Chapter Four

154 5 0
                                    

NAKABIBINGI ang ingay sa disco house na kinaroroonan ni Bridget nang mga sandaling iyon. Tila walang pakialam sa mundo na sinasabayan niya ng magaslaw na pagsayaw ang pumapailanlang na tugtog. Hindi siya nakaramdam ng pagod sa kabila ng nainom niyang alak.
Nang tumingala siya at makita ang umiikot at nag-iiba-ibang kulay ng mga ilaw ay saka lamang siya nakaramdam ng pagkahilo. She was drunk. Ilang kopita na ng tequila ang nainom niya.
Mayamaya'y lumapit kay Bridget ang lalaking kabilang sa grupong nakipagkilala sa kanila. Guwapo ang huli ngunit pinapangit ng pankistang ayos. Namumula na ang mga mata nito at tila bangag sa droga. May isa itong hikaw sa tainga, maluwag ang suot na damit. Inabutan pa siya nito ng isang kopita na may lamang alak.
"I think I'm drunk," malakas na sabi ni Bridget na nais na sanang tumanggi sa iniaabot ng lalaki.
"What?" malakas ding tanong nito palibhasa halos hindi sila magkarinigan.
"I said, I'm drunk!"
"No, you're not drunk yet," nakangising giit nito. "C'mon, let's drink more."
"Umiikot na ang mga paningin ko," sabi niya na tumigil na sa pagsasayaw.
"All right." Sumilay ang makahulugang ngiti sa mga labi nito. "Let's get out of here." Hinawakan siya nito sa braso at iginiya patungo sa pintuan ng disco house. Hindi na rin siya napansin ng mga lasing at nagkakasayahan niyang mga kaibigan na kinabibilangan ni Demie.
"Teka," sabi ng lalaki, "I forgot to say good-bye to my friends. You stay here, okay? Babalikan kita."
"Okay."
Nang bumalik sa dance floor ang lalaki ay naiwang nakasandal sa dingding si Bridget. Patuloy na umiikot ang kanyang mga paningin. Pakiramdam niya ay magko-collapse na siya. Pumikit siya. Nang muling dumilat ay nakita niya ang isang lalaking nakakunot ang noo habang nakatingin sa kanya. Sa una ay malabo ang mukha nito, ngunit nang magtagal ay malinaw na niyang naaninag ang guwapong mukhang iyon ni Ramonchito.
Walang sabi-sabing hinila siya nito palabas ng disco house.
"Let me go!" Pilit niyang inagaw ang kamay mula rito. "Ano ba? May hinihintay ako!"
Wala pa ring salitang isinama siya nito hanggang sa sasakyan at pilit na pinasakay sa passenger seat. Nagmamadali na rin itong sumakay sa driver's seat at pinasibad nang mabilis ang sasakyan. Wala siyang dalang kotse nang gabing iyon dahil dinaanan lang siya ni Demie sa kanila at sa kotse siya ng kaibigan sumabay.
"Puwede ba?" inis niyang sabi na pilit pinaglalabanan ang naramdamang pagkahilo. Medyo nabawasan iyon nang makalabas siya ng disco house. "Ibalik mo ako sa disco house. May naghihintay sa akin do'n!"
"Sino? Ang mga lalaki mo?" sa wakas ay sabi ni Ramonchito. "Yung pangit na addict na 'yon, ha?"
Sukat sa narinig ay pilyang napangiti si Bridget. "Nagseselos ka, 'no?" namumungay ang mga matang tanong niya.
"Hell, no!" tila napikong sagot nito. "I want you to know na ginagawa ko ito dahil sa pakiusap ng parents mo. Sinabi nila sa akin kung saan ka madalas na dinadala ng mga pakawala mong barkada kaya naisipan kong pumunta dito. If not, hindi ako mag-aaksaya ng panahong pumasok sa isang magulong lugar katulad ng disco house na 'yon. For God's sake, Bridget, you're not a teenager anymore! Hindi ka na bata!"
"Huwag mo nga akong idamay sa kaseryosohan mo!" naglaho ang ngiti sa mga labing singhal niya. "Palibhasa killjoy ka! You don't even know the meaning of fun! You're young, but you look like an old man dahil masyado kang seryoso!"
"At ikaw?" Tumingin ito sa kanya. "Tingnan mo nga 'yang ayos mo. You just don't look like an addict. You look like a... like a..."
"Prostitute!" nanlalaki ang mga matang dugtong niya. "Is that what you were trying to say?"
Ibinalik ni Ramonchito ang paningin sa daan. Lalo pa nitong binilisan ang pagpapatakbo ng sasakyan. Palibhasa'y hatinggabi na kaya malinis na malinis na ang daan.
"Will you stop the car?" pagkaraa'y saad niya. "Bababa ako! Hindi pa tapos ang happenings namin ng mga barkada ko!"
"I'm taking you home!" mariin nitong sagot. "Nangako ako sa mommy at daddy mo."
"I don't want to go home!"
"You're going home!"
Patlang.
Nagtaka si Ramonchito sa biglang pananahimik ni Bridget. Nang sulyapan siya ng lalaki ay nakatungong sapo-sapo na niya ang kanyang noo. Mayamaya'y bibig naman ang bigla niyang tinutop.
"Wait, ihihinto ko ang kotse!" naalarmang sabi nito na waring natunugan na ang nais niyang gawin. Ngunit bago pa nito tuluyang naitigil ang sasakyan ay nasuka na siya sa sahig ng kotse.
"What a mess!" lalong naaburidong saad nito.
"Oops, sorry." Pagkasabi niyon ay sumandal na siya sa backrest ng car seat at hindi na napigilan ang antok at agad na nakatulog.
NANG iparada ni Ramonchito ang sasakyan sa tapat ng Del Rio Mansion ay nagkunwari si Bridget na tulog pa rin. Wala ang mga magulang niya dahil may mahalagang appointment na pinuntahan, ayon sa isang maid.
Pinangko siya ni Ramonchito at dinala hanggang sa kanyang silid. Nang ibaba siya nito sa kama ay saka siya gumising. Kinabig niya ang lalaki at mariing hinalikan sa mga labi. Hindi pa nakontento, kinagat niya ang mga labi nito.
"Ouch!" daing nito. Hindi niya inaasahan nang muli siya nitong binuhat at ibinaba sa bathtub. Pagkatapos ay binuksan nito nang malakas ang shower.
Napatili nang malakas si Bridget sa lamig ng tubig. Nawala ang kalasingan niya. Kumalat sa mukha niya ang itim na eye makeup niya. "How dare you?!" sigaw niya.
Tumawa si Ramonchito sa nakitang hitsura niya. "You look like a witch, you know."
Sinulyapan niya ang sarili sa salaming nakapaligid sa kanila. Pakiwari niya ay siya na ang pinakapangit na babae sa buong mundo.
"See?" nang-iinis na sabi ni Ramonchito.
Sa sobrang inis ay sinabuyan niya ito ng tubig. Hindi ito nakaiwas. Nagmistula itong isang manok na naligo sa ulan. Pinagtawanan niya ito.
Inabot nito ang face towel sa kinasasampayan at walang sabi-sabing ipinahid sa kanyang mukha upang alisin ang duming iniwan ng makapal na makeup. Pagkatapos ay hinubad nito ang itim na jacket na nakapatong sa suot na pang-itaas.
"W-what are you doing?" pormal na tanong niya nang maramdamang inaalis nito sa ohales ang butones ng suot niyang miniskirt.
"Paliliguan kita para mawala ang dumi diyan sa katawan mo!" tila wala-sa-loob na sagot nito.
"P-paliliguan mo ako?" hindi makapaniwalang tanong niya.
Saka lamang ito parang natauhan nang masalubong ang makahulugan niyang mga tingin. Sukat doon ay mabilis siya nitong tinalikuran. "Ayusin mo ang sarili mo," pagkuwa'y seryoso nitong saad bago lumabas ng bathroom.
Hindi niya alam kung matutuwa o maiinis sa ginawa nito.
NANG lumabas si Bridget mula sa bathroom ay nakasuot na siya ng lounging robe. Nalungkot siya nang makitang wala na si Ramonchito. Nararamdaman pa niya ang ispiritu ng alak sa kanyang katawan, ngunit hindi na katulad kanina. Kahit papaano ay alam na niya ang mga nangyayari.
Kumuha siya ng damit-pantulog sa closet at ibinaba sa kama. Pagkatapos ay hinubad niya ang suot na roba. Sa aktong iyon biglang bumukas ang pinto at pumasok si Chito na may dalang isang tasa ng mainit na kape. Napamulagat ito nang makita ang kahubaran niya.
Tarantang inabot naman niya ang roba at dali-daling isinuot. "Hindi ka ba marunong kumatok?" inis niyang tanong pagkatapos.
"Uminom ka ng mainit na kape para mawala 'yang kalasingan mo," pormal nitong sagot na hindi pinansin ang sinabi niya. Ibinaba nito ang tasa ng kape sa ibabaw ng study table.
"What is this for again?" nakataas-kilay niyang tanong habang sinusuklay ang hanggang balikat na buhok sa harap ng dresser. "May malaking kapalit na naman ba ang pagsunod mong ito sa kagustuhan nina Mommy at Daddy?"
Hindi ito sumagot. Lumabas ng silid.
Naiwan siyang nakatitig sa pintong nilabasan nito. Pagkaraan ng ilang sandali ay inabot niya ang tasa at ininom ang laman. Waring nakikita pa niya roon ang guwapong mukha ni Ramonchito.
KINABUKASAN ng gabi ay inimbita ng mag-asawang del Rio si Ramonchito na mag-dinner sa mansiyon ng mga ito. Nang pumanaog ng hagdan si Bridget ay naratnan niya ang binata sa living room na kausap ng kanyang mga magulang.
"Dito magdi-dinner si Chito, hija," nakangiting anunsiyo ng kanyang mommy. "Aalis ka pa ba?"
Pormal niyang tinapunan ng tingin ang binata. Alam ni Bridget na hindi bukal sa kalooban ni Ramonchito ang pagbisita sa kanilang mansiyon. Maaaring may kapalit iyon o sadyang hindi lang nito matanggihan ang request ng kanyang mga magulang. Anuman ang rason, nangako siya sa sarili na hindi na muling magpapadala sa kanyang damdamin. Hindi na siya magpapakabaliw sa isang Ramonchito Roa.
"May lakad kami ng mga kaibigan ko," walang kangiti-ngiting sagot ni Bridget. Nahuli niya ang minsang pagsulyap nito sa kanya at pagkunot-noo nito. Batid niyang hindi na naman nito nagustuhan ang nakitang hitsura niya. Katulad kagabi ay itim na rugged suit ang suot niya. Makapal ang makeup sa kanyang mukha at may naglalakihang alahas sa kanyang katawan.
"Bakit hindi ka muna sumalo sa dinner, anak?"
"I'm in a hurry." Pagkasabi niyon ay walang paalam na iniwan na niya ang mga ito.
"WHAT shall we do?" nag-aalalang tanong ni Don Alfredo.
"Sa bawat gabing lumalabas siya ng bahay ay natatakot ako," balisang sabi ni Doña Antonietta habang magkasalikop ang mga kamay. "She's not safe with her friends. Balita ko'y drug addicts pa raw ang iba ro'n. Oh, God, I really don't know how to stop her, Chito. Habang pinipigilan namin siya ay lalo naman siyang kumakawala."
May ilang sandaling nanatiling tahimik ang binata. Pagkaraan ng ilang sandali ay bigla na lamang siyang tumayo.
"Aalis ka na rin ba?" tanong ng doña.
"Susundan ko ho si Bridget," sagot niya.

The Bachelors 04: Ramonchito; The Engineer By Elizabeth McbrideWhere stories live. Discover now