Gideon

65 6 1
                                    

GIDEON

PUTOK NG baril ang gumising sa akin sa madaling araw. Hirap pa akong iangat ang sarili dahil sa antok. Nawala lang ito nang tuluyang makabangon.

Tumayo ako at hinarap ang bintana para silipin ang tanawin sa labas. Kulay asul pa ang kalangitan, hudyat na papasikat pa lang ang araw. Hindi ko alam kung bakit sa ganitong oras niya naisipang lumabas at magpaputok ng baril na para bang wala siyang maiistorbong tao.

Nagsuot ako ng t-shirt bago lumabas ng kuwarto. Walang ilaw sa buong bahay pero dahil sa mga nakahawing kurtina sa bintana, pumapasok ang kaunting liwanag galing sa asul na kalangitan.

Nang tuluyang makalabas ng bahay, naabutan ko si Papa na nilalagyan ng bala ang kanyang baril. Mabuti na lang talaga malayo kami sa ibang mga bahay dahil simula nang mamatay ang kapatid ko at si Mama, mas pinili ni Papa na manirahan kami sa gubat.

May dahilan siya kung bakit iyon ang naging desisyon niya. Gusto raw niyang makalimot sa trahedyang nangyari ilang taon na ang nakalipas. Ngunit dahil kilala ko siya, hindi ako naniniwala roon. Kung gusto niya talagang makalimot, hinding-hindi siya titira sa lugar malapit sa mga taong sumira sa pamilya namin.

Matanda at mahina na si Papa kaya wala na siya sa serbisyo. Naglalakad na nga siya nang may baston dahil hindi na niya kayang i-balanse nang matagal ang sarili kapag naglalakad. Ngunit kahit gano'n, ayaw pa rin niyang mangalawang sa mga natutunan niya noong sundalo pa siya. Kaya kahit mahina na, nag-e-ensayo pa rin siya.

"Ang aga naman niyan," sabi ko dahilan upang matigilan siya sa ginagawang pagpapaputok para lingunin ako. Sandali lang iyon dahil agad niya ring binalik ang sarili sa ginagawa. Ngumisi ako at tumabi sa kanya, hindi inalintana ang lakas ng putok ng baril dahil sanay na. "Huwag mong sabihin na inuna mo ito kaysa sa umagahan?"

"Parang hindi ka pa sanay," aniya nang hindi nilulubayan ng tingin ang target na babasaging bote. "Mabuti na ring gising ka na dahil may pasok ka pa, 'di ba?"

"Mamaya pa." Pinulot ko ang mga nagkalat na bala na nasa katabing monobloc chair at pinaglaruan ito. "Hindi ko nga lang alam kung sa gubat ako i-a-assign ngayong araw."

Huminto siya sa pagpapaputok upang balingan ako. Nanatili naman akong abala sa paghagis at pagsalo ng bala sa ere.

"Bakit?"

"Hindi pa tapos ang pagbigay ng mga donasyon sa nasalanta ng bagyo. Doon muna yata ako para tumulong."

"Kaya na ng iba 'yan!" reklamo niya kasabay ng pagharap niya sa akin, tuluyan nang tinalikuran ang mga bote. "Sa gubat ka dapat, nagbabantay sa mga rebelde."

Bahagya akong natawa. "May gumagawa rin niyan na ibang sundalo kaya huwag kang mag-alala."

Hindi siya nagsalita kaya tinigil ko ang ginagawang paglalaro upang balingan siya. Masama na ngayon ang tingin niya sa akin na para bang dismayadong-dismayado siya sa desisyon ko.

Hindi ko naman ginusto 'yon. Wala rin naman ako sa posisyon para magreklamo kung saan ako i-a-assign.

Umiling siya at muling hinarap ang mga target na bote para patamaan ito. Humalukipkip ako habang pinagmamasdan ang mas agresibo niyang kilos. Kung kanina'y kalmado pa siya, ngayo'y malapit na akong maawa sa mga boteng tinatamaan niya dahil dinudurog niya ito nang pinong-pino.

Kahit hindi sabihin ni Papa, alam ko ang nararamdaman niya. Alam ko kung bakit siya dismayado, gaya ng kung paanong alam ko kung bakit kami nandito. Kung bakit imbes na tumabi kami sa ibang tao, nandito kami sa gubat nakatira na para bang nagtatago.

Alam kong hindi pa rin niya matanggap ang pagkawala ni Mama at ng kapatid ko. Ilang taon na ang nakalipas pero sa bawat araw na dumadaan, nakikita at naririnig ko ang hinagpis niya para sa hustiyang hindi namin nakuha.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Apr 07, 2022 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Like A Boat Tossed On The Raging SeasWhere stories live. Discover now