6

1.1K 65 7
                                    

"NASISIRAAN siguro ng ulo si Carling," nagngingitngit na sabi ni Carolina matapos niyang sabihin dito ang nilalaman ng testamento. "Tatawagan ko si Attorney Remedios. Ikokonsulta natin ang nakasulat diyan. At kung legal nga ang dokumentong iyan." At dinampot na nga nito ang telepono at dumayal.

Nakalabi namang nakamasid lang si Celine. Tumahan na siya sa pag-iyak pero masamang-masama pa rin ang kanyang loob sa kanyang namayapang ama. Dapat sana ay pagdadalamhati ang nararamdaman niya ngayon subalit dahil sa nilalaman ng testamento, hindi niya maiwasang sumama ang loob dito.

Mabuti na lamang at palaging nasa tabi niya ang kanyang Auntie Carolina. Kakambal ito ng kanyang inang pitong taon pa lamang siya nang mamayapa. Marahil kung nabubuhay ang kanyang mama ay ganito din ang itsura. Magkamukhang-magkamukha kasi ang dalawa maliban na lamang sa pagiging tuwid ang buhok ni Auntie Carolina.

Ito na rin ang kinilala niyang ina. Dito siya tumatakbo kapag mayroong ayaw ibigay sa kanya ang kanyang ama. Her aunt was such a spoiler. Hindi na niya mabilang kung gaano karaming beses na nagkaroon ito ng argumento at ang kanyang papa dahil lamang sa kanya. Ang mga bagay na ayaw ipagkaloob sa kanya ng kanyang papa ay ito ang nagbibigay—maging materyal man iyon o hindi.

Grade six pa lamang siya ay marami na siyang manliligaw. Hindi iyon ikinatuwa ng kanyang papa subalit taliwas naman sa naging reaksyon ng kanyang tiya. Para dito ay natural lamang daw iyon sa isang batang kagaya niya na maganda.

Maganda at matalino na, mayaman pa. Iyon ang naging tatak niya sa buong San Ramon bilang unica hija ni Carlito Katigbak. Noong tumuntong siya sa high school ay lalo nang dumagsa ang manliligaw niya. Iyon din ang panahong nagkakaroon na siya ng crush kaya naman tila siya kinikiliti palagi lalo at ang crush niya mismo ay nanliligaw din sa kanya.

Kunsintidorang numero uno ang kanyang tiya kaya doon pumupunta ang mga manliligaw niya. Doon bumabagsak ang mga bulaklak na karaniwang pinitas lamang sa bakuran ng kung kaninong may bakuran. Nang sagutin niya ang crush niya, mas kinilig pa ang Auntie Carolina niya. Bahagi daw ng high school life ang magka-boyfriend.

Nang malaman iyon ng kanyang papa ay nagalit ito at sinugod ang kanyang tiya. Nagkasagutan ang dalawa. At ang sumunod na nangyari ay iniluwas siya ng Maynila ng kanyang papa at ipinasok sa isang exclusive school for girls. Sa isang mamahaling dormitoryo siya itinira.

Pero sabi nga ng Auntie niya, walang magagawa ang kanyang papa kung sundan siya ng mga manliligaw dahil nga maganda siya. Mas marami siyang naging manliligaw sa Maynila. Bakit hindi ay exclusive school for boys naman ang katapat ng kanyang pinapasukan. Tuwing uwian, nagkikita sa kalye ang mga lalaki at babae.

She had another boyfriend. Kasabwat niya ang kanyang tiya dahil madalas itong lumuluwas upang dalawin siya.

Nang tumuntong siya sa kolehiyo ay nagkaroon din ng diskusyon sa pagitan ng kanyang ama at tiya. Gusto ni Carling na kumuha siya ng Business Management dahil magagamit daw niya iyon kapag siya na ang mamamahala sa mga negosyong ipinundar nito. Ayaw niya. Hindi siya interesado sa business dahil ang alam lang niya ay ang gumasta. Mas interesado siya sa Fashion Designing—kursong sinegundahan ng kanyang tiya at dahil ipinilit niya sa ama. Pero hindi rin naman siya nakatapos. Mas nag-enjoy siya sa paglalakwatsa at pakikipagligawan. Ipinagwalang-bahala niya ang pag-aaral.

Subalit kalaunan ay nalaman din iyon ng kanyang papa kaya naman nag-away na naman ito at ang kanyang tiya. Sinumbatan nito si Carolina na kinukunsinti kasi siya. Subalit wala namang dapat na sisihin sa paghinto niya sa pag-aaral kundi siya lang mismo.

Iniuwi siya ng kanyang papa sa San Ramon. Bantay-sarado siya subalit wala itong magawa kapag gusto niyang pumunta sa kanyang Auntie Carolina. Kasama kasi nito sa bahay ang kanyang abuela—na noon ay nabubuhay pa—na isa pang kunsintidora sa mga nais niya. Ang kanyang abuela ang idadahilan niyang dadalawin at wala nang magagawa pa ang kanyang papa.

Palibhasa ay may likas siyang hilig sa moda, hindi man nakatapos ay hindi iyon naging hadlang sa personal style niya. She was always trendy at mga mamahalin din ang gamit niya. Pareho sila ng tiya na pusturyosa. Always in style, always classy.

Malaki ang naging impluwensya nito sa kanya. Mahal niya ito na para na niyang ina.

"Pupunta daw si Attorney Remedios ngayon din," pukaw nito sa kanya.

Tumango siya. Kinuha niya ang cellphone dahil tumunog iyon. "Huh!" react niya nang mabasa ang text message. "Nagpunta na daw ang herodes kay Attoryney Balatbat! Di, alam na niya ngayon na gusto ng papa na magpakasal kami? Hindi ako magpapakasal sa kanya. Manigas siya!"

"Calm down, hija. Magkaka-wrinkles ka agad niyan. Wala sa lahi natin ang kumukulubot ang balat. We are ageless, Celine," kalmanteng sabi sa kanya ng tiya.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

You can also vote and comment if you like.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

LA CASA DE AMOR - CLAUDIOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon