Epilogo

105K 4.2K 16K
                                    

[Epilogo]

NABASAG ang isang porselanang paso na paborito ni Doña Helen habang nakasakay sila sa kalesa patungo sa daungan. Umabot sa lima ang kalesang naghatid sa kanila sa dami ng kanilang mga gamit. Kasalukuyan nilang tinatahak ang gubat na malapit sa ilog kung saan tinambangan noon sina Liliana, Agnes, Ana, at Mang Berning.

Nag-aalala si Doña Helen para kay Alfredo ngunit hindi niya kayang magpaiwan upang hanapin ito lalo na't nanganganib ang kanilang buhay. Pinatigil ni Doña Helen ang kalesa dahil sa nabasag niyang paso ngunit sinigawan siya ni Don Asuncion, kailangan na nilang magmadaling umalis bago pa muling masangkot ang pangalan nila sa anumang kaso o paghigantihan ng mga kaanib ni Mang Pretonio.

Ipinag-utos ni Don Asuncion kay Herman na hanapin si Alfredo at dalhin ito sa ligtas ng lugar saka gawan ng paraan upang makasunod sa kanila sa Europa. Nag-iwan si Don Asuncion ng malaking halaga sa pinagkakatiwalaang hukom upang protektahan si Alfredo.

"O'siya, mauna ka na!" sigaw ni Doña Helen sa asawa saka sinigawan ang kutsero na alalayan siya pababa ng kalesa. Napahilamos na lamang sa mukha si Don Asuncion at napatingin sa kasunod na kalesa kung saan nakasakay sina Emma, Carlos, at Alma.

Napansin niya na tila hindi mapakali si Emma. Panay ang lingon nito sa paligid na animo'y may hinahanap. Ilang sandali pa ay nagulat si Don Asuncion nang biglang may palasong dumaplis sa kaniyang tainga.

Nanlaki ang kaniyang mga mata at napabagsak sa sahig ng kalesa nang makita ang pagdanak ng dugo mula sa kaniyang tainga. Bago pa siya makasigaw ay nagkagulo na ang mga kutsero, kasambahay at guardia na kanilang kasama.

Nagsigawan at nagtakbuhan ang lahat nang paulanan ng pana ang limang kalesa. Naririnig nila ang agos ng ilog na ilang metro lang ang layo, at mula roon ay naririnig nila ang paggalaw ng tubig at ang mga hakbang ng mga kalalakihang sumisigaw.

Agad niyakap ni Emma ang anak nang makita ang dalawampung kalalakihan na tumatakbo papalapit sa kanila. Nilabanan ng mga ito ang mga guardia personal na tauhan ni Don Asuncion. Nagulat si Emma nang may humawak sa kaniyang balikat mula sa likuran at ibinaba nito ang itim na panyo na pantakip sa mukha.

"Sumunod kayo sa akin!" wika ni Herman saka mabilis na inalalayan pababa ng kalesa sina Emma at Alma. Binuhat niya si Carlos saka mabilis silang tumakbo patungo sa isang kalesa na nag-aabang mula sa di-kalayuan.

Malalakas na sigaw ang umalingangaw sa buong paligid. Sunod-sunod na bumagsak ang mga guardia at dumanak ang dugo sa lupang nababalot ng mga damo at patay na dahon. "Naghihintay sa daungan si inay. Sinundo ko siya kagabi, magtungo kayo sa Europa dala ang kayamanan ng pamilya Salazar!" bilin ni Herman. Muli nitong niyakap ang kapatid at hinawakan ang pisngi ni Carlos na nakasubsob sa kaniyang dibdib.

"Ikaw na ang bahala sa kanila." bilin ni Herman kay Alma saka ibinigay ang bata. Akmang aalis na ito ngunit hinawakan ni Emma ang kaniyang braso, "S-sumama ka na sa amin!" pakiusap nito habang nakahawak nang mahigpit sa itim na kamiso ng kapatid.

Napatitig si Herman sa mahigpit na pagkakakapit sa kaniya ni Emma. Gustuhin man niyang tumakas at sumama sa kanila ngunit nababatid niyang malalagay sa kapahamakan ang kaniyang ina, kapatid at pamangkin sa oras na ipahanap na siya ng mga awtoridad.

Hinawakan ni Herman ang kamay ni Emma, "Susunod ako. Kailangan ko pang hanapin si Alfredo." Pagsisinunggaling ni Herman. Ang totoo ay hindi na niya hinanap si Alfredo at wala na siyang balak gawin iyon dahil ngayong araw ay tatapusin na niya ang lahat ng kaugnayan nila sa pamilya Salazar.

"Hindi na bale. Marami ang magtatanggol kay Alfredo. Sumama ka na lang sa amin at manirahan na tayo sa malayo!" pagsusumamo ni Emma, huminga nang malalim si Herman saka hinawakan nang mahigpit ang kamay ni Emma upang alisin ito sa pagkakahawak sa kaniyang kamiso.

Lo Siento, Te AmoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon