ISHBMP

138 61 15
                                    

I Should Have Broke My Promise
by rulerofthepen

[ Trigger Warning: Suicide ]

Pauline's POV

"Oh, huwag ka nang umiyak."

Napatitig ako sa ice cream na nakalahad sa tapat ng mukha ko. Mula sa kamay ay nag-angat ako ng tingin papunta sa mukha niya. Si Miguel o Migs, ang kababata ko.

Humahagulgol kong kinuha ang ibinibigay niya kaya tinawanan niya ako.

Tuwing nag-aaway ang mga magulang ko ay rito ako lagi sa parke umiiyak. Wala nang mga bata na nagpupunta rito para maglaro dahil tinanggal na lahat ng maaari nilang paglibangan; gagawin na kasing convenience store ang lugar na ito.

"Kumusta na ang pakiramdam mo, Pau?" tanong ni Migs matapos kong magkwento at mapayuhan.

"Ayos naman na. Salamat, Migs."

"Basta ikaw! Oh paano, hatid na kita? Uuwi na rin siguro ako pagkatapos, baka tapos na rin kasi ang live-action sa bahay. May nagliliparan na namang gamit kanina eh." Tumawa siya at ginulo ang nananahimik kong buhok. Napangiti ako dahil doon, napagagaan kasi niyon ang loob ko.

Halos parehas lang ang sitwasyon naming dalawa dahil madalas din magtalo ang mga magulang niya; kaya siguro naiintindihan niya lagi ako.

Ngunit 'di tulad ko, parang wala lang sa kaniya ang mga ganitong problema na lagi kong iniiyakan. Natatakot kasi akong maghiwalay sila nanay, at maging isa ang pamilya namin sa tinatawag na 'broken family'.

"Oh, Miggy, rito ka na maghapunan," anyaya ni nanay na kasalukuyang naghahain ng pagkain.

Si tatay ay nakaupo na sa harap ng hapag-kainan. Sa ngiti at aura nilang dalawa ay natitiyak kong nagkaayos na sila. Nakahinga naman ako nang maluwag at tila nabunutan ng tinik sa dibdib.

"Sige po, tita. Salamat po." Nagmano siya kay nanay na siyang ikinalawak ng ngiti ko, ganoon din ang ginawa niya kay tatay.

Habang kumakain ay nagbibiruan silang tatlo. Siya talaga yata ang anak nila nanay at hindi ako.

Noon ko lang din napansin na nakapang-alis si Migs, minsan ko lang siyang makitang nakabihis nang magara ngunit ikinabusog iyon ng mga mata ko. Lumilitaw ang kagwapuhan niya lalo't nakaayos siya.

'Hays, Migs. May jowa ka na ba, p'wedeng ako na lang? Charot!'

"Tita, tito... tuwing nag-aaway po kayo huwag niyong ipakikita o ipahahalata sa batang 'to." Ginulo niyang muli ang buhok ko dahilan para mabalik ako sa reyalidad.

Aba't tinrato pa akong bata, mas matanda lang naman siya ng isa't kalahating taon sa akin. Disi-otso na ako 'no!

"Nauubos po kasi 'yung pera ko kabibili ng ice cream para mapatahan siya," pabirong dugtong pa niya.

Napanguso ako nang tawanan nina nanay at tatay ang sinabi niyang iyon. Sino ba talaga ang anak niyo? Minsan na nga lang ako masali sa usapan; binubully pa ako. Nakakatampo kayo ha.

Hindi naman na iba sa amin si Migs, bata pa lang kami ay lagi na kaming magkasama at anak na rin ang turing sa kaniya nila nanay—kaya siguro kapatid lang din ang tingin niya sa akin. Hays.

Pagkatapos kumain ay nagyaya siyang magtambay sa may upuang gawa sa kahoy, sa tapat lang naman iyon ng bahay namin kaya pinayagan ako nila nanay kahit gabi na.

"Ang sarap sigurong maging parte ng pamilya niyo," nakangiting sabi niya habang nakatitig nang diretso sa mga mata ko.

Gusto kong mag-iwas ng tingin ngunit hindi ko magawa. Kumabog ang dibdib ko, kakaiba kaysa sa dati, mas malala. Sa pagkakataong iyon, napagtanto ko na hindi ko na mapipigilan kung ano man ang nararamdaman ko para sa kaniya.

What's Inside: Brain's Last Cells to ScenesWhere stories live. Discover now