Prologo

1.7K 128 42
                                    


NAKAPANGALUMBABA akong nakatingin sa labas ng classroom, nilalaro ko ang ballpen ko sa pagitan ng aking mga daliri. Pinagmamasdan ko lang ang mga estudyante sa Department namin na mga naglalakd papunta sa kani-kanilang klase.

"Last 10 minutes." sigaw ni Sir Anthony at nagmamadaling magsagot ang mga kaklase ko at may ibang humingi pa nang extension ng oras. "Anong 30 minutes pa? May sunod na klase pa ako. Ang dali-dali na nga ng exam, kung talagang nag-review kayo ay madali ninyo lang 'yan masasagutan."

Tiningnan ko ang test paper ko, Advance Calculus  ang exam namin, puro show your solution ang bawat equation sa exam. May ilang blangko ako na hindi ko na sinagutan kasi hindi ko alam kung paano i-solve pero confident naman ako na makakalahati ko man lang ito.

"Ethan," narinig kong bulong ni Ren habang sinisipa ang upuan ng armchair ko. Saglit siyang sumulyap kay Sir Anthony kung nakatingin ito, noong makahanap ng tiyempo ay bumaling ulit ang tingin niya sa akin. "Anong sagot mo sa number 8?" tanong niya nang pabulong.

Chineck ko ang test paper ko. "Wala, blangko." Pinakita ko pa ang makinis na parte ng test paper ko na hindi ko na talaga tinangka i-solve.

Hindi naman din ako tamad na estudyante, basta alam ko naman na lagpas kalahati ang makukuha kong score sa exam ay hindi ko na sinasagutan 'yong mahihirap. Hindi ko naman pangarap maging Cumlaude, ang gusto ko lang ay pumasa at grumaduate.

Sa nalalabing minuto ay dinukdok ko ang ulo ko sa armchair. Ipinikit ko ang aking mga mata.

Sa muli kong pagdilat ay parang nasa kawalan ako. Isang mababaw na tubig ang inaapakan ko habang napapaligiran ng tubig ang buong paligid. Asul din ang kulay ng kalangitan na nagkakaroon ng repleksiyon sa tubig.

"Nasaan ako?" Mahina kong bulong sa aking sarili. Nanaginip ba ako? Pero bakit parang totoo? Ramdam ko ang tubig sa aking paa, malamig na simoy ng hangin at madidinig sa paligid ang mahihinang hampas ng alon.

"Wala na ngang masagot sa exam, nabaliw pa." Reklamo ko sa sarili ko habang pinagmamasdan ang paligid.

Hinakbang ko ang aking paa upang maghanap kung may daan ba papaalis dito. "Kailangan namin nang tulong."

Isang hindi pamilyar na boses ang narinig ko mula sa aking likod. Pagkalingon ko ay napahakbang din ako papaatras. "Sino ka?" Kunot-noo kong tanong dahil kung panaginip ito ay hindi pamilyar ang mukha niya.

Mahaba ang itim nitong buhok at may suot na katutubong damit na animo'y nagmula siya sa unang panahon. Hinakbang nito ang paa nito papalapit sa akin. "Kailangan namin nang tulong ng isang mortal na gaya mo. Isang mortal na magliligtas sa sa bangungot ng aming Bayan."

"A-ano? Iligtas nga ang sarili ko sa exam, hindi ko magawa. Buong Bayan pa kaya?" Sabi ko sa kaniya. Hindi niya pinansin ang aking sinabi.

Diretso lamang siyang naglalakad habang diretsong nakatingin sa mata ko. Hindi ko magawang tumakbo o umatras dahil parang nabato ako sa aking kinatatayuan. Inilatag nito ang kamay nito habang papalapit sa akin. "Ang mortal na nakasaad sa Propesiya na mag-uukit ng magandang kinabukasan sa aming bayan. Sumama ka sa akin. Tulungan mo kami."

Maingat ang bawat paghakbang nito at habang papalapit siya sa akin ay nakaramdam ako ng kaba.

Ipinikit ko ang aking mata at sa muli kong pagdilat ay nasa Classroom na kami. "Gulat na gulat ka?" Natatawang sabi ni Ren. "Pass your papers na daw, tinulugan mo lang kami." Dugtong niya pa habang nilalagay ang mga gamit niya sa kniyang bag.

Nagmamadali akong ihabol ang test paper ko. "Mr. Ramirez, sa susunod ay hindi ko na tatanggapin ang test paper mo sa oras na makita kitang tinutulugan ulit ang exam." Hinablot ni Sir ang test paper at nakahinga ako ng maluwag.

Orasa: Pagbalik ng OrasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon