahilig sa may tali ng duyan.

"Napapagod na ako Pablo, umupo ka na muna rito," Sambit niya na parang nakikiusap.

Napailing na lang ako saka umupo sa tabi niya. Agad naman niyang inihilig sa balikat ko ang ulo niya saka diretsong pumikit. Isang malalim na buntong hininga ang hinugot ko. Medyo nakakinis pero, sanay na ako kay Faith. Sanay na ako na bigla-bigla na lang siyang aantukin at hihiramin ang balikat ko para matulog.

"Nagpupuyat ka ba sa gabi at palagi ka na lang pagod? Nagbabad ka na naman sa comic books no?"

"Hmm,"

Napailing akong muli saka siya sinulyapan. Nakapikit pa rin siya at para siyang pagod na pagod na hindi na magawang magsalita pa. Ilang oras kaya kaming tatagal dito ngayon? Sana hindi kami abutin ng paglubog ng araw dahil magagalit na naman sa kaniya ang mama niya.

"Pau . . ." narinig kong bulong niya.

"Oh?" tugon ko naman sa isang tonong hindi maitago ang pagkadismaya dahil sa araw-araw naming magkasama, palagi na lang siyang natutulog.

"Pupunta kami bukas ni mama sa Maynila. Ilang araw kami roon sa tita ko," sabi niya.

Tumingin ako sa kaniya at bahagyang natawa.

"Ilang araw lang pala e, bakit parang 'di ka na babalik?" sambit ko saka bumaling na muli sa unahan.

"Hindi ka ba natatakot na aalis ako?"

"Bakit naman ako matatakot? Alam kong hindi ka mananatili roon dahil hindi mo kayang wala ako sa tabi mo,"

Nagmulat si Faith at tumitig sa unahan bago ngumiti at tumawa ng mahina. Mas isiniksik pa niya ang ulo niya sa balikat ko kaya iniakbay ko na sa balikat niya ang braso ko.

"Sabagay,"

Matapos iyon ay tuluyan na siyang nakatulog sa balikat ko. Nagbuntong hininga na lang ako at napangiti. Hindi naman ganito si Faith dati, nagsimula lang siyang maging ganito nung maadik siya sa comic books. Hays, kahit ang collection ko ng comic books kinuha na niya dahil sa sobrang pagkahilig. Napapabayaan na rin niya yung grades niya dahil palagi siyang puyat. Matatalo ko na siya sa pustahan, pero, parang wala na lang sa kaniya.

Knowing Faith, kapag nakipag pustahan siya sa akin sa kahit anong bagay, hindi siya nagpapatalo. Kaya kapansin-pansin talaga yung mga pagbabago. Iba talaga ang nagagawa kapag naaadik ka sa isang bagay.

Kumatok ako sa pintuan ng bahay nina Faith kahit na nakabukas naman iyon. Tinawag ko lang ang atensyon ni tita Grace na nakaupo sa may sala at may kausap sa telepono. Kita ko kung paano siya mabilis na nagpunas ng luha bago ako nilingon at ngumiti.

"Nakatulog na naman ang batang iyan," sambit niya patungkol sa nahihimbing ng tulog na si Faith na ngayon ay pasan-pasan ko sa aking likod.

Ngumiti lang ako at sinulyapan si Faith.

"Tinulugan na naman ako, tita," sambit ko saka naglakad papasok sa bahay nila. "Ipapasok ko na po si Faith tita."

Tumango si tita Grace bago muling bumalik sa pakikipag-usap sa telepono na sa tingin ko ay mahalagang bagay.

Kilala ako ng pamilya ni Faith dahil magbestfriend ang mama ko at si tita Grace mula high school. Sabay kaming lumaki ni Faith at magkalaro kami since birth kaya hindi na ako iba sa pamilya niya, at siya sa pamilya ko.

Idineretso ko si Faith sa kuwarto at ibinaba siya sa kama. Nagunat-unat ako dahil nangalay ako sa haba ng nilakad ko maiuwi lang siya rito. Mabuti na lang at hindi na siya kasing bigat noon. Kumpara kasi noong mga nakaraang buwan, mas magaan siya ngayon dahil pumayat siya.

Tinitigan ko si Faith na ngayo'y nahihimbing pa rin ang tulog saka ngumiti.

"Antukin,"

Nagpaalam ako kay tita Grace na uuwi na dahil maggagawa ako ng homeworks. Sinabi ko na rin kay tita na ipaalala iyon kay Faith paggising dahil panigurado ay comic books na naman ang aatupagin niya.

12 anyos ako noon, at sa loob ng 4 na taon ...napaniwala niya akong dahil sa comic books ang lahat...

"Faith, anak!" takot na sigaw ni tita Grace nang bigla na lang humandusay si Faith sa sahig.

Mabilis pa sa alaskuwatrong naglapitan sina tito Rey at tita Grace kay Faith. Ang kapatid niyang si Popoy at Lea ay nasa tabi ko na kapwa gulat din sa nangyari.

Mabilis akong tumakbo sa labas at umuwi ng bahay para kuhanin ang susi ng tricycle ni kuya Bojak. Ito na naman, kailangan na naman namin siyang isugod sa ospital.

Nanginginig man ang mga kamay at malabo ang takbo ng utak ko ay pinilit kong magmaneho ng maayos dahil sa pang-apat na beses ay hindi ko na sigurado kung papanig pa sa amin ang tadhana.

Narating namin ang ospital at walang lingon-likod na bumaba ang mga magulang niya para itakbo siya sa loob. Gustuhin ko mang sumunod ay namanhid ang dibdib ko sa labis na taranta at takot.

Kayanin mo, Faith. Kayanin mo ulit . . .

AntukinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon