Antukin

6 2 0
                                    

Masayang ngiti ang sumalubong sa akin nang pumasok ako sa silid kung nasaan siya. Kakatapos lang niyang salinan ng dugo at sa ngayon, okay na ulit siya.

"Dala mo?" salubong niya sa akin.

Tumango ako at ipinakita sa kaniya ang nakasukbit sa likod kong gitara bago ipinatong sa lamesa ang dala kong pagkain at prutas.

"Iyan kaagad ang hawak mo, imbis na nagpapahinga ka. Ang tigas talaga ng ulo mo." pangagaral ko.

Hawak na naman kasi niya ang cellphone niya, nagbabasa ng webtoon. Ngumuso siya at ibinaba ang phone niya nang umupo ako sa tabi niya.

"Hay nako, Pablo, ewan ko ba diyan sa kaibigan mong matigas ang ulo. Ikaw lang nakakatinag diyan. Malapit-lapit ko nang pukpukin ang ulo niyang si Faith," sambit  ni tita Grace na naiiling.

Tumawa lang si Faith nang samaan ko siya ng tingin.

"Ma 'di ba mamamalengke ka pa?" pagbabago ni Faith ng usapan.

Nagmake-face naman si tita Grace sa anak niya bago dinampot ang wallet niya at bag.

"Pablo," sambit ni tita kaya nilingon ko siya. "Ikaw na munang bahala a?" Malungkot niyang sambit na pinipilit niyang ikinukubli sa isang mapaklang ngiti.

Tumango ako, kahit na kasingpakla ng ngiti ni tita ang tanging naiguhit ng mga labi ko.

"Oho, mag iingat ho kayo," saad ko baho siya tuluyang umalis.

Ibinalik ko ang tingin ko kay Faith na ngayo'y nakatutok pa rin sa phone niya.

Hindi ako tanga, at alam niyang hindi ko pinaniniwalaang wala siyang ideya. Alam niya ang iniisip at nararamdaman ng lahat pero nagpapatay-malisya siya.

Faith has aplastic anemia at sobrang lala na. Kakasalin lang ulit sa kaniya ng dugo kaya ngayon, medyo okay siya pero alam ko, at alam naming lahat, na nahihirapan siya.

"Gaano katagal?"

Hindi ko alam kung paano ko siya titignan para isipin niyang kahit gaano manghina ang katawan niya ay mananatili pa rin akong malakas. Sa bawat pagsalin ng dugo sa kaniya, natatakot ako. Sa bawat pagsugod sa kaniya rito, kinakabahan ako. Hindi ko na alam kung paano mananatiling matigas at matatag, dahil nakikita ko, kahit na itago niya, na hindi na niya kaya.

"Ewan," sagot niya lang ng simple na parang wala lang iyon.

"Faith gaano katagal mong itatago na nahihirapan ka? Marami kaming naglalahad ng kamay sa'yo, kumapit ka,"

Binitawan niya ang phone niya pero ipinanatili niya roon ang kaniyang tingin. Matapos ay ngumiti si Faith at tinignan ako sa mata. Sa tamis ng ngiti niya ay malilimutan mong may malala siyang sakit. Kagaya ng palagi niyang ginagawa, pinapakita niyang sisiw lang ang lahat sa kaniya at iyon ang pinakang nagbibigay ng takot sa akin.

"Ganto ba?" Sabi niya saka ako kinapitan sa kamay ng mahigpit at tumawa. "Gusto mo lang hawakan kamay ko, dami mo pang segwey."

Hindi ko na napigilan ang mailing dahil hindi ako nanalo kahit na kailan sa kaniya. Kapag gusto niyang sunugin ang topic, kayang kaya niya.

"Tugtugan mo ako, gusto kong marinig ang boses mo,"

Kinuha niya ang gitara at ini-abot sa akin. Ito ang paborito niyang ipagawa sa akin, at paborito kong ginagawa para sa kaniya.

Mahal ko si Faith, simula pa lang. . .

Kinuha ko ang gitara kaya't nagsimula siyang humiga ng patagilid na nakaharap sa akin. Alam niyang pangarap kong maging isang singer at song writer at siya ang unang fan ko. Walangsawa siyang nakikinig sa mga bagong kantang naisulat ko o 'di kaya'y natutunan ko sa gitarang ito.

Antukinजहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें