KABANATA 1

180 16 1
                                    

Sa gitna ng kumpulan ng mga tao, pinilit kong makipagsiksikan upang makaiwas sa kanila dahil may posibilidad na makilala ako ng mga ito. Kahit pa nakasuot ako ng kulay itim na balabal, hindi ko pa rin mapigilan na hindi kabahan. Lalo pa't maya-maya lang ay natatanggal ito dahil hindi ako sinasadyang mabangga ng mga taong nakakasalamuha ko sa daan. Minsan din ay dahil natatangay ng malakas na hampas ng hangin ang balabal na suot ko dahilan para makita ang buo kong mukha. Mabuti na lamang at palagi akong alerto kaya naaayos ko agad ang balabal na tumatakip sa aking mukha.

Nasa pamilihan ako ng aming Kaharian kaya malamang sa malamang, kilala ako ng lahat ng narito. Isang maling kilos ko lang, maaari nilang malaman na ako ang nag-iisang Anak ni Haring Lauro at ang tanging tagapag-mana niya.

Hindi nila ako maaaring makilala.

"Paumanhin po, makikiraan lamang po," nakayuko kong ani sa tuwing may nababangga ako.

Kailangan kong magmadali upang makaalis na rito. Dahil kung hindi, paniguradong maaabutan ako ng mga kawal ni Ama. Alam kong kasalukuyan na nila akong pinaghahanap sa buong Kaharian. Makapangyarihan ang aking Amang Hari at walang dudang mahahanap niya ako kapag hindi ako magmadaling makaalis sa lugar na ito.

Dahil wala ako sa pokus at nagkakaundagaga akong maglakad, hindi ko napansin ang makakasalubong kong babae na may hawak ng bilao na puno ng mansanas. Hindi ko siya sinasadyang mabangga at lalong hindi ko ginustong matapon sa lupa ang dala-dala niyang mga mansanas.

"Ang aking mga paninda!" bulyaw nito.

Ang atensiyon nito ay tinuon niya sa mga nahulog na mansanas. Agad na yumuko ang babae at isa-isang pinulot ang mga paninda bago pa ito matapakan ng mga taong nagsisidaan.

"P-Pasensiya na po, hindi ko po sinasadya." Yumuko ako para tulungan siyang mamulot ng mga nahulog na mansanas. Marami-rami rin iyon dahil malaking bilao ang kaniyang dala at puno ito ng pulang-pulang mga mansanas.

Hahawakan ko na sana ang mansanas na natapon malapit sa akin upang matulungan ang Aling nakabanggaan ko ngunit bago ko pa ito mahawakan, tuluyan na itong naapakan ng taong dumaan. Napapikit ako kasabay nang pagtapak nito sa mansanas dahil hindi ko maatim na masaksihan kung paano mapitpit ito sa ilalim ng suot na sapatos ng taong iyon.

"Oh, hindi ko sinasadya, binibini."

Napatingala ako nang marinig ang matikas na boses ng isang binatilyo.

Nagkasalubong agad ang aming paningin dahil ito'y nakadungaw sa akin.

Hindi agad ako nakasalita dahil sa ganda ng kaniyang mga mata. Tila hinihikayat ako nitong makipagtitigan sa kaniya nang matagal. Ngunit hindi rin iyon nagtagal dahil nabaling ang atensiyon ko sa babaeng nabangga ko.

"Nakita mo na ang iyong ginawa sa aking mga paninda? Dahil hindi mo tinitingnan ang iyong dinaraanan, hanap-buhay ko ngayon ang naapektuhan!" Galit na galit itong nakatingin sa akin. "Paano ko ngayon ibebenta ang mga ito, ha?"

Sa buong buhay ko, ngayon ko lang naranasan ang masigawan ng ibang tao.

Ako ay lumaking ginagalang ng lahat ng taong nasasakupan ng aking Ama. Nasanay akong tinitingala ng lahat at wala ni isang reklamong matatanggap mula sa kanila.

"Naku! Kawawa naman pala si Manang," singit ng lalaking nakaapak sa isang mansanas. Hindi pa pala ito umaalis. "Binibini, dapat ay nag-iingat ka nang wala kang naaabalang ibang tao."

Bigla akong nakaramdam ng pagkainis sa lalaki.

Hindi ko naman iyon sinadya at lalong hindi ko iyon ginusto!

"P-Pasensiy--"

Hindi ko naituloy ang aking sinasabi dahil sa ingay na namayani sa paligid.

"Alam niyo na ba ang balita?" pagpukaw ng atensiyon ng isang malakas na boses sa lahat ng taong narito ngayon.

Ever After #12: Wish Upon A TalaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon