SIMULA

260 40 3
                                    

Liwanag ang s’yang bumubulag sa dilim, sumasakop sa karimlan, at kumikitil sa kasamaan. Ang munting sinag sa gitna ng dilim ay s’yang prutas ng kalangitan, isang simbolo ng kaluwalhatian ni Bathala. Ilang siglo, dekada, o taon man ang lumipas ang paniniwalang ito ang nagsisilbing sandigan ng mga buong pusong naglilingkod, at nagbibigay pugay sa espirito ni Bathala dahil ayon sa banal na kasulatan, ang katapusan ay malapit ng maganap.

Kung saan ang liwanag na pinagkakaingatan ng mga tao ay wawakasan ng kadiliman at ang katapusan ng kabutihan ay magiging simula para sa kasamaan. Na sa bawat pagtangis at paghiyaw ng mga tao, ang Kaluwalhatian ay mananatiling bingi at ang Kalupaan, Kalawakan, at Katubigan ay magbubulagbulagan dahil ang kasakiman na kinukubli ng kadalisayan sa bawat isa ay dahan-dahang uusbong at magbibigay buhay sa bagong Karimlan.

“Tayo’y tumungo’t ipikit ang ating mga mata. Saglit yakapin ang katahimikan, at damhin ang prisensya ni Bathala.” Mula sa entablado, ang tinig ng pastor ay umalingawngaw sa apat na sulok ng simbahan.

Tumungo’t pumukit ang lahat nang nakikinig at maging ang kanilang mga kamay ay kanilang pinagdikit, malugod silang nagpasalamat sa panibagong araw, humingi rin sila ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan na nagawa at magagawa pa, may ilan din na dumaing at humuhingi ng himala upang makamit ang ninanais nila sa hinaharap.

At habang ang lahat ay nagpapakalunod sa prisensya ni Bathala, may isang binatilyo ang pinapanood lamang sila. Nakasimangot ito habang pinagmamasdan ang malaking krus sa likod ng pastor, sinasambit sa kanyang isip ang matinding galit para sa Poong Maykapal.

“Akala ko ba’y nagpapatawad ang may gawa ng kaluwalhatian at kalupaan, sino man o ano man ang kasalanan?” Matabil na tanong ng binatilyo sa kanyang isipan. Dahan-dahan na napalitan ang simangot nito ng isang ngisi nang maramdaman niya ang malakas na bugso ng hangin sa bintana. “Marahil ay hindi alam ng mga tangang ito na nakararamdam ng poot at galit ang kanilang d’yos, na hindi lahat ay nagagawa mong mapatawad, na isa kang huwad na kinukubli ang sarili sa kanyang mga alagad.”

“Falcon!” Isang tapik sa siko ang naramdaman ng binatilyo, nilingon niya ang may edad na babae’t nanumbalik ang kanyang pagkabugnot. “Makinig ka kay Pastor Larry. T’wing linggo na nga lamang tayo nag-sisimba, hindi ka pa nakikinig. Pumikit ka’t humingi ka ng kapatawaran kay Bathala, magpasalamat ka rin sa kabutihan sa ating paligid.”

Pinikit ni Falcon ang kanyang mga mata ngunit may dalawang bagay na hindi sinunod ang binatilyo. Iyon ay ang humingi ng tawad at magpasalamat.

“Tandaan mo ito, Bathala. Kahit ilang siglo, dekada, o taon mo pa akong parusahan at dalhin sa isang pamilyang buong pusong sumasamba sa’yo. Hinding-hindi ako tatalikod kay Sitan.”

Isang malambing na halakhak ang sumakop sa loob ni Falcon, “Nagkakamali ka, aking anak. Hindi kita pinarurusahan. Ang lahat ng aking ginagawa ay bunga ng walang hanggang pagmamahal ko sa’yo.”

“Isang hunghang din pala ang tulad mo. Hindi mo ako anak. Mula ako kay Sitan. At hindi mo iyon mababago kahit ikaw pa si Bathala.”

“At si Sitan ay mula sa akin, ang kaluwalhatian ko’y dumadaloy pa rin sa inyo, at bilang ama ninyo, ang nais ko lamang ay maging tuwid ang baluktot niyong pananaw.”

Sa mga mata ni Falcon, ang prisensya ni Bathala ay isang mitsa ng kanilang katapusan. Dahil sa ilang dekada niyang pamumuhay sa iba’t-ibang anyo, kanyang naranasan ang mahigpit ngunit dalisay na pamumuno ni Bathala. At bilang kanang-kamay ni Sitan, ang mga mata ni Bathala ay palaging nakamasid sa kanya—sa bawat pagkilos, sa bawat anyo, at sa bawat pagkabuhay ni Falcon.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Feb 14, 2022 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Tikatik ng AlabokTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon