NASA STUDIO si Mica at abalang-abala. Hindi lang kasi pagkuha ng litrato ang mayroon siya doon. Mayroon din siyang editing room para sa video. Mayroon siyang staff na iyon ang expertise subalit inaalam din niya ang pasikot-sikot niyon. Matapos siyang magbigay ng ilang suhestiyon sa ine-edit nitong video, bumalik siya sa kanyang opisina at doon ininspeksyon ang trabaho ng layout artist niya.
Siya ang personal na nagdisenyo ng mga template na ginagamit ng layout artist niya. Pero dahil hindi na niya kakayaning mag-isa ang trabaho sa dami na rin ng kliyente niya, kinailangan na niyang mag-hire ng tao.
"Ate, naka-set up na sa studio ang mga ilaw," sabi sa kanya ni Dondon.
Tumango siya at nagtungo na sa studio. She checked the light. Ilang beses na ini-adjust niya iyon at pagkatapos ay inutusan si Dondon na maupo sa gitna.
"Diyan ka lang," aniya dito at ini-adjust uli ang mga ilaw. Mayamaya ay hawak na niya ang camera at nagsimulang pumindot. "Huwag kang aalis, ha?" Hinawi niya ang kurtina at tinawag ang sekretarya niya. "Marlyn, dito ka nga sandali."
Pinag-pose niya ang dalawa at muli ay inayos ang ilaw. "O, bahala kayo. Mag-pose kayo kung gusto ninyo," sabi niya sa dalawa. Magkasintahan ang dalawa kaya naman ganado pa ang mga itong mag-emote sa harap ng camera. Pabor naman iyon sa kanya. Ang dalawa ang subject niya kapag nag-e-expoeriment siya ng mga kuha.
"Ate, pahingi kami ng print, ha?" sabi sa kanya ni Marlyn nang matapos ang pictorial.
"Oo, mamaya. Ikaw na ang mag-print ng gusto mong kuha." Palabas na sana siya ng studio ay nagulat siya nang makitang may paparating. "Christian!"
Maluwang ang naging ngiti nito sa kanya. "Hi! Hindi ba ako nakakaabala?"
"Of course not! Sorpresa pa ito, ah? Hindi mo sinabi sa akin kanina na pupunta ka dito." Magkasalo sila sa almusal kanina. Ang natatandaan lang niyang itinanong nito kanina ay kung maglalagi siya sa studio.
"Nakahiyan ko, eh. baka mamaya sabihin mong may iba kang lakad. Nagbaka-sakali lang naman ako. Kung nakakaabala ako, aalis na ako."
"Sus! Drama!" kantiyaw niya dito.
"Ito pala ang studio mo," anito at luminga sa paligid. "Ang lamig, ah."
"Naka-todo ang aircon. Kailangan kasi dahil mainit ang mga ilaw. Mahahalata sa kinukunang tao kapag inaalinsangan sila o hindi sila kumportable. Isa pa, ako man din, kailangang kumportable ako."
"Ang dami mong ilaw," pansin nito.
"Bago ang mga iyan," proud na sabi niya. "Katatapos nga lang naming mag-experiment. Magsisimula na kasi akong gumamit ng three-dimensional lighting. Iyon na ang kalakaran ngayon."
"3-D? naririnig ko na nga ang ganyan."
Tumango siya at sandaling nagpaliwanag tungkol doon.
"Patingin naman ng kuha mo," hiling nito sa kanya mayamaya.
"Sure!" At inaya niya ito sa kanyang opisina. At sabay na nilang tiningnan sa computer ang mga kuha.
"Mas nama-manipulate pala ang isang anggulo sa 3-D lighting," komento ni Christian.
Napatango lang siya habang titig na titig pa rin sa computer. "May kulang pa. Mayroon pa akong dapat na i-adjust," aniya at tumingin dito. "Do you mind kung bumalik ako sa studio? Kukunan ko sila uli."
"Do you mind kung sumama ako? Gusto ko sanang makita kang nagtatrabaho."
"Ikaw, kung hindi ka mababagot."
"Mas mabo-bored ako tiyak kung iiwan mo ako dito mag-isa."
Hindi naman nakialam si Christian sa diskarte niya. Mayamaya lang ay tinawag na niya sina Dondon at Marlyn.
BINABASA MO ANG
Wedding Girls Series 24 - Jamaica
Romance"Shit! Ano ba?" angil niya nang mabunggo niya ang paparating na lalaki. Pakiramdam niya ay isang pader ang nabangga niya. Mabangong pader dahil mabilis na nanuot sa pang-amoy niya ang samyo ng Hugo Boss. "Huwag kang mataray, miss. Ikaw na nga itong...