DISTORTED IMAGES...
FLASHES BEFORE MY FACE...
CIRCLING...IN...DARKNESS....Ito ang huling tumanim sa aking isip bago kami tumilapon ni Anne papalayo sa sumadsad na chopper.
Pagkatapos ay saglit akong nawalan ng malay. Nang ako ay magising, hindi ko maimulat ang aking mga mata. Sa tuwing gagawin ko ito ay umiikot ang aking paningin at kusa itong nagsasara.
Nag-flash sa aking harapan ang walang malay na katawan ni Anne, nakahandusay at nakatalikod ilang hakbang sa kinalalagyan ko. Nangingimi ang buo kong katawan at namamanhid ang aking ulo. Umiikot pa rin ang aking paningin. Ramdam ko ang paghampas ng malakas na hangin sa aking mukha habang sa paligid namin ay kadiliman. Sinubukan kong muling imulat ang aking mga mata ngunit sadyang hindi ko kaya. Pinilit ko at nang magawa ko ay hindi ko na nasulyapan ang katawan ni Anne. Bigla itong natakpan ng makapal na alikabok na inikot ng malakas na hangin na parang sa napakalakas na bagyo.
"Anne!" ang malakas kong sigaw habang nakahiga at nakapikit. Ngunit hindi ito umubra sa nagngangalit na tunog ng hampas ng hangin.
Pinilit kong itaas ang aking katawan ngunit hindi ito sumunod. Nanlalambot ito na parang gulay. Naramdaman ko ang bali sa aking leeg nang ito ay aking igalaw. Malakas na tunog ng crack ng buto ang aking narinig.
"Ahhh!" ang malakas kong sigaw na nagpangiwi sa aking mukha.
Nagulat ako sa malamig na kamay na biglang sumapo sa aking leeg at sa dalawa kong hita. Binuhat ako nito sa gitna ng malakas na buhawi. Iminulat kong muli ang aking mata ngunit isang anino lang ang aking naaninag. Gusto kong umalma ngunit wala akong lakas. Muli kong inisip kung nasaan si Anne.
"Anne!" muli kong sigaw.
"Awra...come...in! Do you...read...me!" narinig ko ang malabo at paputol-putol na boses ni Jake mula sa headset sa aking tainga. Pinahina ng malakas na hangin ang signal sa loob ng gubat. Nilamon ng putol-putol na crack na tunog ang kanyang boses hanggang sa ito ay mawala.
Sa gitna ng rumaragasang malakas na hangin, tumigil sa paglalakad ang nagbuhat sa akin at parang may itinulak sa lupa gamit ang kanyang paa. Naramdaman ko na lang ang pagkahulog namin sa isang butas. Narinig ko ang lagabag ng kanyang paa sa lupa nang ito ay lumapat at umalingawngaw ito sa loob ng isang parang tunnel kasabay ng hirapan niyang ungol. Nawala ang ingay na dulot ng malakas na hangin at ang malakas na pagpalo nito sa aking mukha.
Buhat pa rin ang naghihina kong katawan, naglakad ito ng kaunti at maya-maya pa ay may bumukas na pintuan. May kirot sa aking ulo na pasakit ng pasakit. Hindi ko pa rin maimulat ang aking mga mata. Pupungay-pungay lang ito nang pilitin kong imulat. Sa harap ng pintuan ay naaninag ko ang mukha ng isang babae at dito natuluyan na akong mawalan ng malay.
Nagising ako sa sakit na naramdaman ko sa aking leeg at napangiwi ako dahil sa kirot. Namitig ang mga kalamnan ko dito at parang hindi ko na kayang tiisin. Pinilit kong bumangon subalit may pumigil sa akin.
"Iha, dahan-dahan lang. 'Wag ka munang gumalaw," anang matandang babae nang dumungaw ang tingin nito sa akin. Bilugan ang maaliwalas na mukha nito at may katabaan ang katawan. "Lando! Paki-abot ng bote ng langis. 'Yun gamit ko sa panghihilot!" sigaw nito. Maya-maya pa ay iniabot na ito ng isang matandang lalaki. Pahaba naman ang mukha nito at may kapayatan ang katawan. "Mabuti naman at gising ka na, Iha," masayang sambit nito. "Ako si Sabel. Siya si Lando," anang babae. Pinagliwanag ng dilaw na liwanag galing sa mga kandila ang kanilang mga mukha.
Binuksan nito ang maliit na bote at inilapat ang labi nito sa kanyang palad at ibinaliktad, pagkatapos ay ipinasa ang bote sa lalaki. Pinagkiskis niya ang dalawang palad at kumalat sa mga ito ang langis at kumintab. Hinawakan nito ang aking leeg at panga at walang sabi-sabi itong ibinaling sa kaliwa. Nakarinig ako ng malakas na crack na tunog mula dito at biglang nawala ang sakit. Lumipat ito sa aking paanan at pinihit din ang dalawa kong paa at biglang nanumbalik ang lakas sa aking katawan. Pagkatapos nito ay kumuha siya ng mga dahon mula sa bunton nito sa lamesa at ikinuskos sa aking mga galos. Nanlaki ang aking mga mata nang alisin niya ang mga ito sapagkat mabilis naghilom ang sugat sa aking katawan. May pagtataka itong napatitig sa akin.
BINABASA MO ANG
The Immortal's Blood
Mystery / ThrillerIN A TIME WHERE ASWANG AND HUMANS LIVE TOGETHER IN WAR, AWRA, IN LOVE WITH HER ADOPTED BROTHER, WILL FOLLOW ANTE WHEREVER HE GOES. BUT HER ACTIONS WILL PUT ANTE IN DANGER WHO WENT MISSING. ALONG WITH ANTE'S FRIENDS, AWRA WILL SEARCH FOR HIM AND DISC...