Ang Kabinet ni Lola

17.8K 355 46
                                    

Marso ng nakaraang taon nang magbakasyon ako sa probinsya nila Lola. Marami daw trabaho sila Papa at Mama kaya kailangan na si Lola muna ang magbantay sa akin. Luma na ang bahay ni Lola. Nag-iisa na rin lang siya sa buhay dahil iniwan na raw siya ni Lolo. Tahimik at simple lamang ang pamumuhay sa kanila, kuntento na siya sa tuwing uupo siya sa kanyang rocking chair habang naggagantsilyo at nakikinig ng kanyang paboritong istasyon sa kanyang transistor. Pero may isang batas sa bahay ni Lola na dapat mong sundin, bawal sumilip sa lumang kabinet na nasa loob ng kanyang kwarto ng alas ocho ng gabi.

Ako si Tomi at ito ang kwento ng kabinet ni Lola.

Hindi naman dating nag-iisa si Lola sa kanyang bahay. May mga kasambahay siya na hindi nagtatagal sa paninilbihan sa kaniya. Hindi rin alam ng mga kapitbahay kung bakit palagi na lamang iniiwan si Lola ng mga kasambahay niya dahil mabait naman talaga ito. Hanggang sa napagod na si Lola nang kakukuha ng kasambahay sa agency at nagdesisyong kaya na niyang mag-isa sa bahay niya. Hindi ko alam pero parang hindi naman nalulungkot si Lola na mag-isa sa bahay na iyon.

Boring ang buhay sa bahay ni Lola. Para bang isang makalumang buhay kung saan isang maliit na lumang tv lamang ang pang-aliw mo. Sa gabi ay manonood siya doon hanggang sa dapuan siya ng antok at makaidlip sa kanyang rocking chair. Bababa na lamang ako at sisilipin siya kapag narinig ko na ang static ng telebisyon na nagsasabing wala ng palabas dito. Papatayin ko ang telebisyon at gigisingin siya para umakyat na siya sa kanyang kwarto. Naging ganoon ang araw-araw na eksena sa loob ng bahay ni Lola.

Pero may isang bagay na bumabagabag sa akin at hindi mawala sa aking isipan, ang kabinet ni Lola na minsan ko nang nakita noong pumasok ako sa loob ng kanyang kwarto para kuhanin ang kanyang salamin sa kanyang mesa. Mahigpit niyang ipinagbilin na bawal sumilip sa loob ng kabinet na iyon sa loob ng alas 8 ng gabi pero wala pa naman noong alas ocho kaya sumilip ako. Nakakandado ang kabinet pero may maliit na bilog na butas kung saan makikita mo ang loob. Sumilip ako ngunit nadismaya ako sa aking nakita. Wala naman palang laman ang loob ng kabinet.  Akala ko pa naman ay may mahahalagang bagay na iniingatan si Lola sa loob pero wala naman pala.

Hindi rin ako nagdalawang isip na aminin  kay Lola na minsan na akong sumilip sa kabinet. Hindi naman siya nagalit pero h'wag lang daw akong sisilip sa kabinet ng alas-ocho. Dapat siguro ay hindi na lamang pinagdiinan ni Lola ang oras na alas-ocho. Lalo lang tuloy akong napa-isip kung bakit bawal sumilip ng alas-ocho. Alam mo naman ang tao kapag sinabing bawal ay lalong nagpupumilit na gawin.

Isang gabi ay naisipan kong pumasok sa loob ng kwarto ni Lola. Tahimik na itong nagpapahinga sa ibaba at sigurado naman akong hindi ito aakyat sa taas dahil palagi lang naman itong nakakatulog sa kanyang rocking chair. Hinintay kong mag-alas ocho bago ako pumasok sa kwarto. Dahan-dahan kong binuksan ang pinto dahil ayaw kong marinig ni Lola ang pag-ingit ng pintuan dahil baka mabulabog siya. Medyo nag-ingay pa ang pinto ng isara ko iyon pero sigurado akong hindi umabot ang ingay sa ibaba.

Huminto ako sa tapat ng kabinet.  Huminga ako nang malalim at panandaliang nag-isip, sisilip ba ako o hindi? Kinakabahan ako pero nasa harap ko ang kabinet na tipong nag-aanyaya sa akin na sumilip sa loob at wala namang mawawala. Yumuko ako at itinapat ang aking mata sa maliit na butas ng kabinet. Kung noong umaga ako tumingin ay wala akong nakita ngayong gabi ay puro kulay bughaw lamang ang nakikita ko. Sinubukan ko pang tingnan nang mabuti at idikit ng husto ang aking mga mata sa butas pero sadyang wala talaga akong makita kung hindi puro bughaw lamang. Tumayo ako nang diretso at kinusot ang mata ko nang marinig kong umakyat si Lola paitaas. Sa takot ko na baka mahuli ako na sumisilip ay nagtago ako sa ilalim ng kanyang tulugan.

Bago siya humiga sa kanyang kama ay sumilip siya sa maliit na butas na nasa kabinet at kitang-kita ko ang ngiti sa kanyang mga labi. Ibang-iba ang ngiting iyon, hindi iyon tulad ng pag-ngiti niya sa oras na may nakakatuwang panoorin sa tv, hindi iyon katulad ng ngiti niya sa tuwing nakakatapos siya ng kanyang paggagantsilyo. Ang ngiting iyon ay parang nakakita s'ya ng isang taong mahal niya. Hinintay ko siyang makatulog at nang maramdaman kong malalim na ang tulog niya ay saka ako dahan-dahang umalis ng kanyang kwarto. Pero hindi ko nakalimutan ang ngiti ni Lola.  Nagtaka ako sa kilos na ginawa niya.  Bakit naman siya mangingiti sa kabinet na kulay blue?

Natapos ang bakasyon at bumalik na ako kila Mama. Hindi na rin ako muling sumilip sa kabinet na iyon matapos kong mapatunayan na wala namang kakaiba sa loob noon. 

 Isang araw ay nagawa kong maghalungkat ng mga lumang picture sa gamit ni Mama. Napansin ko ang isang partikular na litrato ng isang babae. Sepia ang tone ng litrato ng batang babae. Hindi ko siya kilala pero kung itinatago ni Mama ang picture niya ay malamang importante iyon. Dinala ko ang picture kay Mama at tinanong kung sino ang babaeng iyon.

"Ang babaeng ito ay kapatid ko." kwento niya sa akin

Tinanong ko kay Mama kung nasaan na ang kapatid niya at parang hindi ko naman siya nakilala. Sinabi niyang namatay na ang kanyang kapatid noong bata pa ito. Pero ang nagpatindig ng balahibo ko ay ang mga susunod niyang sinabi.

"Natagpuang patay ang kapatid ko sa loob ng lumang kabinet ng Lola mo. Buong araw siyang nawala hanggang sa makita na lamang siya nang bandang alas-ocho sa loob ng kabinet. May marka sa kanyang leeg na palatandaang sinakal siya. Hindi na namin nalaman kung sino ang pumatay sa kanya o kung paano siya nauwi sa loob ng kabinet. Magmula noon hindi na muling pinabuksan ni Lola ang kabinet na iyon. Nalulungkot daw si Lola sa tuwing maalala ang nakitang katawan ng kapatid ko sa loob ng kabinet. Makaraan ang isang taon nawala na lamang na parang bula ang Lolo mo." Kwento niya. Hindi ko alam na meron palang madilim na nakaraan ang kabinet na iyon, pero hindi pa tapos ang kanyang kwento.

"Alam mo maganda ang mata ng Tita mo na iyon. Bughaw na bughaw na katulad ng langit kapag tag-init."

Pinoy Horror Stories II (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon