CHAPTER ONE

211K 3.9K 121
                                    

***** CHAPTER ONE *****

"Mama, ayan ka na naman sa mga kinukwento mo sa mga bata. Itigil mo na nga iyan. Kaya lumalawak ang imahinasyon ng mga iyan, eh. Sa halip na pag-aaral ang inaatupag nila, nagpapalipas nalang ng oras sa mga ganyang kwento," galit na saad ni Melisa, na siyang ina ni Frances. Ayaw na ayaw nitong kinukwentuhan niya ang mga bata ng kung anu-ano. Lalo na kung tungkol ito sa mga bampira. Lason sa isip, 'ika niya.


Hindi sumagot ang matanda, dahil sa pagkapahiyang naramdaman. Napayuko ito na siya namang napansin naman ni Frances.


"Ma, katuwaan lang naman ito. Wag mo na'ng palakihin pa," tugon ng dalaga. Sa isip niya ay ganoon talaga ang ugali ng kanyang ina, laging pinapalaki ang mga maliliit na bagay. Palaging big deal sa kanya kahit hindi naman dapat.


"At kailan ka pa natutong makisali sa usapan ng matatanda, ha? Kayo rin eh, tuwang tuwa kayo sa mga kalokohang sinasabi ng Lola niyo." Mas lalo pang tumaas ang boses ni Melisa sa puntong iyon.

Talaga bang magagalit ang kanyang ina dahil lang sa isang kwento?


"Tita, sobra naman po yata kayo, nagkukuwentuhan lang naman po kami. Hindi po sapat na dahilan iyon para bastuin niyo si Lola," sabat ni Mickey. Kahit sila ni Julian ay hindi rin maintindihan kung bakit ganoon na lamang ang reaksiyon nang kanilang tiyahin. Hindi nila maintindihan kung ano bang ipinaglalaban ni Melisa.


Ang matanda ay nanatiling tahimik, ayaw niya kasing patulan pa ang kanyang anak. Napaluha na lamang ito sa inaasal ng anak. Napakatigas ni Melisa, talaga nga yatang nagbago na ito nang tuluyan.


Ang dating malambing na anak na mahal na mahal niya ay nawala na. At hindi na kailanman babalik pa.


  
Noon, kilala si Melisa bilang isang babaeng pala-ngiti. Siya ang babaeng pinapangarap na mapangasawa ng bawat lalaki sa mundo at maging anak ng bawat ina. Sino ba naman ang hindi matutuwa sa kanya? Mabait, matalino, masipag at maalaga, kaya naman lahat ng tao ay gustong-gusto siya.


Ngunit matapos ang nangyari sa kanya, dalawampu't isang taon na ang nakararaan, nagbago ang dating Melisa na kilala ng lahat. Ngayon ay lagi na siyang galit sa mga tao at sa mundo na tila ba lahat ng problema sa mundo ay pasan niya.


Sa gitna ng pagtatalo nilang iyon, unti-unting bumalik sa alaala ng matanda ang lahat ng nangyari noon...



"Aling Cora, hindi ho talaga namin makita si Melisa. Pero may natagpuan kaming kwintas sa gubat. Pakikumpirma nalang po kung sa kanya nga ito," sabi ni Ramon. Ito ang kapitan ng barangay na siyang namumuno sa paghahanap kay Melisa sa gubat kasama ang lapat pang kalalakihan. Kagabi kasi, matapos itong umalis ng walang paalam ay hindi na ito bumalik pa sa kanilang bahay.


Nanginginig na inabot ni Aling Cora ang kwintas at napaluha nang makumpirmang sa kanyang anak nga iyon. "O-Oo.. Kay Melisa nga iyan," garalgal ang boses nito habang inaabot ang kwintas.


Pumasok sa isip niya na mayroon nang masamang nangyari kay Melisa, dahil alam niyang hinding-hindi nito huhubarin ang kwintas na iyon na bigay pa ng kanyang yumaong ama. Matinding pangamba ang naramdaman nito. Anong posibleng nangyari sa anak na siyang dahilan ng pagkahulog ng pinakaiingatan nitong kwintas?


"Maghahanap ho uli kami mamayang gabi, at babalitaan namin kayo kapag nakita namin siya," saad ni Ramon.


Tumango lamang si Aling Cora habang mahigpit na hawak ang kwintas na mayroong kulay pulang kristal na napapalibutan ng dyamante.


Lumipas ang mga araw, linggo, at buwan, ngunit walang nakitang bakas ni Melisa sa kahit saan. Ni hindi ito umuwi o tumawag man lang upang ipaalam ang kanyang kalagayan. Inisip ng mga tao sa bayang iyon na baka daw ito ay pinagsamantalahan ng kung sino, pinatay, o di kaya'y hostage. Sabi naman ng ilan, marahil ay lumayas at nagtanan daw. Ngunit hindi naniniwala si Aling Cora, alam niyang hindi ganoon ang kanyang anak. Responsable ito at hindi kailanman gagawa ng ikapapangamba ng ina.


"Paano ho ba ito, Aling Cora? Eh; hindi ho talaga namin makita ang anak ninyo. Napapagod na ho kami, tatlong buwan na naming hinahanap ang anak ninyo. Sa totoo lang, mahirap hong hanapin ang ayaw magpakita," saad ni Ramon.


Tiningnan niya sa mata ang lalaki na nagpapahiwatig na hindi niya nagustuhan ang sinabi nito. "Ano'ng ibig mong sabihin?"


"Hindi kami nag-iisip na may masamang nangyari sa anak ninyo, pero wag ho sana ninyong alisin ang posibilidad na nakipagtanan ngang talaga si Melisa. Malamang ay ayaw na niyang magpakita sa inyo," aniya.


Nag-init ang dugo ng ginang. Ayaw niyang hinuhusgahan o pinaparatangan ng kung anu-ano ang kanyang anak. Bukod kanino man, siya ang higit na nakakakilala sa sariling anak. Sigurado siyang hindi makikipagtanan si Melisa dahil wala naman itong nobyo. At isa pa ay nangako itong ipakikilala sa kanya ang magiging boyfriend kung sakaling magkaroon siya nito.


"Ang sabihin ninyo ay ayaw na ninyong maghanap! Huwag ninyong paratangan ang aking anak!" sigaw niya, dahilan upang mapayuko ang limang kalalakihan. Tama siya, ayaw na ng mga itong hanapin pa ang nawawalang dalaga.


Katwiran nila'y nakakapagod na raw. Ngunit hindi niya masisisi ang mga ito. Hindi nila kaanu-ano si Melisa, wala silang mapapala sa pagtulong sa kanya. Dahil doon ay hindi na niya pinilit pa ang mga ito na ipagpatuloy ang nasimulan.


Si Aling Cora ang kusang naghanap sa kanyang anak, umaga hanggang gabi. Nagbitiw na ito sa pinagtatrabahuhan para pagtuunang pansin ang paghahanap. Halos hindi na ito kumain, mahanap lamang ang anak. Subalit hindi ito nagtagumpay.
  
 


Makalipas ang isang taon, muling pumasok sa bayan si Melisa. Galing ito sa gubat. May suot itong itim na blusa at may bitbit na sanggol na umiiyak. Maayos naman ang kanyang itsura, ngunit ang dating palangiting babae ay naglaho na. Walang emosyon na makikita sa kanyang mukha. Wala itong imik, ngunit tila nasa maayos na kaisipan.


Pinagtinginan at pinagbulungan siya ng mga tao.


"Nakita mo na! Nakipagtanan nga! Iniwan siguro siya ng kinakasama niya," bulong ng isa.


"Hindi na siya nahiya sa kanyang ina! Kaawa-awa ang sinapit ni Aling Cora para hanapin siya, iyon pala ay sumama sa lalaki. Nagpabuntis pa!"

Walang nakakaalam sa tunay na nangyari kay Melisa. Maraming sumubok magtanong o mag-usisa, subalit wala siyang pinagsabihan ng nangyari kahit ang kanyang ina. Hanggang sa lumaki ang sanggol, hindi na rin nasilayan pa ang mga ngiti ng dating masiglang si Melisa..


***


"PUMASOK NA KAYO SA LOOB!" sigaw ni Melisa habang nakaturo sa pintuan papasok ng bahay. Wala nang nagawa kundi sumunod ang tatlong magpipinsan. Nang masiguro niyang wala na sila, muli niyang binalingan ang kanyang ina.


"Mama naman, nakikiusap ako sa inyo. Pinaalalahan ko na kayo noon, hindi ba? Wag na po kayong magkuwento ng tungkol sa bampira sa mga bata, lalong lalo na kay Frances," kalmadong saad nito.


"Hindi kita nauunawaan, anak. Bakit? Ano bang problema? Bakit sa tuwing nababanggit ko ang mga bampira, nagkakaganyan ka?" saad ng matanda. Nabigla ito nang sa isang iglap ay nagbago ang ekspresyon ng anak. Ang tono ng pananalita nito ay biglang tumaas.


"Hindi mo na kailangang malaman. Tapos na iyon!" sagot nito at tinalikuran ang ina.



  
****


"Ang weird ng mama mo, ano? Parang sobrang laking bagay naman yata sa kanya na kinuwentuhan tayo ni Lola," wika ni Julian. "Hindi naman iyon totoo." Naroon sila ngayon sa salas ng bahay, nakaupo sa sofa at nagkukuwentuhan.

Tumango siya. "Iniisip ko nga rin iyan. Kahit ako ay walang ideya kung bakit ganoon ang asal niya. Pasensya na kayo, ha?"


"Buti nakakatiis ka sa kanya," sabat ni Mickey habang nagpipi-pindot sa cellphone nito.


"Syempre, nanay ko pa rin naman iyon," nakayukong tugon ni Frances. Maayos naman makitungo sa iba ang kanyang ina. Hindi nga lang nakikipagkaibigan si Melisa sa iba, pero hindi ito bastos sa harapan ng mga tao. Kaya ganoon na lamang ang kanyang pagtataka kung bakit biglang nagbago ang ugali nito nang marinig ang salitang bampira.


"Pero hindi ka ba nagtataka kung bakit ganoon ang naging reaksiyon ng Mama mo?"


"May mga pagkakataon na ganoon nga ang pakiramdam ko. Para kasing OA na eh," sagot ni Frances.


"Sobrang nagalit siya nung narinig niya 'yung mga kuwento tungkol sa bampira. Hindi kaya niloko siya ng isang bampira dati? Cheater, ganoon!" tumawa si Mickey.


Umiling si Julian at nakisali sa usapan. "Imposible. Eh di sana hindi natin kasama itong pinsan natin. Malamang bampira siya ngayon."


"Sabagay."


Nagkibit-balikat siya. Ano nga bang meron sa mga bampira na talagang ikinagalit niya? May malalim bang dahilan sa likod nito?

Prince of the VampiresWhere stories live. Discover now