6. Sikreto

3 1 0
                                    

"Sasabihin mo sa akin ngayon ang totoo," sabi ko.

Sinama ko si Iraya sa pinakamalapit at pinakamadalas kong pinupuntahang café – sa EsCafe. Ito lang ang lugar na nararamdaman kong ligtas ako dahil hindi ito alam ng maraming tao. Dito rin ako napapadpad kapag nag-aaway sina Mama at Papa o kaya kapag gusto kong makapaglayo-layo. Hindi hantad ang bungad nito kaya hindi ako nag-aalala sa mga dumaraan sa labas. At bukod sa lahat, amoy kape ang lugar na ito, ang tanging pananggalang ko laban sa pagkalumbay at pagkabalisa.

Noong una, ayaw ni Iraya pumasok dahil hindi niya raw kayang bayaran ang mga pagkain dito, pero pumayag rin siya noong sinabi kong sasagutin ko lahat, pero sa isang kundisyon ay bibigyan niya ako ng paliwanag.

"Alam kong may alam ka," sinimulan ko. "Imposibleng umuwi ka agad kahapon dahil..." hinihintay kong tingnan niya ako sa mata, pero nakatitig lang si Iraya sa kape sa harapan niya. "nakita ko ang mga nasirang rosaryo sa likod ng school. Parehong butil ng rosaryo na nasa Tupperware mo."

Lumunok si Iraya pero hindi pa rin makatingin sa akin.

"Sabihin mo sa'kin ang totoo, Iraya," sabi ko sa mahinang boses. "Aswang ka ba talaga?"

Tumingin siya sa'kin at bigla niya akong sinampal sa mukha. Sumingap siya at binawi agad ang kamay niya. "Sorry! Hindi ko lang–"

"Okay lang."

"Hindi ko lang inaasahan ang tanong mo," ani niya. Napakatinis ng kanyang boses at hindi ko masasabi kung galit ba talaga siya sa akin o hindi. "Pasensya ka na... hindi naman ako nagalit sa'yo kahapon. Pero hindi ko gustong pinapakialaman ang mga gamit ko... Wala akong pinagkakatiwalaan."

"Ako," alok ko. Hindi ko alam kung nakuha niya ang biro ko pero hindi siya tumawa. "Uhm... so hindi ko pwedeng malaman ang nasa baunan mo?"

Inirapan ako ni Iraya. Pero mabilis niya ring nilayo ang tingin niya sa akin.

"Hindi mo ba ako kayang pagkatiwalaan?" tanong ko.

Niyakap ni Iraya ang sarili niya at iniling ang kanyang ulo. "Hindi mo ako maiintindihan. Hindi basta-basta binibigay ang isang babasagin kung alam mong kahit anong oras, maaari niya itong mabitawan..."

"Hmm, tungkol kay Ella–"

"Nagsasabi ako ng totoo, Max. Wala akong kinalaman kay Ella. Hindi ko siya kilala at hindi ako ang bumalak pumatay sa kanya."

Nangilabot ako sa huli niyang sinabi pero hindi ako kumibo. Hindi ko alam kung makakampante ba ako na hindi siya ang pumatay kay Ella, o matatakot na kilala niya ang bumalak pumatay sa kanya. Alam kong may alam siya. Pero bakit hindi niya sa akin sabihin ang totoo?

Tumayo si Iraya bigla at niligpit ang mga pinagkainan niya. At sa unang pagkakataon, ngayon ko lang siyang nakitang nag-sign of the cross. Hindi atheist si Iraya. Sadyang hindi niya lang pinapakita sa marami ang tunay na pagkatao niya. Kahit alam kong hindi niya sa akin mabibigay ang isang bagay na babasagin, naramdaman kong binubuksan niya ang sarili niya para ako ang magtiwala sa kanya.

Lumingon si Iraya sa paligid niya at yumuyuko-yuko.

"Aalis ka na?" tanong ko.

Nagulat siya nang magsalita ako at tiningnan ako. "Uhm... Max, salamat kanina. Utang na loob ko ang pagtanggol mo sa'kin."

Tumayo rin ako para harapin siya. "Wala 'yun, ano ka ba?"

Lumingon ulit siya sa likod niya at kaunti na lang, paprangkahin ko na siya kung bakit tingin ng tingin ang mga tao sa likod nila.

"Max, mag-iingat ka... Walang ligtas na lugar dito, kahit ang café na to."

At iyon na ang huli kong narinig sa kanya. Mabilis na umalis si Iraya at iniwan akong mag-isa, wala pa ring sagot sa mga katanungan. 

Ang mga Sikreto ng Aswang na si IrayaWhere stories live. Discover now